Chapter 39

24 1 0
                                    

GINAMIT kong pantakip ng bibig ang sobreng kanina ko pa hawak simula noong maupo ako.

“Sulat niya?” tanong niya pagkalapag ng mangkok na may sabaw.

Tumango ako, abot-langit ang ngiti kong ibinaba ang sobre at hinaplos ng tingin. “Ano pa nga ba? Hindi naman makaalala iyong mga kamag-anak nina papa at mama na nasa ibang bansa na.”

Wala kami kasing naitulong sa kanila noon dahil sa hirap din ng aming buhay kaya wala rin silang utang na loob na ibabalik sa amin, kaya kalimutan na. Ganoon talaga ang ibang kamag-anak.

Kumuha siya ng tisyu, pinunasan ang kutsara at tinidor. “Akala ko may bago na,” sabi niya sabay abot sa akin noong pinunasan niya. “Ano ba sabi niya sa mga sulat niya?” Itinulak ang plato.

“Ayon, habang patagal nang patagal, bumubuti na raw ang kalagayan niya.”

Sa lahat ng sulat niya, lagi niya akong sinasabihan kung ano ang nararamdaman niya sa tuwing mag-isa lang siya, maging kung saan siya pumupunta. Para na rin akong pumasyal kasama niya dahil ikinukuwento niya ang mga magagandang lugar na pinuntahan niya.

Aliw na aliw nga akong binabasa lahat. Linggo-linggo siyang nagpapadala ng sulat kaya habang hinihintay ko iyong susunod na linggo, binabasa ko iyong mga sulat niya noong nakaraang buwan at nakaraang linggo bago ako matulog.

Halos maiikli lang ang sulat niya, bihira lang umabot sa dalawang papel. Buwan-buwan, tuwing Martes at Biyernes, schedule naming mag-usap sa video call. Umaabot kami nang tatlong na oras at may oras ding umabot nang matagal hanggang sa na-low battery pa nga ako dahil nakalimutan kong patayin ang tawag.

Minsan, paulit-ulit ang usapan namin, maiinis sa isa’t isa dahil magkaiba kami ng opinyon, hindi nagkakaunawaan at lilipas ang dalawang araw bago mag-sorry ang isa sa amin kung sino ang naunang nainis.

Sabay din kaming nanonood ng pelikula, at siyempre, siya ang may maraming pera sa amin, siya ang nagda-download ng mga panonoorin namin at ishe-share screen niya.

“Hindi na siya babalik dito?”

“Wala naman siyang nabanggit sa sulat niya noong nakaraang linggo,” sagot ko. Maayos kong ibinalik sa bag ang sobre, iniipit ko nang maingat sa dala kong notebook para hindi magusot. “Ewan ko lang dito sa bago niyang sulat.”

Hinahati niya ang order niyang inihaw na porkchop. “Paano kung umuwi tapos kasama niya na iyong bago niya?”

Huminto naman ako sa paghigop ng sabaw sa maliit na mangkok.

“Hindi iyan. Sasabihin naman niya sa sulat kung nakahanap na siya ng bago, at wala pa naman,” sagot kong mataas ang kumpiyansang hindi niya makakalimutang sabihan ako.

Lagi naman kaming updated kung ano ang ginagawa namin kada linggo kaya malabong may itinatago siya.

Kung sakaling may plano na naman ang papa niya, na sa ngayon ay wala akong balita dahil hindi rin niya binabanggit sa akin. Ayaw yata niyang pag-usapan.

“Paano nga kung mayroon pero hindi lang niya binanggit sa sulat.”

Bigla akong napaisip sa sinabi ni Sabina. “E’di ano . . . magiging masaya, ganoon,” sabi ko, nag-iwas ng tingin at sumubo ng kanin na nalulunod sa sabaw ang plato ko. Pumikit ako sa asim.

Kukuha sana ako ng karne sa platitong nasa harap namin nang mapansin kong nakataas ang kaniyang kilay.

Lumiliit ang mga paningin niya sabay lalaki ulit ang mga mata, hindi niya sinukuang kilatisin ang mukha ko.

“Oh, bakit ganiyan tingin mo? Totoo iyong sinabi ko ’no! Pipilitin ko na lang maging masaya para sa kaniya.”

Magbabalik-tanaw na lang ako sa magaganda naming alaala dahil wala na akong magagawa kung masaya ito sa iba.

A Change of HeartWhere stories live. Discover now