Part 7

82 1 1
                                    

LAKAD lang ako nang lakad. Alam ko, dalawang bayan na ang nalalampasan ko. Nanggigitata na rin ako. Marumi na ang damit na pampasok na suot ko. Puwede na nga akong pumasa bilang pulubi.

Pero parang ganoon na rin naman nga ako. Pulubi na rin akong maituturing dahil palaboy-laboy na lang ako. Gusto ko lang maglakad nang maglakad. Alam mo 'yong feeling ng para kang may tinatakasan at para ka ring may hinahabol? Gano'n. Gano'n na gano'n.

UMABOT na sa isang linggo ang paglalakad ko. Higit isandaang kilometro na nga yata ang aking nalalakad. Sa sobrang layo ng nalalakad ko ay nararamdaman ko na ang pagnipis ng suwelas ng aking sapatos. Kaunti na lang ay mararamdaman ko na ang semento.

Naitatawid ko naman ang araw sa paghingi ng pagkain sa bawat sementeryong madaraanan ko. Kung wala akong makita eh nagtitiis na lang ako ng gutom.

Kung ang tanong ay naiisip ko ba ang buhay at pamilyang naiwan ko sa Maynila? Siguro, mayroong pagkakataon pero bihirang-bihira. Kadalasan kasi, blangko ang nilalaman ng utak ko. Ni destinasyon ko nga, hindi ko pa rin alam, eh. Ang alam ko lang, palagi akong nagmamadali na parang laging may humahabol sa akin. Na hindi ako dapat magpabagal-bagal dahil baka mahabol ako ng kung sino o anumang humahabol sa akin.

NARANASAN ko na ang sobrang gutom. Iyong tipong tatlong araw na walang pumapasok sa sikmura ko. Ilang beses ko nang naranasang itaboy at tapak-tapakan ang pagkatao. Ang ending, nanghihina akong lumalayo na kumakalam ang aking tiyan.

Natagpuan ko na lang ang sarili kong nakatingin sa harap ng isang simbahan. Aaminin ko, ako ang tipo ng taong kinikuwestiyon kung totoo bang may Diyos.

Noong buhay pa ang aking mga magulang ay lagi nila kaming dinadala sa simbahan. Walang linggo na lumiliban kami sa pagsimba nang sama-sama. Masaya ang buhay noon. Mahirap man kaming maituturing pero parang napakagaang dalhin ng lahat. Siguro, premyo iyon sa linggo-linggo naming paglilingkod sa simbahan.

Pero bakit ganoon? Kung tunay na may Diyos, bakit Niya hinayaang mamatay ang mga magulang ko sa ganoon kasaklap na paraan? Marami naman diyang masasamang tao pero bakit magulang ko pa?

Sumama ang loob ko sa Diyos kaya mula noon, tumigil na ako sa pagsisimba. Hindi totoo ang Diyos. Walang Diyos.

Pero ewan ko ba. Sa pagkakataong ito na nasa harap ako ng simbahan, may kung anong dumikta sa mga paa ko na pumasok sa gusaling ito. Sa pagkakataong iyon ay bahagya kong binuksan ang puso ko at nagbigay ng katiting na pagtitiwala. Kung totoo talagang may Diyos, dapat niyang pakinggan ang mga sumbat at hinaing ko. Masamang-masama ang loob ko.

Natagpuan ko na lang ang sarili ko sa kaliwang bahagi ng simbahan sa may pinakadulong upuan. Noong una ay nakatitig lamang ako sa rebulto ng itinuturing nilang Panginoong Hesukristo na nakapako sa kahoy na krus. Pagtitig na kalauna'y sinabayan ng pamamalisbis ng luha na hindi ko na matantiya kung gaano ko katagal inipon.

Hindi ko namalayan na napapalakas na pala ang paghagulgol ko hanggang sa may isang manang na lumapit sa akin. Nakasuot siya ng berdeng blusa at berdeng paldang lampas sa tuhod. Ang kaniyang leeg ay may iskapularyo at mayroon namang puting belo sa kaniyang ulo. Sa unang tingin ko ay alam kong isa siyang deboto.

Itinigil ko ang pag-iyak pero sisigok-sigok pa rin ang aking ilong. Inangat ko ang mukha ko upang tingnan siya at nakita ko nga ang mukha niyang puno ng pag-aalala.

"Ineng..."

Akma niya akong hahawakan pero umiwas ako. Ang dumi-dumi ko. Naiilang akong ilapat niya ang kamay niya sa anumang parte ng aking katawan.

Mabibigat na buntong-hininga ang pinakawalan niya, hanggang sa mayamaya ay may kinuha siya sa kaniyang bag. Isang tinapay at inumin. Agad nag-alburuto ang aking sikmura kaya walang pasabing kinuha ko iyon sa kaniya.

Abala ako sa pagnguya ng pagkaing matagal na hindi dumampi sa aking bibig at dila.

"Kumain ka lang nang kumain, ineng. Kung kulang pa iyan, ipagluluto kita sa aming tahanan." Sa puntong iyon ay napatingin ako sa kaniya. Inobserbahan ko ang maamo niyang mukha. Hindi ba siya nandidiri sa aking kalagayan?

Living on Obliviousness [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon