Chapter 8

231 9 0
                                        

          KAPAG KULANG sila ng staff, lalo na sa make-up artists. Iyon ang nagiging pangalawang trabaho nila bukod sa pagiging stylist. Gaya ngayon, habang si Crizel ang at ang isa pa nilang kasama ang nag-aasikaso ng isusuot ng Seven Degrees, siya naman ang pansamantalang na-assign sa make-up. Naroon sila sa photoshoot ng clothing line ng ila-launch sa publiko ng dating Stylist ng PhilKor Entertainment at fiance ng isa sa miyembro ng grupong One Day na si Perry Hwang. Si Jami.

Tiningnan muna ni Kate ng mabuti kung maayos ba ang pagkakalagay ng make-up sa mukha ni Marcus.

"Look, what do you think?" tanong pa niya.

Tiningnan ni Marcus ang sariling repleksiyon nito sa salamin. Ngumiti ito at nag-thumbs up sa kanya. "Nice, galing!" puri nito pagkatapos ay nag-high five sila. Si Marcus ang huling miyembro ng Seven Degrees na minake-up-an niya. Ang iba sa mga ito ay kinukuhanan na ng solo ng photographers. Ang iba naman ay naghihintay na lang ng turn nila.

"Nasaan na 'yong ibang isusuot nila?" tanong niya kay Crizel.

"Nasa kabilang kuwarto," sagot ng kaibigan.

"Sige, ako na kukuha," prisinta niya. Pagkatapos kasi ng unang set ng photoshoot ay agad na change outfits ang pito. Kaya kailangan ay nakahanda na ang lahat ng isusuot ng mga ito, tatlong set ang photoshoot na iyon kaya tiyak na magtatagal pa sila doon. Sa totoo lang ay medyo pagod na rin siya, kaninang umaga pa sila walang tigil sa pagta-trabaho. Umaga pa lang sa opisina nila sa PhilKor ay marami na silang ginagawa. Pagkatapos doon ay nag-procede na sila sa photoshoot.

Agad na pumunta si Kate sa kabilang kuwarto para kunin ang ibang damit.

"Bakit ba kasi dito nilagay 'tong mga 'to? Sinabi ko na kasi sa kabilang kuwarto eh," reklamo pa niya saka binuksan ang pinto ng hindi man lang kumakatok.

Ganoon na lang ang biglang panlalaki ng mga mata niya nang pagbukas ni Kate ng pinto ay tumambad sa kanya ang walang suot na t-shirt na si Yohann. Tanging maong na pantalon lang ang suot ng nito at kulay puti na rubber shoes. Nalantad sa mga mata niya ang matipunong katawan ng binata. Napatulala siya at hindi agad nakakilos, pag-angat nito ng tingin ay saka siya natauhan. Mabilis niyang iniwas ang tingin mula kay Yohann. Pakiramdam ni Kate ay namumula ang mukha niya dahil sa pag-iinit ng mga pisngi.

"Oh Kate, good you're here. Can you help me?" ani Yohann pagkakita sa kanya.

Tumikihim siya para bumalik kahit paano sa normal ang biglang pagwawala ng puso niya.

"Ba-bakit? May problema ba?" nauutal na sagot niya saka pumasok sa silid.

Sinikap niyang huwag tingnan si Yohann. Masyado kasing naeeskandalo ang mga mata niya at nadadamay pati ang malinis na takbo ng isip. Pumasok siya sa loob ng kuwarto at nilapitan ni Kate ang mga damit na kukunin niya na maayos na nakahanger at saka tumalikod sa binata. Sinubukan niyang gawin normal ang kilos kahit na ang totoo ay natataranta siya.

"Hindi ko alam kung alin dito sa dalawang longsleeves ang ipa-partner ko dito sa shirt," sabi ni Yohann.

Magbihis ka kaya muna, aniya sa isip. Hindi magawa ni Kate na humarap dahil malakas talaga ang kabog ng dibdib niya. Kung bakit ba naman kasi hindi muna niya inalam kung may tao doon. At kung nalaman lang niya na si Yohann ang naroon, malamang hindi muna siya pumasok. Matapos nilang magkaayos, ay hindi pa rin naging palagay ang loob niya sa binata. Hindi dahil sa kahit na anong galit o inis, pero sa dahilan ng nararamdaman niyang pagkailang. Matapos ang araw na iyon na hinalikan siya nito, hindi na siya pinatahimik ng sandaling iyon. Palagi na lang ay parang nagre-replay sa utak niya ang araw na iyon, parang hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang labi ng binata.

An Autumn's TaleWhere stories live. Discover now