Chapter 3

561 19 1
                                    

CHAPTER THREE

SINUNDAN ni Milton ng tingin si Jasmine. Nanghinayang siya sa nawalang tsansa para makausap ito dahil sa biglang pagsulpot ni Jessica.
Nang mawala na sa kanyang paningin si Jasmine ay saka lang siya bumaling kay Jessica. Saka lang din niya napansin na pinagmamasdan siya ng kaibigan nang seryoso.
"May problem ba kayo ni Jasmine?" tanong nito.
"Ha? Wala. Ano naman ang magiging problema namin ng kapatid mo? Halika na. Baka hinihintay na tayo ni Mommy Tess sa loob." "Mommy Tess" ang tawag ni Milton sa mommy ni Jessica. Parang ina na rin kasi niya ang ginang dahil bata pa siya ay laman na ng bahay ng mga ito.
"Oo nga. Excited pa naman siya sa iniluto niya para sa 'yo, kaya hindi ko na sinabi na mayaman ka na ngayon at baka iba na ang panlasa mo sa pagkain."
Ngumisi si Milton. "Excuse me, hindi lang mayaman. You're talking to a new millionaire," pagyayabang niya. Ginagawa lang niya iyon kapag si Jessica ang kausap dahil kilalang-kilala na nila ang isa't isa.
"Oo nga pala. At dahil diyan, pababayaran ko sa 'yo nang triple ang kakainin mo ngayon."
Tumawa si Milton nang malakas bago sumunod sa kaibigan sa komedor. Isa sa mga madalas niyang gawin dati ay ang makikain sa mga Mallari. Doon lang kasi niya nararanasan kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng isang masaya at buong pamilya. Kapwa OFWs ang mga magulang niya kaya mabibilang ang mga pagkakataon na nakasalo nilang magkakapatid ang kanilang mga magulang sa hapag-kainan. Para magkaroon siya ng matatawag na "pamilya" ay malimit siyang tumambay noon kina Jessica. Kapag naroon siya ay nagpapanggap na opisyal na miyembro ng pamilya Mallari.
"Kain nang kain, Milton. Marami pa 'yan," wika ni Mommy Tess. Sa loob ng limang taong nawala siya ay walang nagbago sa ginang. Parang hindi ito tumanda nang limang taon. Kamukha nito si Jasmine. Si Jessica kasi ay kamukha ng daddy nito.
"Nakalimutan mo na ba, Mommy? Bottomless pit itong si Milton. Parang may anaconda sa loob ng tiyan," wika ni Jessica.
"Oo nga po," pagsang-ayon ni Milton. Naglagay siya ng kanin sa kanyang plato.
Dumating si Jasmine habang nasa kalagitnaan sila ng pagkain. Tahimik na umupo ito sa bakanteng upuan sa tapat niya. Napansin niya na namumula ang mga pisngi nito. Dahil siguro galing ang dalaga sa initan sa labas. Nakalugay ang buhok nito kaya lalong nagmukhang inosente. Napakaganda talaga ni Jasmine. Hinding-hindi siya kailanman magsasawang titigan ito.
Nasa ganoong pag-iisip si Milton nang maramdaman niya na may nakatingin sa kanya. Sa pagbaling ng tingin ay nahuli niya si Jessica na nakatitig sa kanya. Nginitian siya ng kaibigan na para bang may alam ito na hindi niya alam. Ibinalik na lamang niya ang atensiyon sa pagkain. Hinayaan din niya ang sariling aliwin ng mga nakakatawang kuwento ni Jeremiah.
Nang matapos ang tanghalian ay nagpaalam si Jasmine na mag-aaral pa ito kaya nagtungo na sa kuwarto nito. Hindi na rin siya nagtagal doon. Nagpasalamat siya kay Mommy Tess para sa tanghalian, pagkatapos ay nagpaalam na. Nangako siyang babalik doon sa mga darating na araw.

