CHAPTER 1 ; Unang Araw

10 0 0
                                    

Taong 2007...

"Hoy! Juan Paola, bumangon ka na d'yan at kailangan mo ng pumasok sa eskwela. Ito ang unang araw ng pasok tapos mali-late ka, nakakahiya sa magiging maestra mo," sermon ng aking ama na si Jaime Eladio Mauricio Jr. o mas kilala sa palayaw nitong Junior.

Hindi ko na siguro kailangang ipaliwanag kung bakit Junior ang palayaw ng aking ama? Kakaloka naman kung obvious na.

"Anong oras na po ba, pang?" pupungas-pungas kong tanong.

Anong oras na akong nakatulog kagabi, siguro'y dahil sabik ako sa balik eskwela kaya masyadong tumaas ang adrenaline ko sa katawan dahilan kaya alas-dos na ng umaga akong hinatak ng antok.

"Alas singko na ng umaga, Juan Paola," sagot ni papang.

Juan Paola— tsk! Baka iniisip niyo na bakla o tomboy ako dahil sa pangalang  tinatawag ng sarili kong tatay sa'kin. Ang totoo niyan, Joanna Paola, o JP for short ang talagang pangalan ko. Joanna Paola ang isinusulat ko sa pormal na paraan, gaya na lang ng mga test papers ko na kailangang mairecord ng school, o 'di naman kaya sa iba pang importanteng bagay basta kakailanganin ang tunay kong pangalan. JP, naman ang tawag sa'kin ng mga kaibigan ko, kumbaga naging palayaw ko na ang JP at iyon na ang pangalang nakasanayan ng mga malalapit sa'kin gaya ng nanay ko, lola't lolo ko, mga aunties, uncle at iba pa maliban sa tatay ko. Hindi ko rin alam sa kaniya kung bakit trip na trip niyang sirain ang maganda kong pangalan. Kung tutuusin ay ito naman ang nagbigay niyon sa'kin.

"Oh! Ano bang tinutulala mo d'yan, Juan Paola?" untag ng aking ama. "Sa tingin mo ba may magbabago sa mundo kung tutunganga ka riyan," dugtong nito.

"Ito na po, ito na," sabi ko saka gumalaw upang umalis sa higaan.

Agad kong iniligput ang aking higaan dahil iyon ang numero unong rules ng aking papang, katwiran pa niya'y hindi ako ahas para iwanan na nakatuyangyang ang higaan ko, kaya nakaugaliaan ko nang magligpit at maglinis ng higaan bago lumabas ng kwarto.

"Maligo ka na, Juan Paola, tapos na kitang ipag-igib, nalagyan ko na rin iyon ng mainit na tubig upang maligamgam ang maipangliligo mo't 'di ka ginawin. Bilisan mo at anong oras na, alas-sais trenta pa naman ang pasok mo," wika ni papang.

Kahit wala naman sa'kin ang atensyon niya'y tumango pa rin ako sa nakatalikod kong ama. Abala kasi siya sa pagluluto ng magiging almusal ko. Naglakad na ako patungo sa kusina kung saan nakalagay ang lagayan ng sabon at tabo na siyang gagamitin ko sa pagligo. Binitbit ito palabas kung saan nakapwesto ang timba na mukhang kanina pa naghihihtay sa'kin.

May sarili namang banyo ang bahay namin ngunit hindi kami doon naliligo, bagkus ay mas sanay kaming lahat maligo rito sa labas, kung saan mas sanay kami at kumportable, kahit na ba may mga dumadaan-daang tao'y wala kaming pakialam. 'Ika nga'y free to see but not to touch! Ipapabugbog ko talaga sa tatay ko ang manyakis na mangangahas.

Nang matapos akong maligo, nagmadali na rin akong magbihis ng uniporme, infairness! Nakakamiss ring magsuot ng uniporme. Makalipas ang ilang buwang bakasyon, sa wakas balik eskwela na naman. Ano kaya ang mangyayari sa araw kong ito? Makakatagpo kaya ako ng mga bagong kaibigan? Sana naman 'no! Palakaibigan naman ako— medyo hindi nga lang halata.

"Magmadali ka ng kumain, Juan Paola para 'di ka ma-late sa klase mo," sabi ng aking ulirang ama.

