Aking Paksa

25 0 0
                                    

Aking Paksa

Grabe. Iyon na lamang ang aking masasabi.

Pitong taon tayong hindi nagkasama, ngunit pinanghahawakan pa rin ng puso ko ang isang taon nating mga alaala.

Kaklase lamang kita at balewala ka sa akin dati. Ngunit sa paglipas ng ilang araw, nang ika'y nawala sa aking tabi, saka ako nangulila sa iyo.

Sa mga panahong wala ka sa aking piling, ika'y nanatili sa aking puso. At kahit pilitin ko mang kalimutan ka, bigla-bigla pa rin kitang naaalala.

Napakasakit malamang mayroon ka nang iniibig. Ngunit mas masakit na wala akong magagawa sapagkat hindi naman kita pagmamay-ari.

Ito lang ako. Isang taong masungit na hindi pinapahalagahan ang iyong kabutihan dati, ngunit ngayon, ako na itong umaasa sa'yo.

Umuusad na ang ating mga buhay. Masaya ka na sa piling niya, ngunit heto ako, nagpapakatanga pa rin sa isang taong hindi manlang ako napapansin.

Sa tuwing tinitingnan kita, muling babalik sa alaala ko ang ating nakaraan. Hindi man malalim, may alaala pa rin akong mababaon tungkol sa'yo.

Nais ko lamang malaman mong sa tuwing nagsasalubong ang ating landas, hindi magkandamawa ang aking mga paa sa pag-iwas.

Sa tuwing nahahagip ka ng aking mga sulyap, mabilis itong iiiwas ng aking mga mata palayo sa iyong mga titig sa akin.

Natatakot ako. Natatakot akong malaman mo ang tunay kong damdamin kahit pakiramdam ko'y halata na ako.

Nahihiya ako sa aking sarili sapagkat napakahuli ko na para sa bagay na ito. Ngayon pa, kung kailan mayroon ka nang minamahal.

Ngunit masaya ako. Dahil sa loob ng pitong taong wala ka sa aking tabi, ikaw at ikaw pa rin ang aking inaalala. Wala akong ibang nais kundi ikaw lamang.

Masaya ka man sa piling ng iba, ayos lang sa akin. Hindi rin naman ako handa kung sakaling magkakaroon tayo ng pagkakataon sa isa't isa.

Masaya lang ako. Sapagkat ang lihim na pagtingin ko sa iyo ay labis-labis ang sayang naibibigay sa aking puso.

Huwag kang mag-alala. Hindi ako manghihimasok sa inyong relasyon. Masaya ako para sa'yo sapagkat ika'y nakahanap ng tunay na kasiyahan sa piling ng mahal mo.

Naniniwala akong hindi kasalanan ang umibig sa taong mayroon na. Hindi ko sisirain ang inyong relasyon, sapagkat nakikita kong masaya ka. At masaya na rin ako.

Masulyapan lamang kita sa ilang saglit, buo na ang araw ko. Makita lamang kita sa loob ng paaralan, masaya na ako.

Nawa'y hayaan mo lamang na mahalin ka ng puso ko kahit may mahal kang iba. Nangangako akong hindi ka guguluhin at panghihimasukan. 

May iba ka mang iniibig, asahan mong ang aking puso ay manatiling tapat sa kanyang iniibig.

At kahit may dumating na panibagong tauhan sa ating storya, mananatiling ikaw ang paksa sa bawat pahina ng kwentong aking isinusulat. 

- ernxx / tamestnaive

Malayang Salita Where stories live. Discover now