Chapter 3

285 20 23
                                    

SELENE'S POV

ALAS DOS na ng hapon at nandito kami ng best friend ko ngayon sa ilalim ng puno kung saan ako nagtago kahapon habang kumakain kami ng lunch. Isa pa ay kanina pa ako bumabahing, nakakaumay na. Ang sama na talaga ng pakiramdam ko at kailangan ko nang umuwi pero hindi naman puwede dahil papasok pa ako sa school.

"Ayoko na," reklamo ko bago ko isinga ang sipon ko sa tissue na nasa tabi ko.

Kaya nga pumuwesto rin talaga ako rito kung saan malapit lang ang basurahan ay dahil sa dahilan na tinatamad akong tumayo para lang magtapon ng mga tissue. Shet naman, oh.

"Gaga ka naman kasi, bakit ka nagpaulan?" sermon sa'kin ni Jane, ang best friend ko.Siya lang ang naging best friend ko rito at siya lang din ang nakakaalam ng mga kalandian ko sa buhay.

"Kasi nga ‘di ba, nakalimutan kong magdala ng payong—" Hindi ko na naman natuloy 'yong sinasabi ko dahil sa paulit-ulit na pagbahing ko. Kumuha ulit ako ng tissue at pinunasan ko ang ilong ko.

Hindi ko sinabi sa kan'ya ang totoong dahilan ko. Baka lalo lang akong sermunan nito, eh. Mas masungit pa kasi siya kaysa sa nanay ko. Hays.

"Hay naku." Bumuntong hininga siya bago tumingin sa akin sa isang nag-aalalang ekspresiyon. "Sa susunod ay siguraduhin mong dala mo 'yong payong mo, ha!"

"Opo na," sagot ko na lang habang nakanguso.

Napakasungit talaga niya kahit kailan. Bakit ko nga ba 'to naging best friend?

Ipinagpatuloy ko na ang pagkain ko at habang kumakain ako ay hinahanap ko siya. Sino pa ba? E’di si Kent! Kaya lang ay hindi ko siya makita. Nasaan kaya 'yon? Dati naman ay sa bench siya kumakain kasama ng mga barkada niya sa basketball, eh. Pero ngayon, bakit wala siya?

Hala, nagkasakit kaya siya? Pero napayungan ko naman siya, ah!

"Ma-stiffneck ka riyan," masungit na pagsita sa akin ni Jane dahil nakita niya kung ano ang ginagawa ko. Alam ko rin na aware siya na hinahanap ko si Kent ngayon, dahil wala naman akong ibang ginagawa sa araw ko kung hindi ang silayan lang si Kent, eh.

"Eh, kasi naman," pagmamaktol ko dahil hindi ko pa siya nakikita kaya hindi pa rin buo ang araw ko. "Nasaan siya?"
Lumingon-lingon ako sa paligid ko pero wala talaga siya! Sumasama na tuloy ang loob ko.

"May practice nga sila roon sa basketball! Pabayaan mo na nga muna 'yon. Makikita mo rin 'yon mamaya," sabi niya and as always, ang sungit na naman niya. Inirapan pa nga niya ako pagkatapos niyang sabihin ‘yon.

Bakit kaya kapag si Kent ang pinag-uusapan namin eh medyo ilag siya at gusto niya kaagad mag-switch ng topic?

May crush kaya siya kay Kent? Hala! Huwag naman sana. Kasi maganda si Jane, eh. Masungit siya at mukhang mahirap i-approach pero mabait siya. Hindi imposibleng magkagusto sa kan'ya si Kent kapag nagkataon.

Eh paano naman ako— ay, teka, si Kent nga pala. Nakalimutan ko kaagad ang number one priority ko.

"Eh? Lunch ngayon, ah? Hindi siya kakain?" nagtatakang tanong ko, palinga-linga pa rin sa paligid.

"Ewan ko," bored na sagot ni Jane bago ito nagkibit-balikat. Lagi namang gan'yan 'yan.

Kinalkal ko ‘yong bag ko at kinuha ko 'yong isang box ng lunch ko dun. Ibibigay ko 'to kay Kent. Baka kasi hindi pa siya kumakain. Masyado nilang dinidibdib ang practice at maganda rin naman ‘yon, pero masama pa rin ang magpalipas ng gutom, ‘no. Mabuti na lang talaga at dalawa ang ginawa kong lunch ngayon.

Pero mamaya ko na 'to ibibigay pagkatapos kong kumain. Kailangan ko pa naman ng maraming energy ngayon dahil may seatwork kami mamaya sa math. Nakakaiyak na subject. Dudugo na naman ang utak ko, at kahit ayaw ko sa math, as if namang may iba akong choice?

Tahimik lang ako habang kumakain pero naubo ako nang maipit 'yong kinakain ko sa lalamunan ko.

Shete, nabulunan pa ako! Waiter, water please!

Ay, wala palang waiter dito. Best friend, water! Hindi ko na kayang magsalita kaya sa isip ko na lang tinatawag si Jane. Bakit kasi hindi pa nagpapakita si Kent sa'kin? Feeling ko tuloy malas ako ngayon!

"Oh, ito inumin mo. Takaw kasi eh," iritado ngunit concerned na sabi ni Jane at saka inabot sa'kin ang isang basong tubig. Dali-dali ko namang ininom 'yon dahil pakiramdam ko kung hindi ko pa iinumin ‘yon kaagad ay malalagutan na ako ng hininga.

"Number nga, Jane," request ko pa habang hinahawakan ko ‘yong dibdib ko at pinapalo-palo ito nang kaunti.

Ang sakit! Parang tinutusok tusok ng mga karayom! Not to mention na parang mawawalan na ako ng hininga kakaubo ko. Buwisit! Buwisit na tubig iyan!

Pero kahit na ganoon, nagawa ko pa rin humingi ng number kay Jane. Kasi sabi raw nila, kapag nabulunan ka, may taong nakakaalala sa'yo. At oo, shonga na kung shonga pero naniniwala ako roon! At kahit na nabulunan na nga ako, priority ko pa rin ang kalandian ko! Ganoon talaga, Selene Perez yata ‘to, ‘no!

"Hay naku,” naiiling na sabi ni Jane bago niya ako binatukan, pero nagbigay pa rin naman siya ng number. “Eleven."

Sus, magrereklamo pa pero magbibigay din naman pala ng number! Napaka-etchosera talaga nitong best friend ko! Nagbilang ako sa kamay ko at kumanta ng ABC song sa isip ko.

K.

Napatigil ako at naramdaman ko nalang na umiinit na pala yung pisngi ko. Is this for real?
K? As in Kent? Kent Fujimoto?

"So, kinikilig ka na niyan?" tanong ni Jane habang nakatingin sa'kin, nakataas ang kanang kilay.

Hindi ako nakakibo agad. Kinikilig kasi ako, eh! Naaalala ako ni Kent? Iniisip ako ni Kent? Totoo ba 'to? Is this real, is this real? Kung panaginip man ito, mamaya n’yo na ako gisingin!

Pero wait, Selene! Selene Perez! Kalma! Hooh! Kalma lang! Baka mahimatay ka na niyan! May klase ka pa mamaya! Math 'yon, math!

Bawal um-absent!

[Note: This only contains preview chapters. You can read the rest of the chapters on Novelah, Finovel, and StoryOn. Thank you!]

She's The Lovely Angel [COMPLETED/PREVIEW ONLY]Where stories live. Discover now