Oo! Uliran ang aking ama. Hindi kasi normal ang set-up ng mga magulang ko. Hindi gaya nang nakasanayan na dapat ang haligi ng tahanan ang naghahanap buhay at ang ilaw ng tahanan ang nasa bahay upang mag-asikaso. Baliktad ang papang at mamang ko. Ang mamang ko ang siyang nagtatrabaho, habang ang papang ko naman ang nasa bahay bilang isang house husband. Weird, pero ganoon talaga. Wala namang nagiging problema sa mga magulang ko ang kakaiba nilang set-up.

Masipag sa gawaing bahay ang papang ko, masarap siyang magluto, magaling ring maglaba, medyo sablay nga lang sa paglilinis ng bahay pero ayos na rin naman. Wala naman akong maipipintas kay papang, 'yon nga lang kapag bad trip siya sa buhay niya nadadamay ako. Halimbawa, bored siya at walang magawa, o siguro marami lamang siyang iniisip... sa'kin niya ibabaling ang inis niya sa sarili. Paglilinisin niya ako hanggang sa kumintab ang lahat ng kailangang kumintab. Siguro'y disiplina lamang niya iyon sa'kin.

"Pang, nahanda mo na ba 'yong baon ko?" naalala kong tanong sa'king ama.

"Opo senyorita," anito.

Isang matamis na ngiti lamang ang itinugon ko at nagpatuloy sa pagkain. Kinailangan ko nang magmadali, siguradong sa unang araw ng klase'y marami ang mangyayari.

"Ba-bye, pang," paalam ko sa kaniya nang matapos kong ayusin ang sarili at nagmadali nang lumabas ng bahay.

"Mag-iingat ka ah, pagbutihan mo sa klase," bilin niya sa'kin.

Syempre naman pagbubutihan ko talaga sa klase. Pero dahil unang araw pa naman ng pasukan, malamang wala pang maayos na klase. Ang tanging gagawim lamang siguro'y ang kilalanin ko ang aking mga kaklase at mga guro.

"Goodluck JP, sa unang araw ng iyong pasukan. First year highschool ka na... dalaga ka na," pilya kong kausap sa aking sarili.

Hindi ba't totoo naman? Nagsisimulang magdalaga ang isang babae sa unang baitang ng kaniyang highschool, ayon iyon sa nakararami. Ayon nga naman sa kanta ni Sharon Cuneta, highschool life oh! My highschool life ay walang kasing saya. Kaya naman ngayong highschool na ako... sana'y maranasan ko ang ibig sabihin ng kanta ni Sharon. Gaano nga ba kasaya ang highschool?

Matapos kong iabot ang pamasahe sa tsuper ng pedicab ay nagmadali na akong bumaba ng sasakyan. Bago ko inihakbang ang mga paa papasok ng campus ay naglabas na muna ako ng malalim na hininga upang pagaanin ang bigat ng dibdib. Hindi naman ako malungkot, sadyang kinakabahan nga lang ako sa unang araw ng aking klase.

"Goodluck JP!" Muli kong kausap sa sarili.

1-LOVE, iyon ang section kung saan ko nakita ang buo kong pangalan nang hinanap ko iyon kanina kasabay nang mga estudyanteng sabik ring malaman kung saang section sila. 1-LOVE, ang gara naman ng section ko, unang taon pa lang sa pag-ibig na ako napunta, sana nga sa buong highchool ay hindi ako mangulilta sa usaping pag-ibig— joke lang! Kung gusto ko pang mabuhay ng mahabang panahon sa mundo, unahin ko munang isipin ang pag-aaral bago ang landi. Bawal na muna pala ang pag-ibig. Pero bago ang lahat, hahanapin ko na muna ang aking unang pag-ibig— este! 1-LOVE section pala.

Unang araw, unang pag-ibig! Choooos...

A/N;
— Hi, anyeong... may nagbabasa ba ng story na 'to? Hehe... siguro marami kayong mapapansin na error, o typo, o ano pa man. Ito ang pinakaunang kwento ko na hindi 3rd persons pov ang aking ginamit. Sinubukan kong gumamit ng 1st persons pov dahil wala lang... trip ko lang naman. Gusto ko lang maranasan na parang ako mismo ang nagna-narrate sa kwento, hindi 'yong author. Choooos! Daming alam. Pero huwag masyadong mag-expect sa kwentong ito, medyo mahina ang update ko sa lahat ng kwento. Marami kasi akong ginagawa. Kaya kapag naalala kong mag-update, isang malaking bagay na iyon. Btw... thank you sa inyo.       
   

— LUNA

 
  

Past and Gone (On-Going) Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu