Makikipagkita dapat sila sa mama ni Kanoa, pero lumakas ang ulan at hindi okay ang mood ni Antoinette kaya nag-decide silang sa condo na lang niya. Ikatlong araw na rin nila sa Pilipinas. Marami silang aayusin, uunahin lang muna nilang puntahan ang pamilya nila.
Si Ara, hindi pa nakikipagkita sa parents niya. Si Kanoa naman, ito na. Nag-set na sila na makipagkita ang mama niya. Gusto rin sana niyang makita ang Ate niya at mga pamangkin, pero nasa Singapore daw ang mga ito para bisitahin ang asawa.
Lumabas ng kwarto si Ara at nagkatinginan sila. "She's not really in the mood. Inaantok lang din siguro. She's sleeping na."
"Hayaan mo na muna siya. Medyo naninibago pa ulit, eh," ani Kanoa at hinawakan ang kamay ni Ara. "Kung inaantok ka, matulog ka na rin muna."
Patagilid na naupo si Ara sa kandungan ni Kanoa at inihiga ang ulo sa balikat nito. "Pupunta kami tomorrow nila Sayaka and Belle sa venue ng wedding natin. Ikaw na muna ang bahala kay Antoinette?"
"Ayaw mo ba akong sumama?" tanong ni Kanoa. "Ano'ng puwede kong gawin?"
Napaisip si Ara. "Everything's okay naman na. Siguro just communicate kay Kuya Sam about finalizing the papers and we're all good. Besides, you need to babysit Antoinette, so I know it's too much. Ako na ang bahala sa wedding."
Kanoa understood. He knew that it was a girl thing. Sinabi na rin naman sa kaniya ni Ara na ito na ang bahalang mag-ayos sa kasal. Excited pa nga. Simple lang naman ang kasal nila, limitado lang ang guests, kaya chill lang din silang dalawa.
Nanatili silang tahimik habang nanonood ng movie. Hinahaplos ni Kanoa ang likuran ni Ara at nang humikab ito, pareho silang natawa.
"Matulog ka na muna," aniya at tumayo nang hindi na hinihintay ang sagot ni Ara. Binuhat niya ito papasok sa kwarto.
"But si Tita," mahinang sambit ni Ara.
Umiling si Kanoa. "Maiintindihan niya 'yon. Mas mapapagalitan pa tayo kapag nakita niyang inaantok ka 'tapos hindi ka natulog. Sasabihin na naman ni Mama, pinapabayaan ko kayo."
Natawa si Ara. Maingat niya itong ibinaba sa kama kung nasaan si Antoinette bago kinumutan at lumabas ng kwarto.
Ipinalibot niya ang tingin sa buong condo. Walang nagbago at ipinagpasalamat niya sa Mama niya na kahit wala siya, well-maintained ito. Kahit ang mga equipments niya na ipinaalaga kay Jai, maayos at malinis. Lahat gumagana pa rin.
Habang nanonood ng TV, nakarinig si Kanoa ng pagkatok. Hindi siya nagkamali nang makita ang Mama niya sa peephole. May dala pa itong mga pagkain kahit na sinabi niyang nakabili na sila.
"Ma, 'wag ka muna maingay," aniya pagbukas ng pinto. "Natutulog sila. Nagloloko si Antoinette, eh."
Malapad na ngumiti ang Mama niya. Kinuha niya ang mga bitbit nito bago ito mahigpit na niyakap.
"Miss na miss kita, ha!" Tinapik ng mama niya ang likuran niya. "Akala ko talaga sa New York kayo magpapakasal, eh. Buti na lang at naisipan n'yong dito na lang."
"Gusto talaga namin dito, kahit ni Ara. Mas gusto niya rin kasing maraming imbitadong family members," sagot niya. "Thank you sa pag-maintain dito, Ma."
Sumimangot ang mama niya at umiling. "Wala naman 'yon. Maganda rin na hindi mapabayaan 'tong condo mo kung sakali mang maisipan n'yong umuwi rito o kung dito kayo magtatagal."
Naupo sila sa sofa at nagtanong ang mama niya tungkol sa byahe nila pati na rin sa trabaho ni Ara at schooling ni Antoinette. Excited itong makita ang mag-ina niya. Mas mukhang excited pa kaysa ang makita siya.
"Matanong ko lang pala. Nagkausap ba kayo ng Papa mo kung makakapunta siya sa kasal mo?" biglang tanong ng Mama niya.
Tumango si Kanoa at patigilid itong nilingon. "Okay lang ba sa 'yo na andon si Papa?" tanong niya. "Nag-agree naman si Papa, pero ikaw ang iniisip niya."
Yumuko ang Mama niya at tipid na ngumiti.
"Oh, bakit ka naka-smile, Ma? Kinikilig ka ba?"
"Hoy, gago!" singhal nito sa kaniya na ikinatawa niya. May paghampas pa. "Bugok."
Tawang-tawa si Kanoa. "Ano nga, Ma? Okay lang daw ba sa 'yong pupunta siya? Siyempre ako, gusto kong andon kayong dalawa, pero baka ayaw mo raw kasing makita pagmumukha niya. Goods naman ako kung ano'ng desisyon n'yong dalawa ni Papa."
"Mas maganda kung kumpleto. Para may family picture!"
Nakalolokong tiningnan ni Kanoa ang mama niya. "Ikaw, ha? Bakit gusto mo ng family picture? Gusto mo na bang maging family ulit?"
"Tanga neto ni Kanoa!" Inirapan siya ng Mama niya. "Pakita ko sa 'yo 'yung gown ko."
"Ay. Iniiba usapan. 'Yoko na nga."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com