Biyudo

82 7 0
                                    


Umaalingangaw ang iyak na animo'y nagmula sa hukay ang naririnig ni Caden habang nasa sala siya at nanonood ng paborito niyang pantanghaling programa sa telebisyon. Inilakas niya ang bolyum umaasa na matatalo noon ang mga palahaw at pagsusumamo na palagi niya na lamang naririnig. Naging ganito na ang pangyayari sa bahay ilang araw matapos may mga taong pasukin ang kanilang bahay habang nasa trabaho siya at patayin ang kaniyang asawa.

Malaki na nga ang pinagbago ng lahat. Ang dating maaliwalas na tahanan na punung-puno ng buhay ngayon ay tila binalot na ng depresyon at galit. Nakakatawa ngang isipin na tanghali pa lamang ngunit nilulukuban na ng kadiliman ang buong kabahayan. Hindi na nga yata ito nakatikim ng liwanag ng araw.

"Tulungan niyo ako,"patuloy ang mga hinagpis at daing na naririnig niya.

Sa sobrang inis ni Caden ay naisipan niyang lumabas ng bahay. Tumungo siya sa kanyang silid. Nais niya sanang iiwas ang paningin sa mga bagay na nagpapa-alala sa kaniya sa kanyang asawa ngunti hindi maari. Kahit ba kaisa-isahang alikabok na naiwan doon ay tumatawag sa mga memoryang nais na sana niyang malimutan.

Nagpalit siya ng pormal na damit at sapatos. Nagwisik ng pabango at inahit ang nagsisimula nang tumubong mga balbas at bigote. Kahit nga sumisingit sa kanyang pandinig madalas ang mga panaghoy sa loob ng bahay ay hindi na niya iyon alintana. Dinampot niya ang briefcase na nasa kama at muling tiningnan ang kanyang sarili sa salamin. Huminga siya ng malalim at sinubukang gumawa ng pekeng mga ngiti. Matapos noon ay nilisan na niya ang kanyang k'warto at tumungo sa pintuan.

Saktong pagbukas niya ng pinto ay napasingkit ang kanyang mata sa pagliwanag ng paligid. Ilang sandali pa bago nasanay ang kanyang mga mata sa liwanag. Nasa tirasa pa lamang siya ay naninibago na siya. Wala doon ang mga tinig na palagi niyang naririnig. Wala doon ang mga iyak na bumabagabag sa kanya.

Kinapa niya ang susi ng sasakyan sa kanyang bulsa. Naroon pa rin ito. Ito rin kasi ang pantalon na sinuot niya noon isang linggo. Pupunta siya sa isang lugar na ilang araw na niyang binabalik-balikan. Isang parke na kailan niya lamang natagpuan. Naroon ang isang bata na nagbibigay sa kanya ng kakaibang ligaya. Iniisip pa lang niya ang inosenteng mukha ng bata ay natutuwa na siya. Kung noong bagong kasal pa lamang sila ng kaniyang asawa ay nagdesisyon na silang magka-anak, siguro ay ganito na rin ang edad niya.

Pumarada siya malayo sa parke at sinimulan niyang maglakad. Bagsak ang kanyang mga balikat, mabagal ang lakad at hindi maipinta ang mukha. Sa tuwing makakasalubong niya ang mga bata na may kasamang magulang ay nanghihinayang siya sa posibleng pamilya niya na sana't p'wede nilang mabuo ng pinaslang na asawa.

"Alam mo Hon, kung nandito ka, mas masaya sana," habang papalapit si Caden ay unti-unting nagbago ang disposiyon niya. Parang isang magaling na aktor na nagsimula nang rumolyo ang kamera. Naging makisig ang kanyang tindig at umaliwalas ang kanyang mukha. Ang briefcase na

"Kuyang mabait!"tawag ng bata sa kanya na nag-iisa sa may duyan. Binati naman siya ng caden ng magiliw na kaway, "Ayaw akong kalaro ng mga bata dito. Buti na lang dumating ka ulit kuya,"

Ginulo ni Caden ang buhok ng bata. Tuwang-tuwa siya na makita itong malusog. Gusto niya na makita itong masaya at walang bahid na sugat kahit sa pagkadapa man lang.

"Ililibre mo ba ako ulit ng ice cream?" Tumingin ang bata kay Caden na puno ng antisipasyon.

"P'wede naman. Pero 'di ba sabi ko saýo mas marami akong ice cream sa bahay?"

"Isasama mo ako?"

