Chapter 8

483 14 1
                                    

CHAPTER EIGHT

BAHAGYANG na-disorient si Jasmine nang pagdilat ay bumungad sa kanya ang isang hindi pamilyar na silid. Iniisip niya kung nasaan siya nang bigla ay may brasong yumakap sa baywang niya. Ikiniling niya ang ulo at nakita niya ang katabi sa kama.
Si Milton!
Inalog niya ang balikat nito. "Gising! Gumising ka kaya."
Umungol lang ang binata.
Pumikit siya nang mariin at binalikan sa isip ang mga nangyari nang nagdaang gabi. Naalala niyang umiinom siya nang mapansin si Milton malapit sa pinto ng bar na pinuntahan nila ng mga kaibigan. Napikon siya kay Milton at nagyaya siyang umalis sila. Nagpunta sila sa isang park. Marami siyang sinabi rito. Marami rin siyang hindi dapat sinabi kung hindi lang siya lasing.
Oh, Lord, bakit ba sobrang daldal ko kapag nalalasing ako?
"Milton, gising!" wika uli niya.
Umungol lang uli si Milton at hinapit siya palapit dito. Isinubsob nito ang mukha sa leeg niya.
Naalala ni Jasmine para nga palang mantika ito kung matulog.
"Milton, ano ba?" Itinulak niya ang binata palayo sa kanya. Napalakas yata ang pagtulak niya. Hindi niya napansin na nasa gilid na si Milton ng hindi kalakihang kama kaya nahulog tuloy ito.
"What the hell?" bulalas nito bago lumitaw ang guwapong mukha.
"Sorry," sabi niya. Inilahad ni Jasmine ang kanyang kamay para tulungan itong makatayo. Tinanggap naman nito iyon.
Nagkatinginan sila nang makabalik na si Milton sa kama. Nagkailangan sila. Kagaya niya ay parang wala rin itong masabi.
Tumikhim siya. "Milton..."
"Jas..."
Sabay silang nagsalita at sabay ring napahinto.
"Tungkol sa nangyari kagabi..."
Sabay uli silang nagsalita.
"Sige, ikaw muna," sabi nito sa kanya.
Lumunok siya bago nagsalita. "M-marami ba akong nasabing nakakahiya kagabi?"
He smiled sheepishly. "Depende kung ano ang definition mo ng salitang 'nakakahiya.'"
"You must understand. Hindi ako sanay uminom. Marami siguro akong nasabing mga bagay na hindi ko dapat sinabi, things I don't really mean."
"Sinabi mong mahal na mahal mo ako."
Natahimik si Jasmine.
Binasag nito ang katahimikan. "Ikaw? Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa 'yo na mahal kita?"
Yumuko siya. Ilang sandali ang lumipas bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na salubungin ang mga mata nito. "Hindi ko alam kung ano ang kaya kong paniwalaan sa ngayon."
"Saan mo kayang magsimula?"
"Kung binigyan ka ng chance ng ate ko na maging kayo, sasabihin mo pa rin kaya ngayon sa akin na mahal mo ako?" tanong niya.
"Why do you always go back to that? Hindi ko na mababago ang nakaraan. I used to think I was in love with your sister. Nawala siya. And then I found you to love. Dahil doon kaya ko na-realize na mahal kita. Mahirap ba talagang paniwalaang puwede kitang mahalin?"
Nagkibit-balikat siya. "Ang akala ko rin ay kaya kong maniwala. Pero pagkatapos ng nangyari no'ng Sabado..."
Kumunot ang noo ni Milton. "Ano ba talaga ang alam mo tungkol sa nangyari no'ng Sabado?"
"Alam ko na inalok mo si Ate na dalhin siya sa Solomon Islands para doon na kayo tumira."
Marahas na nagbuga ito ng hangin. "Ano ba ang eksaktong sinabi niya sa 'yo? Ulitin mo word for word."
Sinubukang alalahanin ni Jasmine ang mga ginamit na salita ng ate niya. "Ang sabi niya, 'Nag-usap na rin kami ni Milton. Oras na naayos ang mga papers ko ay doon na muna kami titira sa bahay nila sa Solomon Islands.'"
"Dahil do'n, inisip mong kami na? Sinabi pa niyang kasama niya akong titira do'n?"
"Hindi ba?"
"Hindi. Hindi ako ang kasama sa 'kami' na tinukoy ni Jessica. Siguro ay siya at ang baby niya ang ibig niyang sabihin. Wala akong balak na sumama sa kanya. Naroon naman ang pamilya ko. Ang plano ko ay kausapin sila at ipakisuyo na doon muna tumira si Jessica at ang magiging anak nito kung gusto nitong lumayo muna. Wala akong balak na mapalayo sa 'yo."
Napaawang ang bibig ni Jasmine. Yumuko siya dahil nahihiya siya kay Milton.
"Bakit ba parating mas madali para sa 'yo na pag-isipan ako ng masama? Can't you trust me even just a bit? Kahit kaunti lang? Bakit hindi mo magawang tanungin ako at pakinggan ang panig ko bago mo ako husgahan?"
Gusto niyang magpaliwanag ngunit hindi niya alam kung paano magsisimula. Ang hirap mag-isip ng paliwanag kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Mahirap dahil ayaw niyang mahusgahan ang antas ng pagmamahal niya sa sariling pamilya. Pero alam niyang may utang siyang paliwanag sa binata at kailangan niyang ipaintindi kung ano ang kanyang pinanggagalingan.
