PROLOGUE

134 24 32
                                    

PICTURE PERFECT.

SA TUWING may reunion, nakagawian na ng pamilya namin na magkaroon ng group picture at family picture kung saan kinokolekta namin iyon sa photo albums namin. Hindi ko na alam kung nakakailang albums na kami, sa pagkakaalam ko ay may isang kahon na atang nakolekta si mommy.

Nandoon ang photo albums noong ikinasal ang mga magulang ko, at ilan pang mga espesyal na pagdiriwang tulad ng family outing, birthdays at christmas party na pinagplanuhan ng mga tiyahin at tiyuhin ko. Malaki at masaya ang pamilya namin. Dalawang beses kong nararanasan ang okasyon na hinahanda ng dalawang panig ng pamilya namin dahil ang partido ni mommy ay nakatira sa probinsya samantalang si daddy naman ay sa Metro Manila naman naninirahan.

Minsan pa nga ay naiimbitahan din sila mommy at daddy ng mga kasama nila sa trabaho at ilang mga kaibigan na nakilala nila sa eskwelahan kaya nakakapunta ako kung saan-saan ng kasama ang mga magulang ko. Sa totoo lang masaya makapunta sa iba't-ibang lugar. Nakakapagod pero pasalamat na lang ako dahil may kotse si daddy na pinag-ipunan niyang bilhin na siya ring ipinangalan niya sa akin.

Hindi ko pa alam kung ayos lang bang maramdaman ko noon na pagmamay-ari ko iyon. Sa tuwing nakikita kasi ng ibang tao ang pangalan ko na nakalagay sa harapan ng bumper ng kotse namin dinaig ko pa ang prinsesang bumababa sa modernong karwahe kasama ng mga magulang niya.

Ang sabi rin naman nila mommy at daddy normal lang daw iyon lalo na at handog nila iyon sa akin bilang unica hija nila.

Nahagip ng mga mata ko ang ilang photo albums na inilaan ng mga magulang ko para lang sa akin. Nandoon ang litrato ko noong nasa sinapupunan pa lang ako ni mommy. Hanggang sa isinilang niya na ako sa mundo kung saan sinalubong nila ako ni daddy na magkasama. Ang kwento pa nga ni mommy noon ay napaluha si daddy nang makita niya ako sa unang pagkakataon, halos hindi na raw niya ako bitawan. Kaya siguro daddy's girl ako.

Ang sumunod na koleksyon ng mga litrato na kasama ang pamilya ko ay noong bininyagan ako at ang ilang birthdays kung saan maraming tao ang nakapalibot sa akin na masaya at nakangiti sa akin. Nandoon din ang mga larawan kung saan kasama ko ang malaking kahon ng regalo mula sa mga galante kong ninang at ninong, at syempre hindi na rin papahuli ang ilang tito at tita ko na mahal na mahal ako.

Masarap sa pakiramdam na gano'n ako pinapahalagahan ng pamilya ko kahit pa yung ilang tiyuhin ko ay sobra kung makapang-asar sa akin. Hinding hindi ko talaga makakalimutan si Uncle Jonas na nagpahid sa akin ng icing mula sa cake ko pagkatapos nila ako kantahan ng 'happy birthday', hinipan ko agad ang kandila na may malawak na ngiti sa labi ko noon. Pero imbis na ang nakangiting mukha ko ang nakunan ng litrato, itong nakasimangot na batang umiiyak ang nakunan no'ng na-develop ang film sa Camera Center.

Nakakainis na alaala ngunit nakakatuwa itong balik-balikan. Isang taon ko ring hindi kinausap si Uncle Jonas pagkatapos no'n. Kakaiba talaga ako mag kimkim ng sama ng loob mula pa noong bata ako. Nakabawi rin naman si Uncle Jonas sa akin makalipas ng isang taon at niregaluhan ako ng dollhouse na nakikita ko sa commercial noong bata pa ako.

Pero syempre ano pa man ang matanggap kong regalo sa kamag-anak ko, iba pa rin ang pakiramdam sa tuwing makakatanggap ako ng regalo mula sa mga magulang ko.

Nandiyan ang regalo sa akin ni mommy sa tuwing makakakuha ako ng award galing school. Lahat ng i-request ko ay pagbibigyan niya basta lagi akong magpapakabait at susunod sa mga rules niya at ganoon din naman si daddy.

Kahit pa nagtatrabaho si daddy sa ibang bansa ay nireregaluhan niya ako sa tuwing napapanood niya ang ilang video tapes na kinunan ni mommy at ipinapadala ito sa kanya sa pamamagitan ng post mail. Minsan pa nga ay nagpapadala kami ng voice tapes at ilang liham para kahit man lang sa pamamagitan ng maliliit na bagay na iyon, hindi maramdaman ni daddy na malayo kami ni mommy at nag-iisa siya sa ibang bansa.

Invisible StingWhere stories live. Discover now