Tenome

76 0 0
                                    


"Palimos, maawa na kayo sa bulag,"

Hapon na ngunit barya pa lang ang nalilimos ni Mang Erwin. Maghapon niyang tiniis ang nakakapasong init ng araw at mga panlilibak sa mga taong napapadaan kahit na hindi naman nag-aabot ng kahit isang mamera.

"Hmmph, may kilala ako pilay na nagtatrabaho pa, hindi umaasa sa iba,"

"Naku, modus na iyan kunwari bulag pero nakakakita ýan. Ginawa nang trabaho ang panlilimos,"

"Ipang-iinom niya lang iyang nalimos niya,"

Samut-saring mga komento ang namumutawi sa mga bibig ng nagpapanggap na pantas. Kalabisan bang hilingin na dumaan na lamang sila? Hindi yata. Sa tulad niyang namamalimos, handa dapat siya sa pangmamaliit ng iba. Tama naman sila, nabuhay siyang umaasa sa iba.

Kinapa ni Mang Erwin ang tungkod niya na nasa gilid niya at tumayo na hawak ang plastik na baso na naglalaman ng mga ilang barya. Sapat na siguro iyon. Kung susumahin ay naka hingit singkwenta pesos naman siya. Tinahak niya ang daan pabalik sa kanyang kinaroroonan.

Lingid sa kanyang kaalaman ay may dalawang aninong sumusunod sa kanyang yapak. Ang isa ay halos gaya niya, kinalimutan ng lipunan, ngunit hindi siya handang umupo sa daan at maghintay ng grasya sa iba, handa siyang gawin ang kinakailangan mabuhay lamang. Ngayon nga tinatago niya sa mahaba niyang jacket ang isang matulis na bakal na matiyaga niyang pinanday ng ilang araw at hinasa. Ang isang anino naman ay balot ng karunungan, hawak ang rosaryo na simbolo ng kanyang propesyon. Taimtim siyang tumatawag sa kanyang may likha habang sinusundan ang lalaking matiyagang minamasdan ang bulag na matandang nais lamang makauwi.

Ilang hakbang pa at gumuhit ang sunud-sunod na matatalim na kidlat sa langit kasunod ang dagundong ng kulog. Tila yata luluha ang langit dahil sa galit ng haring araw kanina lamang. Lalong binilisan ni Mang Erwin ang kanyang mga hakbang. Malalaki na animoy nakikita niya ang kanyang nilalakaran. Kinagulat naman iyon ng dalawang sumusunod sa kanya, ngunit ipinagkibit balikat lamang. Marahil ay saulo na niya ang mga daan sa ilang beses na niyang pag-uwi.

Makailang minuto ang lumipas at dumalang na ang mga bahay. Lalong nangiti ang isa sa mga anino. Sa isip niya, kung walang gaanong mga matang makakakita ay mas malinis niyang magagawa ang krimen na kanyang gagawin. Kahit ba sabihin na barya lamang ang kinita ng matanda, mas madali pa ring nakawan ang isang walang laban kaysa sa mga mayayaman.

Ang pari naman ay nagdadalawang isip na tumawag ng saklolo sa mga pulis. Ano nga naman ang ire-report niya sa mga oras na ito na wala naman talagang krimen na nagaganap. Huminga siya nang malalim at binilisan niya ang lakad. Tatapikin niya at kakausapin ang lalaking ito. Baka sakaling mahaplos pa ng mga anghel ang kanyang puso at magbago ang isip.

Aktong malapit na siya sa lalaki nang tuluyan nang ibinagsak ng langit ang kanyang galit. Malalaki ang patak na iyon at ang tatlong lalaki ay tumalilis patungo sa isang kubo upang sumilong.

*Sandali, tama ba ang nakita ko na tumakbo ang matandang bulag?* Parehas ng iniisip ang dalawa. Para ngang mas mabilis pa itong tumakbo kumpara sa kanilang dalawa.

"May tao ba diyan?" tanong ng bulag na para bang narinig ang mga yabag ng kasunod niya.

"Makikisilong lang ho kaming dalawa." anang pari

Laking gulat ng lalaking may patalim na may isa pa palang nakasunod sa kanila. Napangiti na lamang siya ng peke. Paano niya naman magagawa ang kanyang masamang balak kung kasama niya ang isang pari, tila ba minamalas siya gn araw na ito. Paano na lang kaya ang sikmura niya at ng pamilya niya mamayang gabi.

