Paglaya

37 0 0
                                    

Paglaya

Iyak, poot, pighati, sakit, kirot....

Iba't ibang salita ngunit iisa lang ang ibig sabihin. Ako'y nasaktan. Nakapagtatakang ni isang positibong reaksyon ay hindi ko naramdaman.

Marahil hindi pa ako nakakausad dati. Hindi pa ako makalaya. Nakakulong pa ako sa madilim na karanasan ng aking pag-ibig.

Ikaw, oo ikaw, ang dahilan kung bakit ko naramdaman lahat ng iyon. Kung bakit ko naranasan kung paano ang masaktan nang todo.

Ngunit ako'y hindi nagsisisi, sapagkat mismong puso ko ang umasa. Lahat ng kirot na aking naramdaman ay pinili ko dahil patuloy akong nagmahal kahit napakasakit na.

Anong magagawa ko? Inibig ka pa rin ng puso ko kahit may iba kang nais. Minahal pa rin kita kahit may mahal kang iba.

At wala akong pinagsisihan sapagkat masaya ako nung mga panahong ako'y nahulog sa'yo.

Sa huling pagkakataon, bago kita tuluyang kalimutan. Gusto kong magpakatotoo sa aking nararamdaman.

Nais ko lang tanungin ang bagay na hinahanap ng puso ko sa ilang taon. Nais kong magkaroon ng kapayapaan ang aking isipan ngayon.

Bakit ba ako'y hindi mo ramdam?
Bakit ba ako'y hindi mo pansin?
Bakit ako'y hindi mo makita bilang isang taong dapat mahalin?

Huhulaan ko.

Hanap mo ba'y maririkit, mapuputi, o matatangkad? Nais mo ba'y kaakit-akit at maipagyayabang?

Gusto mo ba'y babaeng matalino, mayaman, at kayang ibigay lahat sa'yo? Isang binibini na abot ang pamantayan mo.

Kung alam mo lang kung gaano ako nahulog sa'yo.

Palihim pa kitang pinagmamasdan. Tinitingnan ang iyong ngiti, pinapanood ang iyong bungisngis, at kinikilatis nang maigi ang iyong magandang mukha.

Ngunit kahit saang sulok ko tingnan, walang bahid ng pagtingin sa akin ang nakikita ko sa iyong mga mata. Walang katiting ng pag-ibig ang iyong damdamin sa aking puso.

Sapagkat habang ako'y nakatitig sa iyong mukha, iyong mga mata'y may ibang hinahanap. Habang ako'y masaya sa iyong presensya, ika'y nakangiti sa iba.

Sa ibang mas maganda, mas kaaya-aya, at mas kaibig-ibig kumpara sa akin. Napakalayo ko sa iyong pinagmamasdan kaya't ako'y nasasaktan.

Kung ako man ay magkakaroon ng pagkakataong makausap ka, marahil ay dalawang bagay lamang ang aking sasabihin.

Patawad at Salamat.......

Patawad, sapagkat ako'y ganito lamang. Isang taong simple na nagkagusto sa'yo nang palihim. Isang babaeng hindi mo pansin.

Patawad, wala akong maibigay sa'yo kundi pagmamahal ko lang na hindi mo kayang suklian.

Patawad, sapagkat nasayang ang iyong oras sa aking kakulitan. Ako'y humihingi ng paumanhin dahil ako'y nagkagusto sa'yo.

Umasa akong puso ko'y hindi magbabago. Na ako'y mananatiling tapat sa aking nararamdaman.

Kung kaya't kahit hindi mo kayang suklian ang aking pagmamahal, nanatili ang aking pagtingin para sa iyo.

Ngunit sa isang iglap, ako'y napaisip. Sa ilang taong pagtitiis, ako'y dumating sa puntong mapapatanong na lamang sa aking sarili.

Hanggang kailan ko kayang magtiis para sa'yo? Hanggang saan aabot ang pasensya ko sa paghihintay?

