Kabanata 10 - Second Training Ground

2 1 0
                                    

"Kamusta?" Tanong ni Neeko matapos akong akbayan at hilain pasunod sa kaniya.

Sinuntok ko siya sa tagiliran nang mahina. "Tagal mong nagpakita, ah," inis kong sabi.

Natawa naman siya. "Busy ka sa pagsasanay. Kailangan ng focus 'yon," ngiti nito sa akin.

Napangiti na lang din ako pero nang ituon ko ang tingin sa daan ay nakita ko sina Haco at Lilah, pareho itong kumakaway sa amin sa malayo kaya kumaway na lang din kami pabalik.

"Bakit ka pala na'ndito? Wala kayong misyon?" Tanong ko kay Neeko.

"Wala, off ko ngayon. At na'ndito ako para sunduin ka," mayabang itong ngumisi sa akin. Napangiwi lang ako. "Bakit? Ayaw mo ba no'n? Minsan lang 'to dahil mas madalas ay may trabaho ako."

"Magpapasalamat na ba 'ko niyan?" Ngiwi ko sa kaniya na tinawanan niya lang.

Nang matanawan si Favian ay kumalas ako sa pagkakaakbay ni Neeko upang pitikin ang braso ni Favian na prenteng nakapamulsang naglalakad. Tila pagod na pagod na ito sa buhay sa tindig niya.

Salubong ang mga kilay niya nang lingunin ako. "Bakit?"

"Anong bakit?" Inis kong tanong. "Ilang beses kaya kitang hinanap!!"

Ngumisi siya. "Hinahanap mo lang ako kapag may mga tanong ka, Aella. Ano? Naipon na ba?" Sarkastiko nitong sabi. "Isa pa, nilinaw ko na, hindi ba? Hindi ko balak makipagkaibigan sa 'yo kaya huwag mong asahang makikita mo ako kung kailan mo gusto. Magkikita lang tayo kung may pagkakataon. Coincidence, gano'n."

At tinalikuran na ako nito't nagpatuloy sa paglalakad palayo. Nakanguso kong nilingon si Neeko na nagkibit-balikat na lang.

Tumakbo ako palapit kay Favian at naglakad sa tabi niya. Hindi na ito nagsalita kaya dinunggol ko siya. Napahinto siya at kunot-noong tumingin sa akin.

"Nakakainis ka," irap ko rito at sinenyasan si Neeko na umalis na kami.

Sabay kaming naglakad pauwi sa tinutuluyan ko. "Gusto mo bang kumain?"

"Wala pa akong trabaho. Libre mo?" Ngiti ko sa kaniya.

Mukhang nagulat naman siya sa ngiti ko pero natawa rin. "Akala ko apektado ka sa sinabi ni Favian?"

Napangiti naman ako at napailing. "Kahit gusto ko, hindi ko maramdaman, e. May tiwala ako ro'n. Kahit na gano'n ang bibig niya, sa oras na kailangan ko siya, darating naman," umirap ako. Narinig ko naman ang tawa ni Neeko. "In denial lang siguro 'yon pero ang totoo ay kaibigan na rin ang tingin niya sa akin."

"Kaibigan ka niya," sabi naman ni Neeko kaya napatingin ako sa kaniya. "Nakikita ko, kaibigan ka rin niya. Sino ba naman ang ayaw kang maging kaibigan, 'di ba?"

"Totoo," ngiwi ko at nagtawanan kami. Alam namin ang totoo, baliktad sa sinabi niya, kaunting tao lamang ang nais na kaibiganin ako.

Nang makarating sa Kainan ni Mang Ahmir ay agad itong nag-order. At tulad kanina, naging takaw ng tingin ang bulungan ang presensya ni Neeko. Nakipagtawanan pa ito kay Mang Ahmir na ngayo'y nasa counter.

Ilang minuto lang ang lumipas ay bumalik na rin si Neeko dala ang orders niya.

"Ang dami ko ng utang sa 'yo, 'no?" Ngiwi ko habang inaayos ang lamesa namin. "Hayaan mo, kapag nakakatanggap na ako ng misyon. Mababayaran na kita."

Matunog itong ngumiti. "Gusto mo na bang maging sundalo?"

Natigilan naman ako at nakangiting umiling. Nangunot naman ang mga noo niya sa pagtataka kaya natawa ako. "Hindi pa ako sigurado kung gusto ko nang maging sundalo. Hindi rin ako sigurado kung magagawa kong mahalin ang bayan. Hindi rin ako sigurado kung makakaya kong protektahan ang bayan, pati ang mundo. Nakakatawa," iling ko at binigyan siya ng ngiti. "Pero gusto kong maging malakas at maging pinakamakapangyarihan. Gusto kong matupad ang responsibilidad na nakaako sa akin. Gusto kong matapos ng matagumpay ang misyon na iniwan sa akin ng aking angkan."

Reach For The MoonWhere stories live. Discover now