HABANG nagmamaneho ay napadaan si Milton sa tapat ng bahay ng mga Mallari. Natanaw niya si Jasmine na nakaupo sa garden set. Abala ito sa pagbabasa kaya hindi nito napansin ang pagtigil ng kanyang sasakyan.
Pumarada siya at lihim itong pinagmasdan. Hindi niya alam kung bakit niya ginagawa iyon. Dahil ba fascinated siya sa tama ng liwanag sa buhok nito? O sa almost perfect profile ng dalaga? O sa maputi at napakakinis na balat?
Ilang sandali rin ang lumipas bago napansin ni Milton na nakabukas lang ang libro pero hindi naman nagbabasa si Jasmine. Sa halip ay nakatunganga sa kawalan. Mayamaya pa ay napansin niyang tila nalaglag ang balikat ng dalaga. Mayamaya ay sumubsob ito sa nakabukas na libro.
Gusto niyang bumaba para tanungin si Jasmine kung bakit tila kay-lalim ng iniisip ng dalaga pero ayaw niyang mag-intrude sa personal space nito. Ilang minuto rin itong nakasubsob sa libro bago nag-angat ng tingin at iginala ang paningin sa paligid na para bang may hinahanap.
Nataranta si Milton. Pinatakbo agad niya ang sasakyan. Mabuti na lamang at tinted ang mga bintana niyon kaya nasisigurong hindi siya nakita ng dalaga ng kahit pa makilala nito ang sasakyan.

MULA sa pagkakasubsob sa nakabukas na libro ay napaangat ng tingin si Jasmine. Pakiramdam kasi niya ay may nakatingin sa kanya. Nagpalinga-linga siya sa paligid at nahagip ng kanyang mga mata ang hulihan ng isang dark green na Escapade.
Si Milton?
Umiling siya. Hindi lang si Milton ang maaaring magmay-ari ng dark green na Escapade. Malay ba niya kung napadaan lang ang sasakyan? Gayundin, hindi siya nakasisiguro na kung kay Milton man ang sasakyan ay ito ang nagmamaneho niyon. Maaaring ipinahiram nito iyon.
Mula nang dumating ang binata ay nagulo na ang kanyang isip. Kahit ano ang gawin ay hindi niya magawang mag-concentrate sa pagre-review. Lagi na lamang niyang naiisip si Milton. Hayun nga at kanina pa siya nakaupo sa garden set, pero wala naman siyang ginawa kundi tumunganga at bumuntong-hininga para kahit paano ay maibsan ang paninikip ng kanyang dibdib tuwing maiisip niya ito.
Hindi nagtagal ay isang pasya ang nabuo ni Jasmine. Luluwas na lamang siya sa Maynila para malayo siya sa binata. Walang mangyayari sa kanya kung mananatili siya sa probinsiya.
Isinara niya ang libro at pumasok sa bahay nila. Tuloy-tuloy siya hanggang sa makarating siya sa kanyang silid.
Nadatnan niya roon ang kanyang Ate Jessica, nakatingin sa nakakuwadrong larawan nito at ni Milton na nakapatong sa ibabaw ng dresser.
Nginitian si Jasmine ni Ate Jessica nang makita siya. "Lalong gumuwapo si Milton nang makapag-abroad, 'no?" komento nito.
"Oo," kunwari ay bale-walang sagot niya.
"Naalala ko no'ng mga bata pa tayo. Lagi mo akong kinukulit kung kailan siya darating. 'Tapos kapag sinabi ko na sa 'yo ay hindi ka na mapakali. Nakakailang palit ka ng damit at naaalala mong magsuklay ng buhok nang hindi ka namin pinapaalalahanan."
Nag-init ang mga pisngi ni Jasmine sa sinabi nito. "Ate naman, eh..." protesta niya.
Inakbayan siya ng kanyang ate. "It's okay, Jas. Hindi naman nakakapagtakang magustuhan mo si Milton. He's one perfect package—guwapo, matalino, at sobrang bait."
"Kung gano'n, bakit?"
"Anong bakit?"
"Bakit hindi mo siya nagustuhan?"
Tumawa si Ate Jessica. "Ano ka ba? Parang incest naman 'yon. Parang kapatid ko na si Milton."
Ganoon din ang sinabi sa kanya ni Jeremiah.
"Pero hindi gano'n ang pagtingin niya sa 'yo. I think he loves you."
Hinaplos ni Ate Jessica ang kanyang buhok tulad ng madalas nitong gawin noong lumalaki sila kapag may mga bagay na nagdudulot sa kanya ng lungkot. "Huwag kang mag-alala, Jas. I'm sure Milton will come around."
Napatingin si Jasmine sa kapatid. Ang ngiti nito ay waring nagsasabi na nauunawaan ang kanyang damdamin. "Ate..."
"Alam mo ba kung ano ang tingin ko? Sa tingin ko ay mas gusto ka niya kaysa sa inaakala niya."
"Nagpapatawa ka naman, Ate, eh."
"Hindi kaya. Nag-o-observe din ako, Jas, at marami akong napapansin. There's something in the way he looks at you, lalo na kapag hindi siya conscious na iyon ang ginagawa niya. Pasensiya ka na sa kaibigan ko at may-kabagalan lang talaga 'yon na iproseso ang mga emosyon niya."
Nginitian niya si Ate Jessica. Her sister was really the kindest person in the world. Kaya nga minsan, kahit sumasama ang kanyang loob tuwing ikinokompara ng mga tao o nararamdamang mas kampi rito ang kanilang mga magulang ay hindi niya magawang magalit. Siguro nga ay second best na lang siya lagi sa kapatid. Pero ayos lang iyon, basta sa kanyang ate lang siya runner-up at hindi sa ibang tao.
"I love you, Ate," madamdaming sabi niya. "But then you know that already."
"I love you, too, Jasmine. And thank you."
"Para saan?"
"Sa pagtanggap mo sa kondisyon ko nang walang judgment." Alam niyang ang pagbubuntis nang hindi kasal ang tinutukoy ni Ate Jessica. "And for being the kindest and sweetest younger sister anyone could ever ask for."
Niyakap niya ito. Nasa ganoon silang sitwasyon nang pumasok si Jeremiah.
"Ay! May nangyayaring drama rito. Sali ako sa group hug," anito.
Tumawa sila ng ate niya bago ibinuka ang kanya-kanyang braso para makasama nila si Jeremiah.