"Pagpasensyahan niyo na ang dampa ko. Wala na akong kasama dito,"

"Ayos lang ho, basta makasilong. Ang lakas po kasi ng ulan." Sagot muli ng pari, habang ang isa ay walang nais na salitang bitawan.

"Tuloy kayo sa loob."

Pagpasok nila sa loob ay tumambad ang isang kaaya-ayang tanawin. Masinop at malinis sa loob, kahit na sabihing bahay iyon ng mahirap.

"Maiwan ko muna kayo," aktong aalis sana ang matandang bulag papunta sa kusina nang sundan siya ng lalaking may patalim.

"Makikiinom na rin po sana ako," anang lalaki.

Sabay muling sumunod ito sa bulag. Nais sanang sumunod din ng pari ngunit baka makahalata ang lalaki. Isa pa, hindi naman siguro magkakalakas ng loob ang lalaking ito na gawan ng masama ang bulag, lalo na at narito sa isang bahay ang isang alagd ng Diyos na gaya niya.

Ngunit ang kumakalam na tiyan ay mas nangibabaw kumpara sa gutom ng kaluluwa. Pagsapit nila sa kusina, ay binunot ng lalaki ang bakal na patalim at idiniin iyon sa tagiliran ng matanda. Sapat lamang para masaktan at matakot ang matanda.

"H'wag kang mag-iingay, ibabaon ko sa iyo ito. Akin na ang perang nalimos mo?"

Napahinga nang malalim si Mang Erwin. Sabay hindi niya napigilan na magpakawala ng impit na tawa na agad naman niyang napigilan. Ngunit pansin pa rin ang pag-alog ng kanyang balikat.

"Niloloko mo ba ako?" mahinang tanong ng lalaki habang tumitingin sa kanyang likuran, balisa kung mapapansin ba sila ng paring kasama.

"Sigurado ka ba?

"Bilisan mo. Kung akala mo matutulungan ka ng pari na kasama natin, nagkakamali ka. Pagsabayin ko pa kayo. Masyado na akong maraming kasalanan para matakot pa sa pari,"

Tinaas ni Mang Erwin ang kanyang dalawang kamay na animoý senyales na hindi siya lalaban. Ngunit nang binuksan niya ang palad ay nanghilakbot ang lalaki. May mata sa bawat palad na nakatingin sa kanya at kumukurap-kurap pa.

Hindi na nakapagsalita ang lalaki, tila hindi maipaliwanag ang kahibangang nangyayari ngayon. Hindi ba't kanina lamang ay inisip niyang walang kalaban-laban ang bulag na ito...bulag?

"Ibabalik ko sa iyo ang sinabi mo kanina, kung inaakala mong matutulungan ka ng pari na kasama mo ay nagkakamali ka. Pagsabayin ko pa kayo. Masyado na akong maraming kasalanan para matakot pa sa pari,"

Sabay tawa nito na tila ba nakakaloko.

"H'wag kang lalappit,"nangangatal na wika ng lalaki na kanina lamang ay buo ang loob sa nais niyang gawin.

"Sabi na nga ba, sapat na ang baryang napalimos ko para lamnan ang kumakalam kong sikmura. Buti na lang may mga kagaya mo pa,"

Ngunit huli na ang lahat. Hindi niya maipaliwanag ngunit hindi niya maigalaw ang buo niyang katawan. May kung anong kakaiba sa mga mata na iyon na parang tumitingin sa kanyang kaluluwa. Para bang wala na siyang kontrol sa kaniyang katawan. Naramdaman niya na lamang na ipinasok ng bulag ang kamay nito sa kanyang bibig, itinulak pa iyon hanggang maipasok ang buong braso. Naramdaman na lamang ng magnanakaw na unti-unting may kumakain sa kanyang kaloob-looban. Nais niyang sumigaw ngunit dahil sa nakapasak na braso sa kanyang bibig ay hindi niya magawa.

Sa di kalayuan ay kanina pa nagmamasid ang pari, nanghihilakbot sa kanyang nakita. Kung kanina ay determinado itong pigilan ang magnanakaw, ngayon ay halos wala itong magawa. Pinagmasdan niya lamang hanggang sa balat na lamang ng magnanakaw ang natira.

Matapos iyon ay narinig niya na lamang si Mang Erwin na nagsalita, "Padre, nauuhaw ka rin ba?" 

Du hast das Ende der veröffentlichten Teile erreicht.

⏰ Letzte Aktualisierung: Sep 12, 2023 ⏰

Füge diese Geschichte zu deiner Bibliothek hinzu, um über neue Kapitel informiert zu werden!

Disturbing HumourWo Geschichten leben. Entdecke jetzt