APAT na buwan na mula nang mangyari ang insidente. Hindi na rin ako naka-wheel chair pero may private nurse pa ring umaalalay sa akin. Si Julie, na kalauna'y naging malapit ko na ring kaibigan.
Dito kami sa townhouse nina JV sa Cavite naglalagi. May kalayuan sa lugar kung saan kami nagkita. Sa Tuguegarao daw kasi iyon kung saan nandoon ’yong isang branch ng ospital niya. Doon ako naglagi nang ilang buwan. Nang medyo umayos ang lagay ko ay dinala kami ni JV sa Cavite. Nandito kasi ang main branch ng ospital niya.
"ANONG thoughts mo kay Dr. JV?" isang araw ay bungad sa akin ni Julie nang naglalakad-lakad kami sa may hardin.
"Si JV? Mabait siya... guwapo... maalaga. Ano pa ba?" Tumigil ako sandali at pumitas ng bunga ng tsiko sa sangang naaabot ko. Binigyan ko ng isa si Julie na kinain din niya agad.
"Nagugustuhan mo na ba siya?"
Muntik na akong mabilaukan sa tanong na iyon ni Julie. Sinundan iyon ng mahinang pagtawa. "Huy, bakit mo naman naitanong iyan?"
Nakangiti siyang umiling-iling. "Pansin ko kasi, eh, gusto ka niya."
"Ako? Gusto niya? Imposible." Kinain ko nang buo ang tsiko, baka sakaling mapakalma ako sa pagkakataong iyon.
Kanina pa kasi nagwawala ang puso ko sa 'di malamang dahilan. Ah, baka siguro hindi lang ako kumportable sa tanong ni Julie.
"Pansinin mo kasi, Liway. Araw-araw ka niyang pinasasalubungan ng kung ano-ano then lagi ka pang ipinagluluto sa umaga at kapag nakakauwi siya nang maaga tuwing gabi. At saka palagi siyang humihingi sa akin ng update tungkol sa iyo kahit nasa ospital na siya. Sinisiguro niyang nasa maayos kang kalagayan."
"Baka nagmamalasakit lang siya lalo pa at siya ang nakabangga sa akin," pagdadahilan ko.
"Hindi rin." Tiningnan ako ni Julie. "Iba tumitig sa iyo si Dr. JV. Parang titig ng isang taong nagmamahal. Parang ano... titig ng asawa ko sa akin," kinikilig na sabi niya.
Napangiti na lang ako sa sinabi niya at muli kaming naglakad. Pinilit kong umakto nang normal pero sa kalooban ko ay naroon ang pagkabagabag sa naging obserbasyon ni Julie. Naroon ang pagtatalo kung tunay ba talaga akong gusto ni JV o hindi.
Pero posible ba iyon? Ang magkagusto siya sa isang taong nakilala lang niya dahil sa isang aksidente? Sa taong ni sarili ay hindi kilala?
NAGING mapagmasid ako kay JV sa mga sumunod na araw. Noon ko nabigyang-pansin ang maliliit na bagay na buong dedikasyon niyang ginagawa para sa akin. Ang araw-araw na pag-check ng blood pressure, ng tibok ng aking puso at pagsiguro na ako ay nakaiinom ng bitamina at gamot sa takdang panahon. Pati na rin ang paghahain at pagluluto niya ng mga pagkain, na ayon kay Nanay Seling, na kasambahay ni JV, ay hindi naman nito nakagawian noon. Ngayon lang, mula nang sumulpot ako sa buhay ng binata.
"WALA ka pa rin bang natatandaan, Liway?"
Malungkot akong umiling-iling nang tanungin ako ni JV. Wala talaga akong matandaan kahit ano. Ang tangi ko lang alam ay may kumikislot sa puso ko kapag napadaraan ako sa altar sa may sala. Napapatitig ako sa krusipiho roon. Hindi ko alam kung bakit pero tila ba malaki ang kaugnayan noon sa nakaraan ko. Ipinagwalang-bahala ko na lang muna iyon.
BINABASA MO ANG
Living on Obliviousness [Completed]
SpiritualIsang araw, napagtanto ko na lang na pagod na ako sa buhay. Na gusto kong talikuran na lang ang lahat. Na gusto kong i-restart na lang ang aking buhay gamit ang panibagong pagkatao. Pero paano? ========= Start: September 08, 2022 Finish: September...