Napagtanto kong tila ako'y nauubos sapagkat binibigay ko ng buo ang aking puso sa isang taong ni minsan ay hindi manlang ako napansin.

Isang taong handa sana akong ibigay ang lahat ngunit ni hindi manlang ako sinuklian ng katiting na pagmamahal.

Ni hindi mo nga ako matingnan sa mga mata. Hindi mo ako naaalala. Hindi mo rin ako pinapansin. Nakakapagod na.

Marahil ako'y tuluyan nang natauhan. Nagbukas ang aking isipan. Namulat ang aking mga mata sa reyalidad.

Napagtanto kong hindi ko pala kayang mabuhay nang ganito. Hindi ko nais na ako'y masira gawa ng sariling katangahan.

Hindi ko kayang magtiis ng napakatagal sapagkat may damdamin din ako. Tao rin ako, napapagod din.

Kung kaya't salamat na rin sa sakit na pinaranas mo. Sapagkat ako'y tuluyang nagising at natauhan.

Salamat dahil ika'y dumating sa aking buhay. Kahit saglit lamang, kahit walang namamagitan sa ating dalawa, masaya akong makilala ka.

Ikaw ang naging sandigan ko sa tuwing ako'y may problema. Kahit wala kang ginaggawa, tanging presensya mo lang ay nagbibigay lakas sa akin.

Higit sa lahat, salamat dahil sa'yo natuto akong magmahal....at bumitaw sa mga bagay na kailangan nang bitawan.

Sa ilang taon, naging bulag ako sa sarili ko, at naging manhid sa aking nararamdaman. Ngayon ko lang napagtanto, may halaga pala ako bilang isang babae.

Kung kaya't hindi ko dapat ikulong ang puso sa masalimuot na karanasan ng nakaraan kong pag-ibig. At hindi ko dapat ipagpilitan ang sarili ko sa isang taong hindi makita ang aking halaga.

Ngayon alam ko na.

Natuto na akong mahalin ang aking sarili. Napagtanto ko nang dapat kong pahalagahan ang aking nararamdaman.

Kung ang iyong hinahanap ay wala sa akin, ayos lang. Alam ko na sa sarili kong may halaga ako kahit hindi kagandahan.

At alam kong may taong darating na magmamahal nang buong puso sa kung sino o ano ako, buong buo. Tanggap ang bawat bahagi ng aking pagkatao.

Isang taong hindi ko kailangang pilitin na ako'y mahalin, sapagkat kusa niyang ibibigay ang pagmamahal na aking hinahanap-hanap.

Sa ngayon, ang tanging lunas lamang sa sakit na aking naramdaman ay pagtanggap sa sarili ko, iwasang umasa sa taong hindi nakikita ang aking halaga, at matutong maghintay sa tamang oras para magmahal.

Kaya't pinapalaya ko na ang puso ko sa'yo. Muli kong bubuuin ang sarili nang mag-isa, at maghihintay na tuluyang maghilom ang sugat sa aking damdamin.

Ngayon, ako muna ang magiging bida sa aking kwento. Ako muna ang masusunod sa lahat ng aking kilos.

Marahil sa mga susunod na kabanata, darating din ang tamang tauhan para sa akin.

Sapagkat alam kong sa tamang panahon, darating din ang tunay na pag-ibig.

Kung kaya't salamat at paalam....

Nawa'y mahanap natin ang para sa atin. Ang taong magiging kakampi natin sa anumang pagsubok. At taong pupuno sa puwang ng ating mga puso.

Sa ngayon, sarili ko muna. Kaligayahan at Kalayaan ng puso ko ang mahalaga.

Paalam sa'yo, hanggang sa muli........

Nawa'y mahanap natin ang tunay na Kalayaan, malayo sa isa't-isa.

- ernxx

Malayang Salita Where stories live. Discover now