IKINATUWA ni Jasmine nang pumayag ang mga magulang sa kanyang suhestiyon na sa Maynila na niya ipagpapatuloy ang pagre-review. Sa bahay ng isang tita niya siya nakitira doon. Malapit kasi ang bahay nito sa review center at sa Taft Avenue kung saan gaganapin ang Bar exam kaysa sa bahay ng kanyang Ate Jessica. Maganda roon sa bahay ng kanyang tita dahil solo niya ang bahay, kaya makakapag-concentrate siya sa pagre-review. Nag-relocate na kasi sa probinsiya ang tita niya. Balak nitong paupahan na lamang ang bahay. Pero habang wala pang nakatira doon ay siya muna ang pinatao.
Kagagaling lang niya nang araw na iyon sa review center at pauwi na siya. Kinuha lang niya ang resulta ng kanyang trial exam. Masaya siya sa balitang siya ang number one sa batch ng mga reviewee. Dahil doon ay na-boost ang kanyang confidence. Kahit paano ay hindi na siya kinakabahang mangungulelat sa Bar exam.
Bumaba si Jasmine ng jeep at nilakad ang kalye patungo sa bahay ng tita niya. Pero napahinto siya sa paglalakad nang mapansing may nakatigil na dark green Escapade sa tapat ng bahay. Kumabog ang kanyang dibdib pagkakita niya sa plate number niyon.
Lumapit siya sa sasakyan. Nakabukas ang bintana niyon kaya nakita niya ang tulog na driver niyon.
"Milton?" tawag niya.
Dahan-dahang dumilat si Milton. Sleepy dark brown eyes peered at her from beneath thick eyelashes. Umayos ito ng upo at sinuklay ng mga daliri ang buhok.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya.
"Dinadalaw ka. Yayayain sana kitang mag-dinner sa labas? Saka gusto ko ng taong makakausap. Puwede ka ba?"
Hindi kailangang mag-isip ni Jasmine nang matagal. Hindi niya alam kung bakit siya niyaya pero hindi rin magawang tanggihan si Milton, lalo pa at nagbiyahe ito nang malayo para mayaya siya.
"Sige," pagpayag niya.
"Great!" Sinenyasan siya ng binata na lumayo nang kaunti sa sasakyan, pagkatapos ay bumaba. Lumigid ito at ipinagbukas siya ng pinto sa passenger seat.
Pagkasakay niya ay nagbalik din agad si Milton sa driver's seat. Tahimik itong nagmaneho patungo sa Baywalk area. Doon nila napagkasunduang magpunta.
Humarap ito sa kanya pagkatapos na ihinto ang sasakyan sa tapat ng isang mamahaling seafood restaurant. "Okay lang ba rito?" tanong nito.
"Oo naman. Kahit saan naman ay puwede ako," tugon niya. "Kahit doon sa karinderya lang sa kanto."
Tumawa ang binata. Pero sinabing hindi puwede ang karinderya dahil gusto nitong sa magandang lugar sila mag-dinner dahil espesyal para dito ang gabing iyon.
Bagaman ikinatuwa ni Jasmine ang sinabi ni Milton, medyo asiwa siya nang magsimula ang dinner. Sa katunayan, parang gusto na niyang pagsisihan na sumama siya dahil wala siyang maisip na maaari nilang pag-usapan.
Tinangka na lamang niyang pagaanin ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagbibiro. "So, ano ang gusto mong pag-usapan natin para masulit ang panlilibre mo sa akin ng dinner?"
Nagtagumpay naman yata siya sa intensiyon dahil ngumiti ang binata. "Ha? Sabi ko lang 'yon. Ikaw ang manlilibre."
"Hindi puwede. Wala pa akong trabaho. Ikaw itong maraming datung, kaya ikaw ang manlibre. Saka kung manlilibre man ako, sa fast-food lang o kaya ay sa karinderya. Iyon lang ang afford ko."
"Sige na nga. Sagot ko na ito pero kapag lawyer ka na at nagkakaso ako, ibawas mo sa bill ko 'tong dinner, ha?"
"Sure. But nah, masyado kang nice para mangailangan ng serbisyo ng isang abogado."
"Talaga?" Kumislap ang mga mata nito. "You think I'm nice?"
"Oo naman. I'm sure you would have made a good kuya kung hindi ka lang naunahan ni Matthew."
Nabura ang ngiti ni Milton. "About that... Nag-usap na kami ni Jessica. Sinabi ko na sa kanya na siya ang dahilan ng pag-uwi ko at isa sa mga pinanghihinayangan ko ang hindi ko pagsasabi sa kanya ng damdamin ko."
Pinanatili ni Jasmine ang ngiti bagaman nasaktan siya sa sinabi nito. Kasalanan niya dahil siya ang nagdala ng usapan sa direksiyong iyon. "Ano'ng sabi ni Ate?" tanong niya.
Tumawa ito. "Hindi na siya nakasagot dahil dumating si Matthew."
Nanlaki ang mga mata niya nang maisip ang maaaring implikasyon ng sinabi ni Milton. "So, posibleng narinig ni Matthew ang sinabi mo kay Ate?"
Tumango ang binata. "Stupid, 'di ba?"
"Sobra," pagsang-ayon niya.
Tumawa nang malakas si Milton bago muling sumeryoso. "What can I say? I was a fool in love. Okay na rin. At least, alam na niya."
"And now?"
Bumuntong-hininga si Milton. "And now she's still getting married. Kaya magiging good sport na lang ako. After all, mukha namang nagmamahalan sila ni Matthew despite their small misunderstandings, so I'm okay with that. Wala akong balak na maging sagabal sa kaligayahan nila. Kagaya nga ng sabi mo, I'm a nice person." Itinaas nito ang basong naglalaman ng juice at nag-propose ng toast. Ipiningki ni Jasmine ang baso sa baso nito. Mayamaya ay sinabayan niya ang binata sa pag-inom.
Pagkababa ni Milton ng baso ay tila bigla itong may naisip. "Kuya?" nakakunot-noong tanong nito.
Hindi agad niya naunawaan ang sinabi nito. "Anong kuya?" tanong niya.
"Ang sabi mo kanina, I would have made a good kuya. Tatlong taon lang naman ang tanda ko sa 'yo, 'di ba? Nakikita mo ba talaga ako bilang kuya?"
Hindi sumagot si Jasmine, sa halip ay itinaas niya ang kanyang baso. "Cheers uli tayo," aniya.
Tatawa-tawang itinaas naman ni Milton ang baso nito. Nagkatinginan sila, pagkatapos ay sabay na tumawa.
Iyon na ang nagtalaga ng mood nila buong gabi. Iyon din ang pormal na simula ng pagkakaibigan nila.

