Kaibigan Nga Ba?

68 0 0
                                    

Kaibigan Nga Ba?

Kaibigan nga bang ituring ko'y ika'y kinukulong sa kanilang kagustuhan at pansariling kasiyahan.

Kaibigan nga bang maituturing kung ika'y nasasaktan na pero sila'y patuloy pa ring nananakit.

Kaibigang laging kasama sa araw-araw ngunit puro pighati ang nararanasan sa kanilang piling.

Akala ko'y ikaw lamang ang makakaintindi. Umasang ika'y magiging kakampi sa lahat. Ngunit tama sila.

Kahit kaibigan ay may tuldok din na tatapos sa inyong masayang samahan. Ngunit ang masakit, ikaw mismo ang naging dahilan kung bakit ito'y nawala.

Masaya sa harap, pagkatalikod animo'y estranghero sa dami ng iyong nasasabi. Sa aking likuran, ako'y nasisira.

Kay gandang pakinggan ng iyong mga salita, ngunit habang tumatagal, ako'y unti unting nasasaktan dahil sa sugat ng iyong matabil na dila.

Maituturing bang isang kaibigan ang taong inakalang magiging kakampi mo sa lahat ay siyang unang wawasak sa iyo.

Kaibigang kay tagal ngunit ako'y naiipit sa dalawang bagay na hindi naman dapat pagpilian.

Kasiyahan at kalayaan ay magkaibang salita ngunit ako'y nahihirapan sa kung ano ang dapat gawin.

Pagka't hindi pa man ako nakakakilos ay iyo nang hinahadlangan ang aking pipiliin, sapagkat ang nais mo lamang ay ikaw laging masusunod.

Ako'y nagtiis sa mahabang panahon pagka't aking ginagalang ang samahang napundar natin ng ilang taon.

Ngunit, kaibigan, anong nangyari? Ikaw ba'y kinain ng sistema ng wagas na kapangyarihan? Kaibigan nga ba talaga, o katunggali ang isa't isa?

Ako'y mabait at tahimik ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay mananatili ang aking kahinaan.

Sapagkat kahit ang munting kuting ay may tinatago ring bangis sa loob ng maamo nitong mukha.

Kaibigan kung ituring ngunit dignidad ko'y aking ipaglalaban. Ako'y patawarin sapagkat ang aking tapang ay walang makakapantay.

- ernxx

Malayang Salita Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang