Chapter 11

937 25 4
                                    

CHAPTER ELEVEN

HINDI inaasahan ni Jasmine na makikita niya si Milton sa hospital room ng kapatid. Waring itinulos siya sa kinatatayuan nang sabay na tumingin sa kanila ni Daniel si Milton at ang ate niya.
"Kailan ka pa dumating?" tanong niya, may kaba sa tinig.
"Kanina lang. Dito ako dumeretso mula sa airport. Tumawag kasi ako sa bahay nina Jessica. Katulong ang sumagot. Ang sabi niya ay dinala sa ospital ang ate mo dahil manganganak na."
Dapat ba siyang magtampo na ang ate niya at hindi siya ang unang tinawagan nito?
Hindi, 'di ba? Galit siya sa 'yo, 'di ba? paalala ng kontrabidang bahagi ng kanyang isip.
Oo nga pala. Saglit na nakalimutan ni Jasmine na galit si Milton sa kanya. Hayun nga at saglit lang siyang tinapunan ng tingin at agad din itong nagbaling ng paningin. Kay Daniel nakatingin si Milton.
Bumaling siya sa ate niya, mayamaya ay naglakad papasok sa silid. Hinalikan niya ang kapatid sa pisngi nang makalapit siya. "Congratulations, Ate. Kasama ko nga pala si Daniel," wika niya.
"Congratulations, Jessica," sabi rin ni Daniel.
"Ahm, Daniel, this is..." Hindi alam ni Jasmine kung paano niya ipapakilala kay Daniel si Milton. "Si Milton nga pala. Best friend siya ng ate ko. Milton, boss ko, si Attorney Daniel Estrella."
"Hi," malamig na bati rito ni Milton.
"I'm pleased to meet you, Milton," malamig ding tugon ni Daniel.
Marahil ay napansin ng ate niya ang namumuong tensiyon sa pagitan ng dalawang lalaki kaya to the rescue agad ito. "Thank you, guys, for visiting. Jas, gusto mo bang makita ang pamangkin mo?" Nagmuwestra ito sa direksiyon ni Milton.
Tumingin muna si Jasmine kay Daniel na nag-oobserba sa mga nangyayari. Hindi naman ito mukhang hindi komportable. Sa halip ay parang nag-e-enjoy pa nga sa nakikita.
Nang mapansin ni Daniel na nakatingin siya rito ay agad na nagpaalam. "I hope you don't mind. I'll just get coffee outside. Does anyone want anything?" tanong nito.
Humingi si Jasmine ng mint tea para lang may pumatol sa alok ni Daniel dahil walang gustong inumin ang Ate Jessica niya at sa palagay niya ay mas pipiliin ni Milton na uminom ng lason bago magkaroon ng utang-na-loob kay Daniel.
"All right. I'll be back in a bit," sabi ni Daniel.
Paglabas ng lalaki ay bantulot na lumapit siya kay Milton. Ngumiti ito nang matipid sa kanya bago ipinakita sa kanya ang sanggol na karga.
"Hi, baby," bati niya sa sanggol habang pilit na iwinawaksi sa isip kung gaano sila kalapit ni Milton sa isa't isa, kung gaano niya ka-miss ito, at kung gaano kalakas ang tentasyon na yakapin. "I'm your Tita Jasmine. I'm pleased to meet you." Ang kamay ng baby ang hinawakan niya at inalog iyon na animo nakikipagkamay rito. "He's so cute," sabi niya nang lingunin niya ang ate niya.
"Sobra. Beyond cute pa nga, eh. He's so beautiful. I think I'm in love all over again," nakangiting sabi ng Ate Jessica niya.
"I'm sure," pagsang-ayon niya. Sa paningin niya ay ang pamangkin ang pinaka-cute na bata sa buong mundo.
"Gusto mo ba siyang kargahin?" tanong ni Milton.
Tumango siya.
Maingat na inilipat nito ang sanggol sa mga braso ni Jasmine. Himalang hindi nakuryente ang kanyang pamangkin sa lakas ng elektrisidad na gumapang sa kanyang balat nang aksidenteng magkadikit ang mga balat nila ni Milton.
"Oh, my God, look at you! I love you already," sabi niya sa kanyang pamangkin.
Ramdam ni Jasmine ang titig ni Milton. Nang mag-angat ng mukha para tingnan ang binata ay nakita niya ang pamumula ng mga tainga nito.
"'Labas din muna ako. Pupunta lang ako sa cafeteria. I need a drink," paalam nito na parang agad na nakalimutan na kani-kanina lang ay tinanong ito ni Daniel kung ano ang gustong inumin at ang sagot ay kaiinom lang ng juice.
Matagal-tagal na rin na nakalabas si Milton ng silid ay nakatitig pa rin si Jasmine sa pintong nilabasan nito. Naalis lang doon ang paningin niya nang umingit ang kanyang pamangkin. Ibinaling niya rito ang buo niyang atensiyon.
Nilaro-laro niya ang baby na sobrang liit pa para mag-react sa kanya. Nang mapagod sa pagkarga ay inihiga niya ito sa tabi ng ate niya.
"Jas, magtapat ka nga. Ano ba talaga ang nangyari sa inyo ni Milton?" tanong nito.
Bumuntong-hininga siya bago sumagot. "He gave up on me," simpleng sagot niya.
"I'm sure it's not like that at all."
"Hindi ko alam. Alam mong basta na lang siya umalis nang hindi nagpapaalam. Hindi rin siya nakipag-communicate man lang. Ano pa ba ang iisipin ko?"
"Nandito na siya. Bakit hindi mo siya kausapin?"
Nagkibit-balikat siya. "Maybe it doesn't matter anymore."
"Galing ba 'yan sa kapatid kong nagtatanong dati sa akin kung hahayaan ko na lang na mawala sa akin ang taong mahal ko nang hindi ito ipinaglalaban?"
Nasagip si Jasmine sa pagsagot ng pagbabalik ni Matthew. Magkasunod ito at si Daniel na pumasok sa silid.
Ilang minuto pa silang nanatili ni Daniel doon. Pagkaubos nila sa mga dala nitong inumin ay nagpaalam na sila sa ate niya at kay Matthew.
"Aalis na kami, 'Te," pagpapaalam niya nang hindi tumitingin sa kapatid. Iniwasan niyang tumingin dito dahil ayaw niyang mabasa ang tanong doon. Alam niyang hinihintay ng kanyang ate ang sagot niya sa tanong nito. "Babalik na lang ako bukas."
"Mag-iingat kayo," halos sabay na bilin ng mag-asawa sa kanila ni Daniel.
Nalilito si Jasmine habang naglalakad siya palabas ng ospital. Ano ang gagawin niya kay Milton? Ni hindi ito makatagal sa isang silid na kasama siya.
"That was him, right?" tanong ni Daniel.
Tumingin siya sa lalaki at tumango.
"I figured. Kaya nga lumabas ako, eh. Naisip kong baka hindi ka komportable na naroon kaming dalawa ni Milton."
"Salamat."
"Are you all right?" tanong nito. Minsan na rin kasi niyang naikuwento rito ang sitwasyon nila ni Milton.
"Hindi ko alam," sagot niya.
Hinawakan ni Daniel ang kanyang kamay. "Come on, cheer up! Kung pagbabasehan ang mga tinging ipinupukol niya sa akin na parang gusto niya akong ibalibag palabas ng bintana, nasisiguro kong hindi pa tapos ang kung ano mang meron kayo. And it's also very obvious that you love him."
Humarap siya sa lalaki. "I'm sorry, Daniel."
"Hey, bakit ka nagso-'sorry'? I'm a very practical man, Jasmine. I like you. I'm willing to explore possibilities with you. Pero kung hindi nag-work out and I doubt kung magwo-work out seeing the look on your face when you saw Milton, then I'm fine. We could still be friends."
Inialok nito ang isang braso sa kanya. Humawak siya roon. Noon naman biglang sumulpot si Milton. Huminto ito sa paglalakad nang mapatapat sa kanila. Mayamaya ay dumako ang mga mata nito sa kamay niyang nakahawak sa braso ni Daniel. Huminto rin siya, mostly because her legs would not allow her to take another step.
"Aalis na kayo?" tanong nito.
"O-oo," sagot niya. "Babalik na lang ako bukas. It was nice seeing you again, Milton."
Tumango si Milton. "Ingat kayo," sabi nito pagkatapos, saka nilagpasan na sila.
Tumawa si Daniel kaya napatingin si Jasmine. "Bakit? May nakakatawa ba?" tanong niya.
"Kayo ni Milton," sagot ng lalaki. "Oh well, if he was so stupid na hindi pa niya nare-realize na hindi mo siya ipagpapalit sa akin, hayaan muna natin siyang mag-suffer panandalian." Tumawa uli si Daniel.