NANG mga sumunod na araw ay halos araw-araw na nakikita ni Jasmine si Milton. Malimit ito sa Maynila dahil inaayos ang mga legal requirement ng packaging business na itatayo nito sa Candelaria. Ilang beses pa nga niyang sinamahan ang binata dahil wala naman siyang gaanong ginagawa. Nakakasawa rin ang aral nang aral.
"Dumarami na ang utang ko sa 'yo," minsan ay sabi nito.
"Don't worry. Nililista ko na ang mga paraan kung paano ka makakabayad sa akin," sagot niya.
Tumawa si Milton. "Hindi ka lang maganda, segurista pa." Inakbayan siya ng binata. "Care for some ice cream, Attorney Mallari?"
"Hmm... Isa iyon sa nasa listahan ko pero tumatanggap ako ng advance payment."
"Good," sabi nito.
Dinala si Jasmine ni Milton sa Dairy Queen kung saan sinabihan siyang puwedeng mag-order ng kahit anong magustuhan niya.
"Kapag ganito lagi ang suhol mo sa akin, baka maging kasinlaki ako ng aparador," aniya habang sumusubo ng cookies and cream ice cream.
Hinagod siya nito ng tingin, mayamaya ay ngumisi. "I'll bet kahit na maging kasinlaki ka ng aparador ay maganda ka pa rin. You'd still be gorgeous so it doesn't matter," anito.
Nag-init ang kanyang mga pisngi sa sinabi ni Milton. Itinago niya ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsubo ng ice cream.
Napapitlag siya at napatingin sa binata nang dumampi ang daliri nito sa gilid ng kanyang mga labi.
"Ice cream," sabi ni Milton at ipinakita ang ice cream na kinuha sa gilid ng kanyang mga labi.
Saglit lamang siyang hinawakan ng binata pero ibayong kilig ang idinulot sa kanya ng ginawa nito.
Naasiwa si Jasmine nang hindi pa rin inaalis ni Milton ang tingin sa kanya. Lalo tuloy nag-init ang mga pisngi niya. "Hoy! Para kang namatanda riyan," lakas-loob na pukaw niya.
Kumurap ito. The action broke the intensity of that moment. Ibinalik nito ang atensiyon sa sariling ice cream.
Hindi siya ganoon ka-insensitive para hindi maramdaman na may nagsisimulang mamuong physical attraction sa pagitan nila. Hindi niya alam kung nire-recognize iyon ni Milton pero kung alam man nito, wala itong ginagawa upang aksiyunan iyon. Strictly platonic lang ang relasyon nila.
May mga araw na basta na lamang sumusulpot si Milton sa bahay ng tita niya. Nakasanayan na niya ang pagdadala ng binata ng pasalubong. Kapag wala itong dala, ibig sabihin niyon ay lalabas sila. Kontento na sila sa pagkain sa labas, pamamasyal sa mall, at kahit pagkakape lang. Silang dalawa na ang tila naging matalik na magkaibigan sa halip na ito at ang ate niya.

