Hindi umuwi si Julia isang gabi. Malakas ang hinala ko na baka tinotoo niya ang paghahanap ng sugar daddy. Hindi maaari iyon. Napakabata pa niya.
Sa tulong ng ibang mga kapatid ko ay nahalughog namin siya. Nandoon lang pala sa bahay ng kaklase niyang nakaaangat sa buhay.
"Ano ba ang akala mo sa sarili mo, Julia? Nagmamalaki ka na? Hindi ka lang napagbigyan e lumalaki na ang ulo mo? Alam mo ba kung gaano kahirap kumita ng pera? Ha? Akala mo ba gano'n na lang kadali pulutin iyang hinihingi mong pambili ng iPhone?" bulyaw ko sa kaniya.
"Wag mo akong hiyawan. Hindi kita magulang!" Matalim niya akong tiningnan habang nakahalukipkip ang mga kamay.
Bumigat ang paghinga ko at halos magdugo ang mga palad kong nakakuyom. Gusto ko nang sugurin si Julia para bigyan ng leksiyon pero mas pinili kong pakalmahin ang sarili ko.
"Wag mo ngang sigawan si ate. Sumusobra ka na!" ani Obet na siyang kasama ko sa pagsundo kay Julia.
"Huwag kang umaktong nagmamalinis, kuya! Bakit hindi mo sabihin kay ate na isang buwan ka nang uma-absent sa school? Na imbes na pumasok ka eh mas pinili mong mag-cutting at mag-computer na lang maghapon!"
Nasemento ang mga paa ko sa kinatatayuan. Parang umakyat ang lahat ng dugo sa ulo ko. Tiningnan ko si Jerry. "T-Totoo ba 'yun, Obet?"
"Ate..." Napakamot siya sa ulo. Iniiwasan ang tingin ko.
"Halos magpakamatay ako sa trabaho mapag-aral lang kayo tapos ganiyan ang igaganti ninyo sa akin?" Marahas akong umiling. "Hindi ko kayo maintindihan." Ipinihit ko ang katawan ko patungo sa direksiyon pauwi sa bahay. Hindi ko na sila hinintay.
MASAMA ang loob ko. Hindi ko pinapansin ang dalawa sa mga sumunod na araw. Iginupo ko na lang ang sarili ko sa pagtatrabaho.
Sa kabila ng lahat ng iyon ay may maganda pa rin namang nangyari sa buhay ko. Nakakuha ako ng job promotion bilang Business Development Manager, bagay na inilihim ko muna sa pamilya ko. Balak ko rin namang ipaalam sa kanila pero hindi muna ngayon. Kailangan ko lang munang ayusin ang mga bagay-bagay.
Lihim akong kumuha ng foreclosed property. Nanganganib na rin kasi kaming mapaalis sa tinitirhan namin. Gagawin daw kasing Tondominium ang lugar na kinatitirikan ng tinutuluyan namin ngayon. Hindi naman kami puwede sa inaalok na resettlement area dahil masyadong maliit ang espasyo roon at may kalayuan sa pinagtatrabahuhan ko.
MEDYO nakaka-stress ang bago kong posisyon sa trabaho. Mali. Nakaka-stress talaga. Iyon ang hirap sa napo-promote. Dagdag sahod nga pero dagdag responsibilidad din. Ramdam ko ang pressure sa araw-araw kong pagpasok. Ngayon ko lang din naranasang mapaiyak sa loob ng cubicle sa CR. Minsan kasi eh pakiramdam ko ay hindi ko na kakayanin ang nakaatang sa aking mga gawain.
Pero pilit kong kinakaya. Kung kapalit naman noon ay ang pera na pantustos sa pamilya ko, pipiliin kong magtiis. Mahirap, pero kailangan.
NAPAPANGITI ako. Naipaayos ko na ang foreclosed property na nakuha ko. Nabilhan ko na rin ng mga bagong gamit. Puwede nang lipatan anumang oras.
Hindi ko na pinatagal pa. Sinabi ko na ang lihim ko sa mga kapatid ko na labis nilang ikinatuwa. May kani-kaniyang kuwarto kasi sila sa bahay na iyon.
Pinatayuan ko rin ng maliit na tindahan iyon para kay Ate Pats para makatulong sa kanila ni Jewel. Gusto ko na rin kasi siyang bigyan ng pagkakakitaan. Si Kuya Amboy naman ay binilhan ko ng tricycle. Baka sakaling mas sumipag at magkaroon ng inspirasyong maghanapbuhay kung hindi de-padyak ang minamaneho.
Si Obet naman ay binilhan ko na ng sariling computer para hindi na umalis ng bahay. Si Julia ay pinagbigyan ko na sa iPhone na gusto niya pero secondhand lang.
Kay Girlie e wala pa rin akong balita. Si Jerry naman ay pinilit kong pasalihin sa youth clubs para malayo sa pagbabasag-ulo.
Akala ko unti-unti na kaming makababangon pero simula lang pala iyon ng mas mabibigat pang problema sa buhay ko.
BINABASA MO ANG
Living on Obliviousness [Completed]
SpiritualIsang araw, napagtanto ko na lang na pagod na ako sa buhay. Na gusto kong talikuran na lang ang lahat. Na gusto kong i-restart na lang ang aking buhay gamit ang panibagong pagkatao. Pero paano? ========= Start: September 08, 2022 Finish: September...