"Gusto ko sana. Malungkot sa bahay eh. PEro baka mapagalitan ka kapag nawala ka dito,"

"Wala na akong nanay. May tatay ako pero palagi naman siyang wala." kita ni Caden ang panlulumo sa mukha nito.

"Sige, isasama kita sa bahay,"

Biglang nanliwanag ang mukha ng bata. Ganoon din naman si Caden, siyang-siya silang dalawa. Parehong walang mga kasamang mahal sa buhay, nangungulila sa aruga. Binitbit niya ang bata. Sa unang pagkakataon ay parang nahugasan ang kanyang sakit sa presensya ng bata.

Sa buong biyahe ay hindi nawala ang ngiti ng dalawang nilalang. Magkaiba sa lahat ng bagay, pero parehas ang ligaya na nararamdaman.

"Masaya ka ba?" tanong niya sa bata.

"Opo. Kayo po?"

"Oo naman." Matagal na niyang hinihintay ang sandaling ito. Sa tingin niya kailangan talagang magkaroon ng kapalit ang kanyang asawa.

Ilang sandali pa at inabot na niya ang bahay nila. Manghang-mangha ang bata sa ganda ng bahay. Kahit na nga sabihin na ang mga dahon ng halaman sa labas ay unti-unti nang nagkukulay kayumanggi at ang lupa ay tila uhaw na uhaw na disyerto ay hindi pa rin maikakaila ang ganda noon.

"Wow, Kuyang Mabait, ang ganda ng bahay mo. Ang bahay namin lumang kahoy lang. Madalas, nag-iisa pa ako. Nang mawala kasi si Nanay, parang ayaw na umuwi ni Tatay sa bahay," muling nagbalik ang lungkot sa mukha ng bata.

Ayaw namang masayang ni Caden ang sandaling ito. Magiging masaya ang araw na ito. Hindi lang para sa kanya, kundi para sa asawa.

"Alam mo, matutuwa ang asawa ko ngayong nandito ka," sabay pisil niya sa pisngi ng bata.

"Pero 'di ba, patay na asawa niyo?"

"Oo,"natigilan siya at nag-isip nang malalim. "Pero hindi siya namatay, pinatay siya. Inagaw siya sa akin."

"Pareho pala tayong kawawa, kuyang mabait,"

"Tama na nga ýan. Tara, pasok tayo sa loob."

Pagpasok nilang dalawa sa loob ay muling binalot ng dilim ang paligid. Binuksan na lamang ni Caden ang ilaw kaysa hatakin ang mga makakapal na kurtina. Tinungo nila ang kusin aat doon ay pinagsaluhan nila ang galon ng ice cream na tila hinanda talaga para sa araw na ito.

"Hmmnn ang sarap,"wika ng bata habang dinidilaan pa ang kutsara kahit wala na iyong laman. Ngunit natigilan siya nang may narinig siyang daing at iyak, "Ano ýon, kuyang mabait?"

"May multo kasi dito. Umiiyak palagi. Kaya rin kita dinala dito para tulungan mo akong patigilin ýung iyak niya,"

"Ako?" nangamba ang bata nang marinig niyang may multo sa bahay na ito.

"Oo, matapang ka ba?"

"Matapang?" nag-isip pa siya ngunit nang maisip na matutulungan niya ang mabait na kuya sa kanyang harapan ay nagtapang-tapangan siya, "Oo naman, matapang ako."

"Puntahan natin siya? Hindi kita iiwan,"

Tumango na lamang ang bata ngunit ang higpit ng pagkakahawak niya dito. Dinala siya ni Caden sa basement ng bahay. Bawat hakbang nila papalapit sa basement ay ang paglakas ng iyak na naririnig nila. Lalo lang lumakas ang kabog sa dibdib ng bata. Nang binuksan nila ang pintuan ng basement ay tumambad sa bata ang bagay na hindi niya inaasahan.

"Tatay?"tawag niya dito. Halos lumubog ang kanyang puso nang makita ang ama na duguan at nakakadena ang paa. Nakaposas din ang mga kamay nito. Duguan ang paa at kamay ito dahil siguro sa mga tinaggal na kuko.

"Siya ang multo na nagnakaw sa asawa ko at ikaw ang magiging kapalit niya. Buhay ang kinuha ng ama mo, buhay din ang kabayaran. Mararamdaman ng Tatay mo kung gaano kasakit ang mawalan ng minamahal na wala kang nagagawa,"

Noong araw na iyon, namutawi sa basement ang mga palahaw at daing. Noong araw din na iyon huling narinig ang mga iyak ng multo sa bahay na iyon. 

Disturbing HumourWhere stories live. Discover now