Dagli#6 Kanlungan ng Ating mga Gunita

77 0 0
                                    

Andito ako sa dati nating kanlungan, tahanan ng ating mga alaala, pangarap at mga tula't awitin. Nililibot ko itong muli, habang pinagmamasdan ang tahanan ng ating kabataan. Naaalala mo pa ba noong mga panahong naglalaro tayo sa damuhan, nagtataya-tayaan, naghahabulan, tagu-taguan at kasal-kasalan, ang saya-sayang balikan ang mga panahong iyon, na kung saan ay wala tayong masyadong pinoproblema at puro saya lamang. Naaalala ko pa noong umaakyat ka sa puno'ng mangga para mamitas ng bunga, ay ito naman akong nakaabang sa ibaba nang bigla kang nahulog at ika'y aking sinalo. Naalala ko rin yung mga panahong naghahabulan tayo malapit sa dalampasigan, at may nakita kang bulaklak ng gumamela na iyong ikinamangha. Naalala mo pa ba, pinitas ko pa nga iyon para sa iyo at ito'y aking inilagay sa iyong tainga.

Muli akong naglakad-lakad, tinignang muli ang punong mangga na aking inukitan ng hugis puso, at tiningala ito, di na pala ito namumunga dahil sa katandaan na ng punong ito, at ang inukit kong puso ay kumukupas na. At gaya ng ating kanlungan na unti-unting kumukupas, ay tila kumukupas na rin ang iyong damdami't mga alaala. Nasaan ka na kaya mahal ko, irog ko oh aking sinta? Nagulat ako sa biglang kumalabit sa aking likuran habang ako'y may binubulong-bulong, nilingon ko ito na siyang aking ikinabigla. Nasilayan kong muli ang iyong matamis na mga ngiti sa labi, at ako'y tila natulala sa iyong kagandahan. Kinomusta niya ako, at nag-usap kami saglit. Habang kami'y naguusap, ay may biglang dumating na isang lalaki papunta sa amin. Pagdating nito ay agad nitong hinakbayan ang aking kababata, at saka ito binigyan ng isang halik.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 08 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Mga Dagli/FlashfictionsWhere stories live. Discover now