58-Happy Valentine's Day

23 3 4
                                    

(Mia's diary entry 27)


Monday, February 14, 1977



Happy Valentines Day!



Masayang nagsimula at natapos ang araw na ito. Pumasok ako sa unibersidad at una kong dinayo ang Psych Building, kung saan nandoon sila Ferdie at ang kanyang mga kaibigan.



Buti ay agad ko silang nakita na nakatayo sa hallway. Binati ko sila Bestre at Jepoy, habang nilapitan ko si Ferdie at sinalubong ng yakap.



"Happy Valentines Day, mi amore," bulong niya sa akin.




Humalik ako sa kanyang pisngi. "Ti amo cosi tanto," ngiti ko. Sinalubong ako ng kanyang mga mata na nakangiti sa akin.



"Sobrang tamis niyo diyan! Damayan niyo itong si Bestre, brokenhearted!" Pagsingit ni Jepoy.



Kumalas ako mula sa pagkakayakap kay Ferdie at masusing tinignan si Silvestre. Mukha siyang nalugi sa negosyo; malamlam ang kanyang mga mata at mukhang di siya nakatulog nang maayos.



"Anong nangyari sa iyo? Nakita ka namin na kasayaw mo si Miss Miranda noong Valentine's Night," bungad ko.



"Iyon ang dahilan kaya siya malungkot!" Sagot ni Jepoy para sa kanya.



"Ano ang naganap sa pagitan niyong dalawa?" Tanong ko.



Napasandal si Bestre sa pader habang nakapalibot kami nila Jepoy at Ferdie. "Gusto ko nang lamunin ng lupa," panggagalaiti niya sabay hilamos sa kanyang mukha gamit ang palad.



"Kanina ka pa namin tinatanong, ayaw mong magsalita," wika ni Ferdie sabay kunot ang noo.



Napabuntong-hininga si Bestre. "Oh siya, ikukwento ko na. Umamin ako kay Rania noong Valentine's Night. Habang nagsasayaw kami. Tapos magkalapit na ang aming mga mukha at akmang hahalik na ako sa kanya, ngunit lumayo ako at tumakbo papalayo."



Nanahimik kaming lahat.



"Nakakahiya. Sinabi ko pa sa kanya, Mas nakakasilaw ka pala sa malapit. Hindi ko alam kung anong mayroon ka, pero kahit anong iwas ko sa iyo, para akong gamu-gamo na nahuhumaling sa iyong liwanag. Diyos ko, paano ko nagawang isipin ang mga katagang iyon!"



"Mabuhay ang umiibig! Sigaw ni Jepoy sabay palakpak.



"Bakit mo siya tinakbuhan?" Tanong ni Ferdie.



"Inatake ako ng kahihiyan!" Napapikit si Bestre. "Paano kung makasalubong ko ulit siya ngayon, paano ko siya haharapin?"



"Kung ako sa iyo, ayain mong mag-date!" Suhestiyon ko.



"Iniwan ko tapos aayain ko ng date?" Pagtataka ni Bestre.



"Para mag-usap kayo nang matino," sagot ko. "Kumain kayo sa canteen o magpunta sa lagoon, ganoon lang kasimple. Kung ako ang nililigawan mo, nasapak na kita sa sobrang katotorpehan mo!" Natawa ako.



"Pre, makinig ka sa payo ni Mia," pagsang-ayon ni Jepoy. "Puntahan natin ang klase niya, ngayon din!" Pag-aaya nito.



"Sa Commerce Building lang sila. Dali, magtungo kayo doon hangga't di pa nagsisimula ang klase!" Pabiro kong tinulak si Bestre papalayo sa pader.



"Amazona kang babae ka!" Ismid sa akin ni Bestre. "Ang lakas ng tulak mo, Mia, oo na, tayo na mga kasama!"



"Sasama ka?" Tanong ni Ferdie.



"Hindi na, kayong tatlo na lang. Maglalakad pa ako sa building namin. Bye boys!" Ngiti ko sa kanila.



"Magkita tayo sa main canteen, alas kwatro ng hapon," ika ni Ferdie sa akin.



Nakatawa ako sa sarili habang pinapanood ang tatlong magkakaibigan na inaakbayan si Bestre; si Ferdie sa kaliwa at si Jepoy sa kanan. Pinipilit nilang lumakad ang binata habang sinasabihan ng dapat gawin.




Matiwasay na natapos ang aking araw. Nakakuha ako ng mataas na score sa isang surprise quiz, nagmerienda kami ni Ferdie sa canteen, at binigyan niya ako ng chocolate bar at Valentine's Card.



At masayang binalita ng aking nobyo na inaya na ni Bestre si Rania Miranda na magmerienda kasama niya sa Lucky's Canteen. Napapayag niya ang dalaga at sabik na akong makarinig ng balita tungkol sa kanila.



Goodnight,

Mia

Restless Hearts | EpistolaryWhere stories live. Discover now