Pagtatagpô

7 4 0
                                    

Malayong-malayo sa itsura dati na halos anayin na ang mga kahoy na malapit nang gumuho at pinalilibutan na ng sapot itong bahay na kinatutungtungan niya ngayon. Mas maaninag ang mga ukit na kahoy, mas makinang ang sahig na tila hindi magpapatapak ng kung sinu-sino sa loob ng bahay. Hindi talaga mahahalatang ang mga dating nananahan dito ay naging bahagi ng pagbabago para sa bayan.

Maaliwalas ang sala mayor, pati ang comedor na may mga prutas pa sa gitna ng mesa. Hindi na pinalagpas ni Marissa na kumuha ng mansanas at kinain niya ito, kumuha din ng ilang piraso ng ubas.

"Grabe, hindi nga ako nananaginip!" mangha niya habang ngumunguya, at napaupo na akala ay lulubog na naman siya sa upuang kahoy na solihiya. Sadyang nagutom siya biyahe, mas naramdaman pa ang gutom nang mapadpad siya ngayon sa hindi niya panahon.

Mabuti na lang at malikot ang mga mata ni Marissa nang maaninag niya ang hugis-taong kumikilos papunta sa comedor. Agad siyang kinabahan, ngunit nakuha pa niyang magdahan-dahang umalis sa kanyang kinauupuan, tangan ang pagkaing kinakain niya.

Napadpad tuloy siya sa kuwarto, na bagama't hindi cuarto principal ang dating nito ay malinis at nakatitiyak na komportableng tulugan.

Naghalungkat siya ng mga damit sa aparador. Sinikap niyang hindi maibuyangyang ang mga ito dahil maglalaan pa siya ng oras para tupiin muli. Wala siyang makitang baro para sa babae, pati ang saya. Puro mga camison, kulay puti at de-kolor na baro, at mga pantalon.

"Grabe, wala man lang pambabae dito!" reklamo pa niya, at napahinto siya, "Ay, 'di ba sabi ni papa, puro mga Katipunero ang mga nakatira dito, kasama si Tatay Leon?"

Naliwanagan siya. Umikot muli ang paningin niya sa paligid, "Sa mga kuwarto kayang nandito, saan kaya siya natutulog? Dito kaya?" napatingin tuloy siya sa higaan na hindi naman kalayuan sa aparador. Parang gusto na niyang matulog muli baka sakaling magising na siya sa kanyang 'di mawaring panaginip, ngunit napansin niya na may taong paparating. Dinig niya ang mga yabag nito.

Hindi na niya alam ang gagawin. Kailangan ay hindi siya makita na ganyan ang kanyang itsura. Dahil dito ay isiniksik na lang niyang makapasok ang kanyang sarili sa aparador at saka isinara niya ito. Nangangatog si Marissa baka sakaling makita siya. Nakatingin siya sa awang ng pinto ng aparador upang makita kung sino ang paparating.

Sa halip na tumuloy ang paparating, ay isinara lamang niya ang pinto ng kuwarto na nadinig naman ni Marissa. Napansin niyang walang pumasok sa kuwarto kaya binuksan na niya ang aparador at lumabas na siya rito.

"Grabe, sino kaya 'yun?" pagtataka niya.

------------------------*

Hinay-hinay siyang lumakad, kailangan niyang makalabas agad. Suot na niya ang maluwag na camisa, at ang pang-ibaba'y itim na pantalon na may kaluwagan sa talampakan. Hindi angkop na damit para sa babae noong araw, ngunit kailangan niya itong gawin upang hindi mapuna sa suot. Gayong maaari naman siyang magpanggap na lalaking mahaba ang buhok.

Nais pa niya sanang lumibot sa buong bahay, ngunit nakakatunog siyang may tao sa paligid nito. Pakatanda pa niya, hindi lang ang Tatay Leon niya ang nanirahan dito, kundi pati na ang mga ilang nagtatanghal sa circus na kasapi din ng Katipunan.

"¡Hoi magnanakao!" may biglang sumigaw.

Pababa na siya ng escalera nang marinig niya ang tinig na iyon. Dahil dito ay nagmadali siya, na gamuntik pang matalisod nang makababa sa hagdan.

Samantala, ang sumigaw na lalaki ay hinabol si Marissa hanggang makababa, ngunit sadyang mabilis ang matsing, tuluyang nakalabas agad ang dalaga ng bahay.

Hinihingal na si Marissa, kaya huminto muna siya sa isang sulok kung saan hindi gaano mapapansin ng mga tao. Habang nagpapababa ng pagod ay personal na niyang nakita ang mga itsura ng tao sa panahong 1890s.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 29, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Lightning ChroniclesWhere stories live. Discover now