"O, MILTON. Kaaalis lang nina Jasmine at Daniel. Nakasalubong mo ba sila sa labas?" bungad na tanong sa kanya ni Jessica nang pumasok uli siya sa hospital room nito.
"Oo," sagot nito. "Hindi sila bagay ng kasama niya. Matanda na 'yon para sa kanya."
"Si Daniel? Hindi pa matanda 'yon. Sa pagkakaalam ko, nasa late thirties pa lang siya. Kung ako ang tatanungin mo, I think he's quite dreamy."
"Really?" tanong ni Matthew.
Nginitian ni Jessica ang asawa. "Not as dreamy as you, of course."
Umupo sa gilid ng kama nito si Matthew at hinalikan si Jessica. "'Buti naman."
Tumikhim si Milton dahil baka makalimutan ng mga ito na may kasama sa silid. "Matanda pa rin 'yon. Bata pa si Jas."
"Hindi naman issue ang edad pagdating sa pag-ibig. Ang mahalaga ay nagmamahalan ang dalawang tao," wika ni Jessica.
Hindi niya nagustuhan ang sinabi ng kaibigan. "Gusto na ba siya ni Jasmine?"
"Hmm... Hindi ko sure. Pero sa pagkakaalam ko, nag-aaral pa lang si Jas ay idol na niya si Daniel," sagot nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya sa sinabi ni Jessica. "Bakit niya naging idol ang lalaking yon?"
"Don't you know? Daniel is a brilliant lawyer."
"Hindi," mainit ang ulong tugon ni Milton. "Aalis muna ako," wika niya at tinalikuran ang mga ito.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Matthew.
"Babawiin ko si Jasmine," sagot niya nang hindi tumitingin sa mga ito.
Tumawa ang mag-asawa.
"Paalala lang, pare. Matindi ang kakompetensiya mo," mayamaya ay sabi ni Matthew.
Tumigil si Milton sa akto ng pagbubukas ng pinto at hinarap ang mga ito. "Daniel may be a brilliant and dreamy lawyer but I have the advantage."
"At ano naman 'yon, Mr. Esguerra?" tanong ni Jessica.
"Ako ang mahal ni Jasmine."
Ngumisi si Matthew at tumawa nang malakas si Jessica. "Good luck with that," halos sabay na sabi ng dalawa.

