Patient 541 Part 3

220 12 0
                                    


Bago ang mga pangyayaring kinasangkutan ni Jamie sa ospital na iyon at bago pa man din makulong ang nars na si Antonio Gonzales sa ika-541 na k'warto, nagsimula ang lahat sa pagdating ng isang pasyenteng nagngangalang, Eleazar Guillermo. Humpak ang pisngi at malalim ang mga mata. Halos hindi na rin ito makapaglakad sa nipis ng laman na halos nakadikit na yata ang balat sa kanyang buto. Tila ba nakahithit ito ng ilang gramo ng droga. Paminsan-minsan siyang ngumingiti at sisilip bigla ang naninilaw nitong ngipin. Pasyente raw ito mula sa siyudad. Dating doktor na nag-aalaga sa mga may pagkukulang sa isip ngunit sa huli ay siya ang nagkaroon ng sakit sa pag-iisip.

"Makikita ko na ba ang bagong bahay ko?" wika ng pasyente na nakasuot ng straitjacket habang hawak ng dalawang matipunong lalaki. Nasa likod noon ang dalawa pang nars nagsisilbing antabay sakaling magwala ang pasyente. Gumagawa siya ng kakaibang ngisi na animoý nakaloloko habang tinitingnan ang dami ng tao doon. 

Tahimik ang lugar ngunit ramdam mo ang kakaibang kalungkutan sa lugar. Hindi iyon katahimikan na nagpapakalma sa kaluluwa mo, bagkus bumbagabag iyon sa isipan. May ilang pasyente na malayang naglalakad sa loob ng pasilidad. Di malayo sa kanila ay naroon ang ilang nars na nagbabantay. Nahihintay na kailanganin sila.

Tuloy lamang sa paghatak ang dalawang matipunong lalaki sa pasyente. Kahit hindi ito nagpupumiglas ay mahigpit ang pagkakahawak nila sa braso nito. Sa sobrang higpit noon ay hindi sinasadyang biglaan na lamang nawala sa ayos ang buto sa balikat ng pasyente. Narinig pa nilang tumunog iyon. 

Sa aktong iyon ay natigilan silang lahat. Huminto sa paglalakad ang pasyente at nawala ang ngisi sa mukha niya. Kahit na ba pansin mo ang baling buto nito  dahil parang tumutusok iyon sa straitjacket na suot ng pasyente at wala itong sakit na pinapakita. Sa puntong iyon ay bigla na lamang bumagsak ang isa sa mga may hawak sa kanya sa sahig. Nagsisigaw ito at nagpapasag habang nakahandusay sa sahig habang kinakalmot ang dibdib. 

"May mga langgam na kumakagat sa puso ko," sigaw nito na nagwawala. Ang sigaw na iyon ay nakatawag ng pansin ng ibang pasyente. Nagsimula na ring gumawa ng ingay ang ilan. Halata mong naapektuhan sa palahaw ng lalaki. Para nga hindi na iyon makagawa pa ng komosyon ay inalalayan papuntang isang silid ang lalaki. Kung sisilipin lamang nila ang puso nito ay makikita nilang hindi nagbibiro ang lalaki, mga malalaking pulang langgam ang kumakain nang paunti-unti sa puso nito.

Naiwan si Antonio na nakaalalay sa pasyente dahil binuhat ng dalawa ang kaninang nagwawalang binata sa sahig. Kitang-kita ni Antonio kung paano ibinalik sa pagkakaayos ng pasyente ang baling balikat na parang walang nangyari. Matapos noon ay muli itong naglakad na parang alam ang nilalakbay. Sinundan naman siya ni Antonio na puno ng takot.

"Natatakot ka?" tanong nito.

"Hindi," nagtapang-tapangan si Antonio. Hindi siya maaring magpakita ng kahinaan sa harap ng pasyente. Iyon ang natutunan niya dahil karamihan sa pasyente sa hospital ay naghahanap ng p'wede nilang kapitan. Lumalaban pa sila sa buhay.

"Walang saysay na magsinungaling sa akin. Amoy na amoy ko ang takot mo," sabay muling sumilip ang naninilaw nitong ngipin. "Alam mo ang katawan ng tao, mahina. Kapag napabayaan, unti-unting namamatay. Hindi na p'wedeng gamitin. Gaya nang nangyari kanina,"

Nagtuluuy-tuloy lang siya sa pag-akyat hanggang huminto ito sa ikalimang palapag. Walang laman ang mga k'warto doon. Kumpara sa mga silid sa mga ibang palapag ay parang kulungan ang mga k'warto doon. Hindi nakabukas ang mga pintuan bagkus ay may makapal na bakal na pinto na naghihiwalay sa pasyente sa loob sa mundo.

"Nandito na tayo," sabay silip nito kay Antonio.

"Ha?"nagtaka pa si Antonio sa sinabi ng pasyente. Hindi niya kasi alam kung doon talaga dadalhin ang pasyente. Hindi rin naman kasi siya ang mag-aalaga sa pasyente. Nautusan lang siya para umalalay.

Disturbing HumourWhere stories live. Discover now