CHAPTER 38: Anito ng Hamog

75 10 6
                                    

CHAPTER 38

Anito ng Hamog

Kahit ilang ulit niyang pagmasdan sa tubig ang sarili'y hindi na mapapalis ang bakas ng kalupitan ni Kahayag sa kanya. Nagmistulang itom na mapa sa iba't ibang parte ng kanyang lawas ang mga peklat na natamo mula sa pagkasunog ng kanyang balat. Ang kanang bahagi ng mukha ng anito'y nangitim sa tindi ng karahasang natamo mula sa kainit ng diyos. Nagkuyumos ang kanyang mga kamay.... Dahil sa galit at kawalang-pag-asa sa kasalukuyang sitwasyon. Matagal na ang nangyaring parusa ngunit ang lahat ay sariwa pa rin sa huna-huna ni Angep...

"Angep..." Mahina lamang ang boses ngunit napakislot ang anito at agad binalot ng kumut ang katawan at mukha nito. Dali-dali niyang nilisan ang sapa at hinarap ang anitong kararating lang. "Kanina pa kita hinahanap," malumanay ang tinig ni Bulaklak, animo'y butil ng tubig-hamog na dumadaloy sa kanyang buong pagkatawo.

"Uh... binabad ko lang ang katawan sa tubig... maibsan man lang ang kirot," tanging nasabi ng anito sa kapwa. Nahuli niya ang simpatiya sa mga mata ni Bulaklak.

"Patawad, Angep. Ginawa ko na ang lahat upang pagalingin ka, ngunit sadyang wala akong panama sa gahum ni Kahayag."

"Bulaklak, huwag mong sisihin ang iyong sarili. Ikaw lamang ang naglakas-loob tulungan ako sa panahong iyon. Ang totoo'y unti-unti nang naghihilom ang mga sugat ko. Dako ang akong pasalamat sa iyong kabutihan." Sa narinig ay sumilay ang ngiti sa labi ni Bulaklak.

"Siyanga pala, hinahanap kita dahil may narinig ang mga halaman tungkol sa nangyari sa isang pulo kung saan naghasik ng kaguluhan si Kahayag!"

"Naghasik?" Kunot-noong wika ni Angep. "Nasa lupa si Kahayag?"

"Hinanahap niya ang batang pinahahanap niya sa iyo at tila natagpuan niya ito sa isang pulo."

Napasandal sa kahoy ang anito, kunot-noong napabuntunghininga bago muling salubungin ang tingin ng kapwa anito.

"Ang bulong ng mga balagon, naging tao si Gurama-un at isinilang ito sa lupa bilang sanggol. Malaki na raw ito ngayon at siyang hinahanap ni Kahayag, " dagdag pa ni Bulaklak.

"Tiyak kikitilin niya ang buhay ng batang sinasabi mo," himutok ni Angep. "Sinlawak ng buong mundo ang inggit na nararamdaman niya sa kanyang kapatid."

"Mainam na manatili ka muna rito sa aking nasasakupan, Angep. Baka saktan ka niyang muli."

"Bulaklak, kahit saan ako magtago'y mahahanap ako ng diyos ng araw kung nanaisin niya. Hindi ako magkakaganito kung may kakayahan akong magtago sa tuwing tatawagin ako ng halimaw na iyon," sa huling sinabi'y bumakat sa anyo ng anito ang matinding galit sa diyos.

Balang-araw, masasaksihan ko rin ang kaduluman ng adlaw!

Ito ang paulit-ulit niyang usal sa bawat tingin sa sariling anyo sa tubig.

"May binabalak ka, Angep?"

"Hahanapin ko ang batang Gurama-un...." May pangako ang mga dilaw na mata ng anito nang magsalubong ang kanilang mga tingin. "At itatago ko siya kung saan hinding hindi siya matatagpuan ni Kahayag."

"Kaya mong itago ang isang diyos?" Gulat na wika ni Bulaklak.

"Malakas ang kutob ko, Bulaklak... pangkaraniwang tao na lamang ang diyos ng digmaan sa ngalang siya'y iniluwal bilang tao..." Sumilay ang ngiti sa labi ng anito. "Magiging Madali ang pagdakip sa kanya..."

"Hindi ko naiibigan ang iyong mga kataga, anito..." biglang nagbago ang boses ng anito ng mga bulaklak at halaman. Muling nagpang-abot ang kanilang tingin. Dilaw na rin ang mga mata ni Bulaklak. "Kung binabalak mong kitilin ang buhay ni Gurama-un sa kasalukuyang niyang kalagayan, isa ako sa magiging kaaway mo, Angep."

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 09 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

BabaylanWhere stories live. Discover now