PINAUNLAKAN ni Jasmine ang paanyaya ni Daniel na kumain muna sila bago siya ihatid pauwi. She was glad that he was such a sport about everything. Marahil dahil sa simula pa lang ay kinlaro na niya kung sino ang mahal niya, kaya hindi na ito nabigla nang magkaharap ang lalaki at si Milton.
"I'll see you tomorrow at the office," pagpapaalam nito.
Tumango siya. "Thanks for dinner and the ride home."
"You're welcome."
Hinintay niyang makaalis si Daniel bago siya nagpasyang pumasok sa gate. Sa pagbaling niya ay napansin ang nakaparadang Escapade di-kalayuan sa kinatatayuan niya.
Kilalang-kilala ni Jasmine ang sasakyang iyon kaya hindi na siya nagulat nang umibis mula roon si Milton. Hindi siya gumalaw sa kinatatayuan at hinintay na makalapit ito sa kanya. "Hi," mahinang bati niya.
"Hi," ganting-bati nito.
Sandali silang parehong natahimik.
"Kanina ka pa ba?" mayamaya ay tanong niya.
"Dumeretso ako rito pagkagaling ko sa ospital."
"I'm sorry. Nagyayang mag-dinner si Daniel."
"About that—"
"We're just friends and it was just a friendly dinner," sabi niya bago pa ito makapag-isip ng kung ano-ano.
Dagling nabura ang pagkabahala sa mukha ni Milton at dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa mga labi. "Alam ko na ang pakiramdam ng taong natatakot na baka second best lang siya sa taong mahal niya. No'ng nasa ospital tayo kanina, pakiramdam ko ay madadala ako sa emergency room for heart failure."
"Good."
Kumunot ang noo nito. "Good?"
"Para maituro ko sa 'yo ang mga natutuhan ko nang mawala ka."
"Ano ang natutuhan mo?"
"Marami. Pero gusto kong simulan sa pagsasabi na habang-buhay kang first place sa puso ko."
Ngumiti si Milton. "Ikaw, alam mo ba kung nasaan ka sa puso ko?"
"Sasabihin mo ba sa 'kin?"
Humakbang ito palapit kay Jasmine hanggang sa halos ilang dali na lamang ang layo ng mga mukha nila sa isa't isa. Parang tinatambol ang kanyang dibdib. "Sasabihin ko sa 'yo. May espesyal na pedestal ka sa puso ko. Parang iyong Mama Mary na nasa grotto."
"Ang cheesy n'ong sinabi mo pero kinikilig ako," pag-amin niya.
"I know why."
"Hmm?"
"Because you love me," anito.
"Yes. Because I have always loved you."
"Ibig bang sabihin niyan, hindi na natin ito pahahabain at magbabalikan na agad tayo?"
"Ano sa palagay mo?"
Kinabig siya ni Milton palapit dito. "I've missed you too much already. Let's not waste any more time."
"I have no objection, your honor," sagot niya.
Yumuko si Milton at hinalikan si Jasmine sa mga labi na buong puso niyang tinugon. Sa pagkakataong iyon ay wala nang takot sa kanyang dibdib. Alam niyang una siya, o mas tama sigurong sabihing nag-iisa siya sa puso nito.

                            WAKAS

Second Best - Angel BautistaWhere stories live. Discover now