"Milton, all my life, I have been living in my big sister's shadow. Hindi madaling maging nakababatang kapatid ni Jessica dahil sa mga rasong hindi naman niya sinasadya. Nang magsimula akong mag-aral, lahat ng success na nakamtan ko ay nakuha na niya. At home, our parents love us and they try to love us equally pero paano mong hindi mas mamahalin ang unang bata na nagparamdam sa 'yo ng pride sa pagiging magulang? Ang batang unang nagpangiti sa iyo at unang tumawag sa 'yo ng "Mommy" o kaya ay "Daddy"? Nang umakyat sila sa entablado para sabitan ako ng medalya ay ilang medalya na ang naisabit nila kay Ate. Nang magtapos ako ng valedictorian ay nauna nang nagtapos ng valedictorian si Ate. I have never held any grudge kay Ate kahit na lumaki akong palagi na lang runner-up. I'm proud to be that to someone as kind and as good as my Ate Jessica. Kahit pakiramdam ko ay parati akong second best, tanggap ko 'yon nang maluwag sa dibdib ko."
Huminga si Jasmine nang malalim para pigilan sa pagpatak ang mga luha niya. Mayamaya ay nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Pero hindi ko kayang tanggapin na runner-up lang ako sa kanya pagdating sa puso mo. Ganito ako mag-isip at mag-react kasi hindi ko kayang maging second best lang pagdating sa pagmamahal mo."
Akmang magsasalita si Milton pero pinigilan niya. "Maaari mong itanggi ang turing mo sa aming dalawa. Pero ano ang gagawin mo kung pareho kaming nalulunod ni Ate at isa lang ang maaari mong iligtas? Can you honestly tell me na ako ang sasagipin mo?"
Hindi agad ito sumagot. Sapat na sagot na iyon para sa kanya. Sinapo niya ang kanyang dibdib at hinimas iyon dahil naninikip iyon sa pagpipigil na huwag umiyak.
Pagkatapos ng mahaba-habang katahimikan ay saka lang nagsalita si Milton. "Kung sinabi kong ikaw ang sasagipin ko, maniniwala ka ba? O iisipin mong sinabi ko lang 'yon dahil kaharap kita?"
"Bakit ba palaging tanong ang isinasagot mo sa tanong ko?"
Bumuntong-hininga ang binata, mayamaya ay tumayo na para bang kailangan nitong maglagay ng distansiya sa pagitan nila. Tumingin ito sa kanya pero hindi nagsalita, animo pinag-iisipan pa kung ano ang sasabihin.
"Ang dami kong gustong sabihin sa 'yo. Pero ayokong magulo ang isip mo dahil abala ka sa pagre-review para sa Bar exam. Kaya sinabi ko sa sarili ko na maghintay hanggang sa matapos ang Bar exam mo. Pero dapat siguro ay hindi ako naghintay dahil napakaraming ipinanganak na presumptions ng utak mo, lalo na ang tungkol sa damdamin ko pagkatapos kong malaman na hiwalay na ang ate mo at si Matthew. Hindi ko alam kung ano pa ang gagawin ko para mapaniwala kitang ikaw ang mahal ko at hindi ang ate mo."
Hindi siya makasagot. Tama naman kasi ang binata.
Nagsalita uli si Milton. "Ang hirap ng sitwasyon natin. Puwede kitang mahalin pero hindi ko alam kung paano ituro sa 'yo na tanggaping puwede kitang mahalin nang solo at hindi runner-up kahit kanino. Maniwala ka sanang mahal kita. Hindi ko alam kung kailan ko unang naramdaman iyon pero 'yon ang totoo. At dahil do'n, kailangan kong malaman kung alam mong ikaw lang ang gusto kong hawakan at halikan tuwing hinahawakan at hinahalikan kita."
Tumulo ang mga luha ni Jasmine. Naramdaman niya ang mainit na pagdaloy niyon sa kanyang mga pisngi pero hindi siya gumalaw para pahiran iyon.
Yumuko si Milton at ito ang nagpahid ng kanyang mga luha. Mayamaya ay iniangat ang kanyang mukha para magtama ang kanilang mga paningin. "Nasisiguro kong wala ni isa mang tao na nag-isip na pumapangalawa ka lang sa ate mo. Hindi ko kailanman naisip 'yon. Pero alam ko na ngayon kung bakit hindi puwedeng maging tayo. Hindi puwedeng maging tayo dahil kulang tayo sa pagmamahal sa isa't isa. Hindi puwedeng maging tayo dahil hindi mo pa rin matanggap na ginagawa ko ang mga bagay na ginagawa ko para lang sa 'yo. Lahat ng kilos ko ay huhusgahan mo, ayon sa pinaniniwalaan mo. Natatakot akong baka dumating ang araw na may maging tanong sa utak mo na hindi ko na makakayang sagutin."
Natakot siya sa sinabi nito pero hindi niya alam kung paano ito pipigilan.
Nagpatuloy si Milton sa pagsasalita. "Iyong pagbibigay ng tiwala ay isang desisyon na kailangan mong gawin at alamin kung paano gawin on your own. Dahil ang una mong kailangang matutuhan ay kung paano maniwala sa isang bagay na matagal ko nang alam bago ko pa man ma-realize na mahal kita—that you're special and worth loving."
"Milton..." Ang daming gustong idugtong ni Jasmine sa sinabi ng binata pero pangalan lang nito ang kaya niyang bigkasin. He was right. Pero kahit alam niyang tama ito, wala pa rin siyang magawa para alisin ang mga insecurities na namamahay sa kanyang dibdib.
"Halika na. Ihahatid na kita sa bahay ninyo," wika nito, saka tumayo. "I'll just settle our bill at saka kukunin ko ang sasakyan sa parking lot. Magkita na lang tayo sa harap ng building."
Tumango siya bilang pagsang-ayon. Pero nang lumabas ito ay nagpalipas lang siya nang ilang segundo at sumunod na rin dito palabas. Tinakasan niya ang binata sa halip na hintayin tulad ng sinabi nito dahil hindi niya alam kung paano uli ito haharapin.

