CHAPTER 3 : Crush

1 0 0
                                    

"Ang sabi ni Sharon Cuneta, highschool crush lang... hindi niya sinabing maghanap ka ng dyowa sa highschool life mo. Pwede ka namang kumalma 'di ba? Unang araw pa lang ng pasukan, may bukas pa, kaya ikalma mo 'yang pempem mo,"

— JP

■■■

GAYA nang naging usapan nila ni Johayra kanina'y naririto na nga sila ngayon sa cafeteria ng eskwelahan. Katutunog lamang ng bell pero halos lahat ng estudyante sa paaralan ay naroroon na't may kaniya-kaniya nang pwesto.

"Bumili na lang tayo ng makakainnat sa loob na lang tayo ng room kumain," ani JP saka nilingon ang mga lamesang walang bakante. "Imposibleng kumain dito ngayon, ang daming estudyante," dugtong niya sabay buntong hininga.

Malungkot at nakabusangot ang mukha ni Johayra na gaya niya'y inikot rin ng paningin ang buong cafeteria. Alam niyang gustong-gusto nitong kumain roon, ngunit paano naman iyon mangyayari kung punong-puno ang lugar.

"Paano ako makakahanap ng poging papa, kung ganyang hindi tayo tatambay rito sa cafeteria," nakalabing wika ni Johayra.

Kamuntikan nang matampal ni JP anh sariling noo nang marinig ang sinabi ng kaibigan. Iyon na nga ba ang sinasabi niya e. Nalulungkot ito dahil sa pagkaudlot ng plano nitong pangha-hunting ng lalaki sa araw na iyon.

"Alam mo..." aniya. Ibinitin ang nais sabihin. Kung hindi lang niya ito matalik na kaibigan, baka nakurot na niya ang singit nito. "Hindi ko talaga alam kung nasa tamang katinuan ka pa o nababaliw ka na d'yan sa goal ko sa buhay."

Umismid lamang ito at kunwa'y padabog na naglakad patungo sa bilihan ng pagkain.

"Syempre naman 'no. Anong saysay ng highschool life kung wala kang love life, duuuh!" anito.

Hindi maiwasang mapangiti ni JP sa sinabi ng kaibigan, ngunit agad rin niyang pinalis ang ngiting iyon.

"Ang sabi ni Sharon Cuneta, highschool crush lang... hindi niya sinabing maghanap ka ng dyowa sa highschool life mo. Pwede ka namang kumalma 'di ba? Unang araw pa lang ng pasukan, may bukas pa, kaya ikalma mo 'yang pempem mo," aniya saka tumawa ng malakas.

Nakitawa rin ang kaibigan saka sinaway siya sa sinabing bastos na salita.

"Kasi pasaway ka e," tugon niya.

"Siraulo ka talaga," natatawa pa rin nitong wika. "Bumili na nga lang tayo ng makakain at sa klasroom na lang natin kainin," ani Johayra at sinimulan nang pumili ng bibilhin.

Pipili na rin sana siya ng kaniyang kakainin nang sa gilid ng kaniyang mga mata'y naaninag niya ang isang pamilyar na rebulto ng lalaki dahilan upang sundan niya ito ng tingin. Ito ang lalaking nagpatigil ng mundo niya kani-kanina lang.

Nakangiti ito habang ang mga mata ay nakapukos sa nagkukumpulang estudyante sa dulo ng cafeteria. Agad na nagtawanan at nagsigawan ang mga kaibigan nito nang makita nito ang lalaki. Sinasambit ng mga ito ang pangalan ng lalaki, ngunit sa tindi ng pintig ng puso niya'y tila nabingi na ang kaniyang pandinig. Kumaway ang lalaki at nang makalapit sa mga kaibigan ay agad na nagyakapan.

"Hoy! Joanna Paola, 'anyari sa'yo? Nasa planet earth ka pa rin ba?" pukaw ni Johayra sa nakatulalang si JP.

Agad na napakurap-kurap si JP nang iwagayway ni Johayra ang kamay nito sa kaniyang harapan. Ilang minuto na ba siyang nakatulala?

"Saang planeta ka na ba nakarating na gaga ka!" dugtong pa nito.

"P-pasensya na, may iniisip lang ako," pagdadahilan niya.

Past and Gone (On-Going) Where stories live. Discover now