Chapter 19

1.3K 55 6
                                    

Ikalawang araw na simula nang dalhin si Yara sa ward, hindi siya iniwanan ni Dri. Kahit na sa video call lang nangyayari ang lahat, hindi nila iniiwanan ang isa't isa. Nakakausap din ni Yara ang ilan sa kasama nila sa ward, ang iba naman ay nakalabas na dahil gumagaling na.

Tumawag na rin siya sa pamilya niya sa probinsya para sabihin kung ano ang nangyari sa kaniya. Ang nakakatawa, sinisisi siya dahil sa naging kapabayaan niya. Hindi naman niya ginustong magkasakit. Sino ba ang gustong hindi makahinga? Wala naman.

Nakangiting nakatitig si Yara sa kisame ng ward kung saan siya naka-confine. Isa iyon sa hinanakit niya ever since, iyong pakiramdam niya, halos walang pagpapahalaga ang mga tao sa paligid niya. Kaya sa tuwing iniisip niya ang sinabi ni Dri sa kaniya na malulungkot ang lahat kapag nawala siya, ayaw niyang maniwala.

Sa totoo lang, sa kasalukuyan, si Dri lang ang mayroon siya. Si Dri lang ang nakaiintindi sa kaniya. Si Dri lang ang nakaaalam kung ano ang gusto niya. Si Dri lang ang gusto niyang makasama.

Noong nalaman ng iba na nag-COVID positive siya, halos lahat, nag-send ng messages, pero hindi siya nag-reply. Binuksan niya lahat. Nakakatawa dahil kailangan pa pala niya magsakit para maalala siya ng iba.

Hindi naman dahil feeling relevant siya, pero buong buhay niya, pinaramdam na ng lahat na hindi naman siya ang tipo na kinukumusta.

"Possible kasi na ang akala nila, strong ka," sabi ni Dri habang nagvi-video call sila. "'Yun kasi pinakita mo sa kanilang lahat, eh. Hindi mo pinakita kung gaano ka ka-weak," dagdag nito.

"Okay na rin 'yun. Either way, aalis din naman sila," seryosong sagot ni Yara.

Umiling si Dri at halata ang pagkadisgusto sa sinabi niya. "Ayan ka na naman, eh. Sabi ko sa 'yo, 'di ba? Huwag kang masyadong advanced mag-isip. Sinisira mo 'yung future dahil inuunahan mo. What if 'yung mga taong tinutulak mo palayo dahil ayaw mo ng attachment, okay naman pala. Always give someone the benefit of the doubt."

"Oo na, ang sungit naman!" pagbibiro ni Yara. "Magpahinga ka na kaya, daldal ka pa nang daldal. Paos na paos pa nga tayong dalawa, eh. Paano tayo gagaling kung ganito?"

"Uy, ang tagal na nating hindi nagkikita nang personal, ha?" natutuwang sabi ni Dri kahit na nahihirapan talaga siyang magsalita. "Kain tayo ng lugaw pagkatapos, 'yung maraming itlog saka paminta tapos may partner na lumpia na may maanghang na sawsawang suka. Tangina, nag-crave ako."

Mahinang natawa si Yara. "Ipagluluto na lang kita ng lugaw. 'Yun yata pinakamadaling lutuin, eh. Para unlimited."

"Oo, puwede. Para wantusawa ang kain natin." Pinilit ni Dri ang ngumiti. "Paglabas natin, mag-stay ka na lang dito sa Manila. Hindi ko naman sinasabing iwanan mo ang family mo sa probinsya, pero alam kong masaya ka sa piling ko."

Kumunot ang noo ni Yara at ngumiti. "Ang kapal mo rin talaga minsan, tindi ng confidence mo, Adriano."

"Sus, 'yun nga na-mi—" Umubo ito nang umubo. "E-Excuse me. 'Yun nga ang nami-miss mo sa akin, eh. Gustong-gusto pa naman kitang niloloko kasi ang pikon mo."

"My life would be so much different without you in it. Sana talaga noong college pa lang." Tumigil sa pagsasalita si Yara. "Hindi pala . . . baka iwanan mo rin ako."

Tinitigan lang siya ni Dri. Wala itong sinabing kahit ano. Hindi naman napigilan ni Yara ang luha dahil ganito sila simula noong na-confine siya. Mas madalas siyang umiiyak dahil natatakot siya sa puwedeng mangyari sa kanila ni Dri.

"Umiiyak ka na naman," mahinahong sambit ni Dri. Inayos niya ang oxygen sa ilong niya at suminghap pa. "Noong una, gusto kong umiyak ka para mailabas mo lahat ng pain, pero ngayon . . . ayaw ko na pala."

No DistancingWhere stories live. Discover now