MULI ay nagising si Jasmine nang madaling-araw at muli ay hindi niya napigilang mapaiyak. Lagi na niyang ginagawa iyon mula nang maghiwalay sila ni Milton. Ayaw na sana niyang gawin iyon pero animo naging habit na niya iyon.
Magigising siya ng alas-tres ng madaling-araw at mararamdaman ang kahungkagan sa kanyang dibdib. It had seemed so final—ang pagsasabi na alam na nito ang rason kung bakit hindi maaaring maging silang dalawa.
Naalala niya ang sinabi ni Milton...
"Ang una mong kailangang matutuhan ay kung paano maniwala sa isang bagay na matagal ko nang alam bago ko pa man ma-realize na mahal kita—that you're special and worth loving."
Naalala rin niya ang napakarami pang tagpong katulad niyon...
"Mommy, love mo ba ako?"
Iyon ang lagi niyang itinatanong sa kanyang ina noon.
Yayakapin siya ng mommy niya at sasabihin nitong, "Siyempre naman. Love na love na love."
Paulit-ulit na itinatanong iyon ni Jasmine sa ina para bang palagi niyang kailangan ng assurance kahit alam at nararamdaman na mahal siya nito. Siguro, ang gusto talaga niyang marinig ay mahal siya ng mga tao kagaya ng pagmamahal ng mga ito sa ate niya at kay Jeremiah. Pakiramdam niya kasi ay mas napapansin ang mga kapatid niya kaysa sa kanya. Unang ipinanganak ang ate niya kaya normal nang sagana ito sa atensiyon. Si Jeremiah naman ay bunso at nag-iisang anak na lalaki kaya kagaya ng ate niya ay lagi itong napapansin. Nang makita nila na hindi tunay na lalaki ang bunsong kapatid ay lalo pang naging kapansin-pansin ito. Hindi na nito kailangang mag-exert ng effort para mapansin. Siya na middle child ay walang nakapansin.
Sinadya ni Jasmine na hindi mag-aral sa unibersidad kung saan nag-aral at nagtapos ang ate niya para maiwasan na maikompara dito. Iniba rin ang kanyang kurso at nang magtapos ng undergraduate degree ay sinabing gusto niyang kumuha ng Law.
Proud na proud ang mga magulang nang matanggap siya sa Law school. Sinabi niya sa sarili noon na gagawin niya ang lahat para maging napakagaling na abogado para mapanatiling proud ang mga ito sa kanya.
Tumanda nga yata siya na may pangangailangan ng ganoong assurance ng pagmamahal at pagtanggap. Tama si Milton. Iyon din ang hinahanap niya sa binata.

Second Best - Angel BautistaWhere stories live. Discover now