21-First Date

72 7 2
                                    

(Mia's diary entry 9)

Ngayon ko lang natuklasan ang lihim na ganda at ang mga kwentong buhay sa lugar ng Quiapo.

Dito kami unang nag-date ni Ferdie. Di ko pa siya kasintahan, pero parang date na rin iyon.

Dala ni Ferdie ang kanyang Polaroid na camera at kumuha siya ng mga larawan habang kami ay gumagala. Dumaan kami sa Simbahan ng Nazareno, kumain ng mami sa isang kilalang restaurant doon, at nagpalakad-lakad kung saan-saan.

Inaliw ko ang sarili sa mga nakikita. May mamang nagtitinda ng mga lobo sa labas ng Quiapo Church habang labas-masok ang mga mananampalataya sa simbahan. May mag-ina na lumapit sa may mga dala ng lobo at bumili ang nanay para sa kanyang anak na lalaki.


Habang kami ay nagdarasal sa loob, napansin ko ang mga deboto na naglalakad nang paluhod sa gitna patungo sa altar. Mas pumukaw ito ng aking atensyon kaysa sa mga nakaluhod o mga nakatayo sa gilid.


Tahimik kong pinagmasdan ang isang ale na taimtim ang panalangin habang paluhod na umuusad patungo sa altar, kung saan nakatayo ang istampita ng Poong Nazareno. Kung ano man ang kanyang pinagdarasal, sana matupad ito.

Ngayon lang ako nakapagdasal nang mula sa puso. Aking hiling na maging maayos ang aming pamilya at ang namumuo naming pagkakaibigan ni Ferdie.


Paglabas namin ng simbahan, napansin ko ang mga namamalimos. Binigyan ko ng ilang sentimo ang isang matandang babae na may pwesto sa gilid ng simbahan. Ngumiti ito sa akin at tumango.

Nang makapasok kami sa loob ng restaurant ng mami, may mga parokyano dito na kumakain na ng merienda. Tinanong ko si Ferdie kung ano ang masarap dito, dahil unang beses ko. Akala ko ay matatawa siya, ngunit sinagot niya na masarap ang kanilang mami at asadong siopao. Hinayaan ko na siya na lang ang bumili para sa aming dalawa.


Halos maubos ko ang isang mangkok nito, kasabay ng asadong siopao. Biro sa akin ni Ferdie, ang lakas ko raw kumain. Nagtawanan na lang kami.

Nagliwaliw pa kami at dumaan din sa department store ng SM Carriedo. Bumili si Ferdie ng bagong polo shirt para sa susunod nilang gig, na ayon sa kanya, ay gaganapin sa isang piyesta sa probinsya ngayong darating na Marso.

Inuwi na niya ako at magkatabi kaming sumakay ng bus. Kahit malayo ang tinitirahan ni Ferdie ay nagpresenta na ito na samahan ako hanggang sa amin sa New Manila.


Habang nasa biyahe, naisip ko na sana ay di na matapos ito. Ang lapit ni Ferdie sa akin at naaamoy ko ang kanyang pabango. Buti nakatanaw siya sa bintana ng bus at di niya napapansin ang aking mga nakaw na tingin. Iniwasan ko rin sumandal sa kanyang balikat kahit na nakakatukso itong gawin.

"Salamat pala," ika ko habang nakatayo kami sa aming kalye.

"Walang anuman," ngiti niya. "Ay, itago mo na itong dalawang Polaroid photos."

Mula sa kanyang bag na naglalaman ng kanyang Polaroid camera, ay kinuha ni Ferdie ang dalawang larawan. Ito ay isa sa mga kuha sa Quiapo at ang mami na aking kinain kanina.

"Next week na tayo magkikita. Ingat ka pauwi," hiling ko.

"Ingat din sa paglalakad sa inyo, ang layo pala ng bahay niyo mula dito," ika ni Ferdie.

"Bye," ngiti ko kay Ferdie.

"Paalam," sagot niya sabay ngisi.

Pinanood ko ang kanyang likod na naglalakad papalayo hanggang sa malayo na siya sa aking paningin. Sa mga sandaling iyon ay nais ko siyang habulin at yakapin mula sa likod, ngunit maaga pa para gawin iyon.

Hindi pa kami higit sa magkaibigan at patuloy akong naghihintay kung hahantong ba kami doon.

Buti ay nasa tabi ko siya at sa ngayon, ganito muna. Malapit ngunit malayo.

Mia

Restless Hearts | EpistolaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon