Suyo

40 0 0
                                    

Suyo

Isang suyo ang aking tinugon para sa aking kaibigan. Kami'y naglilibot sa isang pamilihan upang siya'y samahan.

Naging malikot ang kanyang mga kamay sa pagpili habang mga mata ko naman ay abala rin sa ibang bagay.

Hindi ko alam kung ano ang hinahanap. Patuloy ko pa ring inililibot ang mga mata sa paligid nang minsan itong dumako sa inyo.

Kasama ko ang aking kaibigan, at kasama mo ang iyong barkada. Kinausap ko ang iyong kaibigan na aking kaklase, ngunit wala sa kausap ko ang aking mga mata.

Sapagkat ika'y nakita at ang iyong presensya ay tila umakit sa aking pansin. Ikaw.

Lagi kitang sinusulyapan sapagkat ramdam kong may kakaiba na sa'yo dati pa.

Ngayong ika'y nasa harapan na, tuluyan kitang napansin. Abala ka man sa pagtingin ng mga mga produkto sa paligid, abala rin ang mga mata ko sa walang sawang pagtitig sa iyo.

Sa sandaling iyon, sa hapon na iyon, at sa mga oras na iyon, tuluyan akong nabihag ng iyong tingin.

Walang emosyon man ang iyong mukha ngunit nagawa pa rin nitong mapa-ibig ako.

Biglaan man ang tagpong iyon, ngunit masasabi kong napaka espesyal no'n. Maiksi man ang ating pagtagpo, tayo'y nagkita pa rin.

Lumipas ang araw, lalong lumalim ang aking nararamdaman. At kagaya nga ng laging ginagawa ng tadhana, pinaglalapit nito ang dalawang taong may koneksyon sa isa't isa.

Tayo'y iisa lamang ng paaralan at kursong pinag-aaralan. Puno ng kabuluhan ang iyong itinuturo habang salitang ugat naman ang aking binabahagi.

Isang araw, abala ang mga mag-aaral sa pag-eensayo para sa darating na okasyon.

Bilang nagsasanay na guro, layunin kong tulungan ang mga estudyante sa kanilang gawain.

Sa kalagitnaan ng ingay dala ng ensayo, dumating ka sa aming silid nang biglaan. Isang pangyayaring aking ikinataka ngunit labis na ikinatuwa.

Kami ay inatasang tulungan ang grupo ng mga mang-aawit habang kayo'y inatasan sa grupo ng mga mananayaw. Iyon ang simula ng paglalim ng aking nararamdaman.

Tayo'y magkakasama, iilang agwat na lamang ang pumapagitna sa atin bago tayo tuluyang magkalapit sa isa't isa.

Pasulyap-sulyap pa ako sa iyong banda sapagkat hindi ko mapigilan ang sarili. Hindi pa rin ako makapaniwalang magkasama tayo.

Minsa'y nahuhuli ko rin ang iyong sulyap sa akin, at madalas tayo ay nagkakatinginan ng ilang segundo.

Dahil sa kaganapang iyon, nagkaroon ako ng pagkakataong mapalapit sa'yo. Tanda ko pang aking inusog ang upuan papalapit sa'yo nang hindi nagiging halata sa aking nararamdaman.

Ako'y lumapit sapagkat nais kong marinig nang malapitan ang iyong boses, at nagpipigil ako ng ngiti nang marinig ang iyong pagkayamot sa inirereklamo.

Ilang araw ang nagdaan, nanatili ang koneksyon natin sa isa't isa. Naging simula rin iyon ng ating mga titigang wala namang ibig sabihin pero tila may kakaiba sa mga iyon.

Ngunit kahit gano'n, aking kinalma ang puso. Sapagkat ayokong muling umasa sa isang tao. Kung kaya't hanggang tingin na lamang ako.

Naiinggit nga ako sa iyong mga kaibigang babae, sapagkat walang alinlangan ka nila kung hawakan, kausapin, at kakulitan.

Samanatalang ako, heto sa isang tabi. Pinagmamasdan ka lamang na masaya sa piling nila.

Pasulyap-sulyap na lamang ako sapagkat hindi ko kayang makipagtitigan sa'yo nang matagal dahil ako'y nahihiya.

Nang matapos ang ating tungkulin sa pagbabantay, tayo'y bumalik sa dating hindi napapansinan at animo'y hindi magkakilala.

Magkaiba rin tayo. Napakatalentado mo. Magaling kang sumayaw at kumanta, ilan lang iyon sa aking mga napansin nung tayo'y magkakasama.

Maraming tao ang kaya kang ipagmalaki dahil sa mga talentong iyon, ngunit pagdating sa akin, wala ka atang maipagmamalaki.

Isang gabi sa klase, tayo'y magkakasama sa iisang silid. Tig dalawang linya ng upuan at isang malawak na espasyo sa gitna, magkaharap ang ating mga upuan.

At kahit sa magkabilaang dulo tayo nakaupo, kitang kita pa rin kita. Nagagawa pa rin natin ang sulyapan sa isa't isa.

Ika'y tinawag ng guro at pinatayo upang pasagutin, doon ko muling narinig ang iyong boses ilang araw ang lumipas.

Tila hindi ka handa sa biglaang pangyayaring iyon kung kaya't halata ko ang iyong kaba.

Ngunit nakakatuwang pinadaan mo ito sa masayahing paraan upang hindi mahalata ng lahat.

Napayuko na lang ako nang hindi mapigilan ang ngiti sa iyong kakulitan.

Napakalambot ng iyong boses, akma sa mukha mong maamo.
Kay gandang pakinggan ng tinig na iyon.

Dalawang oras na magkasama sa iisang silid, wala akong ibang ginawa kundi magnakaw ng tingin sa iyo nung gabing iyon.

Walang hirap ang aking ginaggawa, sapagkat nasa harapan lamang kita kahit malayo tayo sa isa't isa. At natutunghayan ko rin ang iyong sulyap sa akin.

Haaay puso ko'y nababaliw na naman. Nais ko na sanang tigilan pa ang kahibangang ito, ngunit anong magaggawa ko?

Araw-araw kitang nakikita. Oras oras kitang napapansin. Anong takas ko kung nasa iisang paaralan lang tayo?

Lakas naman ng tama ko sa'yo. Iniisip pa lang kita, kumakabog na agad nang malakas ang puso ko. Nanghihina na ang buong pangangatawan ko.

Ilang araw, paparating na ang okasyon para sa lahat. Tuwing hapon, pagkatapos ng ating tungkulin bilang nagsasanay na guro, bumabalik tayo sa pagkabata.

Nagsasayawan, nagkakantahan, at nagkakatuwaan ang bawat isa sa atin. Ito ang isa sa paborito kong parte ng araw, sapagkat malaya kitang pinagmamasdan.

Bawat galaw ng ating mga katawan, mga sulyap ko sayo'y hindi natitinag. Bawat ikot ng ating mga paa, sa'yo pa rin titigil ang aking mga titig.

Hindi ko nais iwaklit ang aking mga mata kaya't kahit na magkalayo tayo sa isa't isa, tititigan pa rin kita't pagmamasdan habang magiliw kang sumasayaw.

Tatlong buwan na lamang ang natitira, tayo'y magkakalayo na ng landas.

Kahit alam ko na ang kahihinatnan nito, sinusulit ko nalang ang kakaonting panahon na magkasama tayo bago natin sabay lisanin ang paaralang ito.

Hindi naman ako umaasa sapagkat alam kong hindi tayo magkakaroon ng koneksyon sa isa't isa.

Nais ko lamang sulitin ang bawat araw na daraan bago tayo tuluyang magkahiwalay ng landas.

- ernxx / tamestnaive

Malayang Salita Where stories live. Discover now