Maganda ang tulog ko at nakabawi sa ilang mga gabing hindi ako kumportable sa kama dahil sa dami ng aking iniisip. Una kong nakita ang sinag ng araw na sumisilip sa bintana. Ngumiti agad ako.
Walang assignments, walang ka-chat, walang problema sa college --- ano pa bang masamang mangyayari ngayong araw?
Kaya matapos kong maligo ay nagkape ako sa kusina. Hindi ko nakita si lola. Pero naririnig ko naman sa likod ng bahay namin ang agos ng tubig, ang washing machine, at... tawanan?
May katawanan si lola?
May tuwalya ako sa buhok at nagdadala ng mug na may lamang kape habang papunta ako sa likod ng bahay. Mukhang naglalaba si lola. Kasama niya kaya si Ate Tricia? Ang aga pa, ah?
"Oh, hijo, pakisampay nga 'yung mga puti," rinig kong sabi ni lola.
"Opo!"
Si Laurent ba iyon?
Dahil sa boses niya ay agad akong napadali sa paglalakad at talagang nahulog agad ang panga ko nang makita siyang tinutulungan si lola sa paglalaba. At ang mas lalo pang nanlaki ang aking mga mata nang makitang may dala siyang basket ng mga isasampay na basang damit.
"Anong ginagawa mo na naman dito?!" naibulalas ko, dahilan upang mapatingin sila sa aking gawi. "Laurent!"
May maluwag na puting t-shirt si Laurent at maong shorts na basa na. Nagtataka niya akong tiningnan, habang si lola ay nasa washing machine at kinukuha ang mga natapos nang mga damit sa paglaba.
"Oh, apo? May kape ka pa sa kamay! Ubusin mo muna iyan bago mo kami tulungan!" ani lola, pero hindi ko siya pinansin.
Agad kong hinarap si Laurent at pinanlakihan siya ng mga mata. Ginaya niya rin ako na para bang nanghahamon. Nangalaiti ako sa kanya.
"Anong ginagawa mo?" bulalas ko.
"Magsasampay – aray!"
Hinampas ko siya sa sagot niya.
"Ang ibig kong sabihin ay bakit nandito ka pa ulit?"
"Dito ako nag-agahan – ah!"
Kinurot ko na naman siya sa braso niya.
"Nag-agahan dito? Bakit? Walang tinapay sa inyo, ha?"
"Wala!" sagot niya at sinalo na agad ang palapulsuhan ko nang hahampasin ko na sana ulit siya. "Oh? Oh? Huwag mo na nga akong sasaktan! Ang brutal mo talaga!"
Inasikan ko siya at magrereklamo na sana, pero pakiramdam ko ay namutla ako nang sa likod niya ay ang nakahilerang mga bra at panty ko. Pinatabi ko siya at nagsimulang kunin ang mga iyon mula sa sampayan kahit basa.
"Hoy! May kape ka! Ako na diyan!" rinig kong aniya.
Pero nabubudburan na ako ng hiya kaya dali-dali kong nilagay ang mug sa lupa at desperadang kinuha ang mga bras at panties ko. Nang matapos ay nilingon ko siyang nagtataka akong pinapanood.
Ni-hindi man lang siya tumalikod habang kinukuha ko ang mga underwears ko, ano? Kingkoy ba siya?!
Hindi na muna ako nagpakita sa likod ng bahay namin dahil tinapon ko ang kape ko sa kusina at natimpla ulit. Kanina, masaya pa ang umaga ko at akala ko ay magiging tahimik pa ako dahil wala akong klase at nasa Carcar ako! Pero si Laurent, naku, ewan ko na lang talaga! Wala akong masabi para sa kanya!
"Ilang araw ka na palang pumaparito kay lola? Ang layo pa naman ng inyo," sabi ko habang naggugunting ng mga ligaw na damo sa bakuran.
Natawa naman si Laurent habang ginagamit niya lang ang kanyang kamay sa pagbubunot ng damo. Nasa harap ko lang siya. Tirik ang araw sa langit kaya pinagpapawisan kaming dalawa sa inutos ni lola dahil magluluto siya ng banana cue sa loob ng bahay.
BINABASA MO ANG
Regrowing Bloom (The Spring Season)
Teen FictionMaipagkakaila lamang ng isang tao ang kanyang nararamdaman kung ayaw niyang makasakit ng iba o saktan mismo ang sarili niya. Ayaw ni Karen na tingnan siya base sa kanyang naging reputasyon noong nagkagusto siya kay Brix. Sinubukan niya itong iwasan...