Kabanata 2

77.7K 1.1K 59
                                    

© 2015 KingstonJ
K a b a n a t a - 0 2

Hindi ako mapakali habang tinititigan ang sariling repleksyon sa salamin. Kailangan ko mag mukhang desente kapag pumasok ako sa pinagtatrabahuhan ni Thea. Hindi ako pwedeng magmukhang basura at baka mapalabas pa ako kapag nakitang hindi maayos ang aking itsura.

Inayos ko ang buhok kong mahaba at umaalon alon at inilagay ito sa harapan habang komportableng nakalapat sa balikat ko. Naglagay rin ako ng make up kahit hindi naman kailangan dahil makinis naman ang balat ko. Simpleng dress lamang ang suot ko at napapatungan ito ng pulang sweater. Hindi ako komportable na makita ang balat ko kahit may maipagmamalaki naman ako.

Kinuha ko ang bag ko at isinukbit sa braso at muling sinilayan ang repleksyon sa salamin ng aking kwarto. Bumuntong hininga ako at tumungo sa labas upang magpaalam na sa magulang kong naabutan kong kumakain ng agahan habang nakatanaw sa kinaroroonan ko.

"Kain ka kaya muna anak." Pag aalok ni amang. "Baka gutumin ka sa biyahe." Ipinaghila niya ako ng upuan ngunit tinanggihan ko na lamang ang alok niya. Kailangan kong magmadali upang maabutan ko ang boss ni Thea. Kung hindi lang tamad ang aking kapatid, dapat siya na ang gumagawa nito ngayon. Boss niya naman yun at kilala niya ito! Kumpara naman sa akin na walang kaalam alam sa pagkatao ng boss niyang si Sir Paul Gatchalian maliban sa ugali nitong suplado at mapag mata sa mgaa mahihirap na tao.

"Huwag na po amang. Kailangan ko pong maabutan ang boss ni Thea." Nagpakawala ako ng isang mabigat na hininga at muling sinilayan ang kapatid kong tamad na kinakain ang pandesal na nakahain sa hapag. "Sigurado ka ba Thea na ayaw mo sumama? Hindi naman ako malapit sa boss mo at ikaw lang naman. Isa pa at hindi ko alam ang pasikot sikot sa iyong trabaho. Baka ako'y mawala." Napangiwi kong utas at isang nagmamakaawang tingin ang ipinukol sa kaniya. Hindi na ako aasang maawa siya sa aking kalagayan. Sinubukan ko lang naman kung papayag ba siya.

Inirapan ako ng kapatid ko. "Ikaw na lang. Ayoko pumunta roon!" Naiinis niyang utas at panandaliang tumanghay sa bintana. Para bang may naalala ngunit kinalimutan na lamang. Nagtataka ako kung ano iyon. Nagtataka ako kung ano ang bagay na humaharang sa kaniya na tumapak muli sa gusaling kaniyang pinagtatrabahuhan.

"Kaya mo naman iyan. Malakas ka nga di'ba?" Pinaglaruan niya ang maikli niyang buhok at muling tumanghay sa bintana kung saan may mga tao pa ring nag eempake upang paghandaan ang nalalapit na pagde-demolish. Buti pa sila ay may malilipatan na habang kami ay walang maisip na tuluyan at baka magkataon na matulog pa kami sa karton sa tabi ng kalsada. Pwede rin sa Luneta.

"Samahan mo na kaya ang kapatid mo Thea. Wala iyang kaalam sa iyong pinagtatrabahuhan." Banayad na utas ng aking ama at sumimsim sa kape niya.

Luminaw ang gusot sa noo ni Thea dahil sa sinabi ng aking ama sa kaniya. "Kaya naman niya yan! Bwisit." Ibinagsak niya ang baso na kaniyang hawak dahilan para umuga ang lamesa. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at humakbang patungo sa kwarto niya. Ngunit bago pa siya makaalis ng tuluyan, hinawakan ko na ang braso niya.

Isang masakit na tingin naman ang ipinukol namin sa isa't isa. "Huwag mong pagsasalitaan ang ama ng ganiyan!" Mariin kong utas at mas hinigpitan ang hawak sa braso niya. Hindi niya alam kung gaano kaselan ang aking ama. Ano mang oras pwede itong atakihin kapag labis na emosyon ang nararamdaman.

"Veronica! Bitawan mo ang kapatid mo!" Sigaw ng ina ko dahilan para mapabitaw ako sa braso ng kapatid ko. Humakbang naman siya sa pintuan ng kaniyang kwarto habang ang mga tingin ay sa akin parin nakapukol. "Umalis ka na." Nakaramdam uli ako ng kirot sa dibdib ko ngunit agad itong napawi nang kalimutan ko na lamang ang lahat ng ito.

Hinarap ko ang ama ko at nagmano. Nagmano rin ako sa ina ko kahit nakakaramdam ako ng kaunting pag tatampo.

"Alis na po ako." Unti unti akong tumalikod at hinigpitan ang hawak sa bag ko habang papalabas na ng bahay na ito. Bahala na ang Diyos sa akin mamaya. Hindi alam ng aking magulang na abot langit nag kaba na aking nararamdaman. Hindi ko kasi alam ang pasikot sikot sa kumpanya na pinapasukan ni Thea. Pero para sa aking pamilya, gagawin ko ang aking makakaya.

Taming The Dominant ( Completed )Where stories live. Discover now