PAGBABA ni Kate ng taxi ay agad niyang kinuha ang mga gamit sa compartment ng sasakyan. Pagkatapos niyon ay nilapag muna niya iyon sa semento at saka tinawagan si Crizel.
"Hey, nandito na ako sa tapat ng building," aniya pagsagot ng kaibigan sa kabilang linya.
"Sige, baba na ako," ani Crizel.
Matapos makapagpaalam ng maayos ni Kate sa pinsan ay agad siyang nag-empake ng gamit, gaya ng napag-usapan nilang dalawa ng kaibigan. Pagtungtong ng weekend ay lumipat na siya sa apartment nito. Mayamaya ay napangiti si Kate ng makita na lumabas si Crizel at tumatakbong lumapit sa kanya.
"At last! May kasama na ako sa bahay! Kanina pa ako excited na dumating ka!" masayang sabi nito.
"Excited na rin ako!" sabi din niya.
"Teka, ito na ba lahat ng dala mo?" tanong pa ni Crizel sabay turo sa mga gamit niya.
"Oo," sagot niya. Isang malaking luggage at dalawang kahon ang dala niya.
"Teka, paano ba natin bibitbitin 'to lahat?" tanong pa niya.
"Uunahin ko na muna itong luggage mo tapos babalikan kita dito para tig-isa tayo sa pagbitbit ng dalawang box," sagot ni Crizel sa kanya.
"Okay," pagpayag niya.
Makalipas lang ng ilang minuto ay agad na bumalik ang kaibigan niya. Bitbit na nila pareho ang box na may laman na ibang gamit niya nang paglingon ni Kate ay bigla siyang matigilan. Parang pinako ang mga paa niya at hindi na siya nakakilos pa. Mabilis na nag-react ang puso niya, bumilis ang pintig niyon at agad na nag-init ang magkabilang pisngi niya. Wala sa sariling nabitiwan niya ang hawak
na box kaya sumabog ang laman niyon sa kalye. Naroon kasi si Yohann at nakatayo sa di kalayuan habang nakatingin sa kanya. Tila nataranta ang puso at isip niya, hindi alam ni Kate ang uunahin. Tatakbo ba siya palayo? O pupulutin ang mga gamit niya?
Tatlong araw na simula ng mangyari ang pagtatalo nila. Ang gabi kung saan biglang hinalikan si Kate ni Yohann sa harap ng mga kasamahan nila sa PhilKor. Dahil sa pagkabigla ay bigla na lang niyang nasampal ang binata. Pakiramdam niya kasi ay napahiya siya sa ginawa nito. Ngunit imbes na tuluyan mainis ay natulala na lang siya matapos maalala ang paghalik ni Yohann sa kanya. Nang matauhan siya ay nasa bahay na si Kate, doon pa lang nag-sink in sa kanya ang lahat ng nangyari. Para siyang baliw na nagpagulong-gulong sa higaan niya at binaon ang mukha sa unan at doon sumigaw ng sumigaw. Sinabi pa niya na kapag lumapit si Yohann sa kanya ay talagang sasampalin niya ito. Matapos ang insidenteng iyon ay madalas na siyang tuksuhin ng mga kasama nila sa team ng Seven Degrees, dahilan para lalo siyang makaramdam ng pagkailang.
Aaminin ni Kate, hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit nang magkita sila ng unang beses si Yohann matapos ang ilang taon ay si Vince agad ang naaalala niya. Siguro ay dahil nagkakilala ang mga ito noong bumalik si Yohann matapos itong mawala ng isang taon mahigit. Naging malaking parte ang binata sa relasyon nila ni Vince. Madalas nagagalit noon sa kanya ang dating nobyo kapag binabanggit niya si Yohann, ito ang palaging dahilan ng pag-aaway nila noon. Masyadong nagseselos si Vince kay Yohann sa hindi niya malamang dahilan, gayong ilang beses na niyang sinabi at pinatunayan na lumipas na ang damdamin niya sa binata at ng mga panahon na iyon ay ang nobyo na ang mahal niya. Hanggang lumabas ang tunay na ugali si Vince ay nagugulat na lang siya na sa tuwing mag-aaway sila ay palagi nitong sinasali ang pangalan ni Yohann kahit wala itong kinalaman sa pinag-aawayan niya. Pakiramdam ni Kate ay malaki ang insecurity ni Vince dito, siguro ay dahil alam nito na bago pa sila magkakilala ay si Yohann ang una niyang minahal.

YOU ARE READING
An Autumn's Tale
Romance"This is your fault. Bigla ka na lang dumating isang araw at bumalik sa buhay ko. Hindi mo na ako pinatahimik simula noon." Teaser: Kate went to Seoul, South Korea for three reasons. Una, ang magkaroon ng bago, mas tahimik at maayos na buhay. Panga...