SI MILTON ang naghatid kay Jasmine sa De La Salle University nang sumapit ang araw ng Bar exam.
"Ready?" tanong nito bago siya umibis ng sasakyan.
Jasmine rubbed her palms together. Nanlalamig kasi ang mga iyon. "Hindi na yata ako magiging ready," tugon niya. Kahit kasi pinaghandaan niya ang araw na iyon ay ninenerbiyos pa rin siya.
"Hey, kaya mo 'yan," sabi nito.
Tumango siya. Kapag tinitingnan siya ni Milton, pakiramdam ni Jasmine ay makakaya niyang gawin ang kahit ano.
"Saka isipin mo na lang na may isang bagay na pinakasigurado ka kapag pumasok ka na sa exam room mo."
"Ano 'yon?"
"You can be sure you will be the most beautiful girl in that room."
Hindi niya napigilang matawa sa pambobola nito. "Ikaw talaga."
"Totoo naman, ah. I'll bet you're going to be the most beautiful girl there." Masuyong ginulo ni Milton ang buhok niya.
"Oo na. Naniniwala na po ako," pakikisakay niya.
Sumeryoso ang binata. "Believe me, Jas, there are times when I can't believe how beautiful you are." Halos pabulong ang pagkakasabi nito niyon pero malinaw niyang narinig iyon.
Nahirapan siyang huminga dahil sa mga titig nito.
"Milton—"
"Go! Baka ma-late ka. Good luck."
"Thanks," wika ni Jasmine. Sa isip niya ay maaaring hindi totoo ang sinabi ni Milton na siya ang magiging pinakamagandang babae sa examination room pero nakasisiguro siya sa isang bagay—she was going to be the most inspired.

Second Best - Angel BautistaWhere stories live. Discover now