Pagtingin

17 0 0
                                    

Pagtingin

Paulit-ulit. Makailang beses kong pinapanood ang bidyu kung saan naroon tayong dalawa. Ika 28 araw ng Pebrero sa taong ito, tayo'y muling nagkasama sa iisang silid.

Makalat. Maingay. Magulo ang paligid. Ako'y nakaupo sa upuan habang naghihintay na tawagin ang pangalan ko para sumalang sa grad pictorial.

Nang walang ano-ano, bigla kang dumating sapagkat nalalapit ka na ring tawagin. Tayong dalawa lamang ang nakaupo habang nakapila at naghihintay.

Magkabilaang dulo ang upo, at tatlong upuan lamang ang pagitan bago tayo magkalapit. Inaasar ako ng aking kaibigan sa pamamagitan ng pagkuha ng bidyu.

Ngunit isang daan niya iyon upang ako'y mapasaya, sapagkat magkalapit tayo nung mga oras na iyon at nais niyang kunan ang magandang senaryo bilang isang alaala.

Hindi ako makatanggi pagkat nais ko rin ang kanyang suhestyon. Naisip kong bakit pa ako magpapaligoy pa kung magkalapit na tayo't may pagkakataon na ako.

Hanggang ngayon, hindi ka pa rin nabubura sa aking isipan pagkat lagi kang pinapaalala sa akin ng bidyung iyon.

Maging sa mga sumunod na araw, hindi kita nakalimutan sapagkat nakaramdam akong nahulog na ang aking puso nang tuluyan.

Linggo ng umaga, tayo'y nagsimba. Inatasan tayo'y mga nagsasanay na guro na magbantay at umalalay sa mga mag-aaral.

Nahihiya akong pumasok sapagkat ako'y nahuli ng dating kung kaya't naisip kong sa may pintuan na lamang tumayo.

Ako'y nakipagsiksikan upang marating ang aking pwesto, laking gulat ko nang makita ang aking kasamahan.

Ngunit mas namulakdat ang aking mga mata nang makita ka rin sa kanyang tabi. Tayo'y nagkatitigan ngunit agad kong iniwas ito.

Dalawang tao lamang ang namamagitan sa ating ngunit sinadya kong lumayo nang konti papalayo sa inyo, sapagkat ako'y nahihiya.

Pagkatapos ng misa, handa na akong umalis ngunit pinilit ako ng aking kaibigan na kumuha ng litrato kasama kayo.

Lahat kayo'y nakatingin sa akin kung kaya't nagmatigas ako sa sobrang hiya ngunit dahil doon ay nakuha ko ang iyong atensyon at kayo'y nakatingin sa akin, iyong titig lamang ang aking sinalo. 

Sa isang iglap, nakaharap na ang kamera at handa na kayong kumuha. Wala na akong nagawa at nakisali na. Nakangiti man ako ngunit okupado mo ang isipan ko.

Heto na naman. Magkasama na naman tayo. Pinapangarap ko lang ito noon, ngunit ngayon, makawalang beses na tayong may litrato ng magkasama.

Sa loob ng simbahan, sa harapan ng Diyos, nasaksihan niya kung paano ako natuwa at nagpipigil ngiti nang makasama kita.

Isang araw, muling nag-ensayo ang lahat para sa darating na okasyon. Sa tuwing nagagganap ang ganitong pangyayari, wala akong ibang tinititigan kundi ikaw lamang.

Isang malaking bilog ang ating binuo upang magkaroon ng masinsinang usapan.

Ako'y nakapwesto na ngunit sa aking pag-angat ng mga mata, ika'y agad bumungad sa aking titig.

Hindi magkandamawa ang aking mga mata. Hindi alam kung saang direksyon ito papatungo, huwag ka lang masulyapan.

Ngunit kahit anong pigil ko, sa'yo pa rin ito tumitigil. At sa tuwing nasa iyong banda ang aking mga titig, sinasalubong mo rin ito ng iyong mga mata.

Ang iyong mga mata'y napakalalim dahilan upang mas lalong lumalim ang aking pagtingin sa iyo.

Isang pagtingin na patuloy lamang lumalalim sa bawat araw na nagdaan.

- ernxx / tamestnaive

Malayang Salita Where stories live. Discover now