Chapter 28: UHA

562 34 13
                                    

Chapter 28

UHA

Lumipas ang mga araw at buwan ngunit nasa pagitan pa rin ng mag-asawa ang usaping sinimulan ni Ulan sa Iwata. Minabuti na lang ng Alamid na hindi na ungkatin pa ang tungkol sa pagbubuntis ng kabiyak at nang maiwasang magmahay itong muli sa kanya.

Hindi naman umayon kay Amila ang pagkakataon. Dumating ang araw ng kapanganakan ng tagapagmana ni Kuntan. Madaling-araw iyon at biglang yumanig ang isla. Naglabasan sa kanilang balay ang mga Alamid, takang siniyasat ang kapaligiran bitbit ang kani-kanilang sulo. Sumalubong sa pangkat si Kuntan, may halong takot at pagkamangha ang anyo.

"Ano'ng nangyayari, Kuntan?" Inip na wika ni Ulan. Napabuntunghininga ang tagapagmana ni Molavi, sabay kamot sa ulo.

"Manganganak na si Heulii, mga kasama!" Natahimik ang lahat.

"At siya ang nagsimula ng lindol?" Tanong ni Abalon. Tumango si Kuntan. "Kuko ni Gurama-un! Ano'ng maiging gawin?"

"Sumiklab, tawagin mo ang iyong ina, at isama niyo na rin si Lin-aw. Magmadali ka!" Angil ng Alamid sa anak.

"Bathala!" Napausal si Lin-aw nang marating nila ang silid-tulugan ng Tagabantay. Maging si Amila ay naumid nang makita ang itsura ng silid. Animo'y may malaking gagamba'ng nagsapot sa piligid nito at kinailangan pa nilang gamitan ng panabas at laslasin ang mga makapal na sapot upang makapasok sa silid.

"Kailan pa nagkasapot rito, Kuntan?" Baling ng Babaylan sa Tagapagmana.

"Kani-kanina lang bago lumindol, Bae. Ngunit, hindi pa ganito kakapal noong bumaba ako ng balay."

"Tiil ni Gurama-un," usal ni Ulan at mas pinili na lang maghintay sa labas. Nginuso ni Amila ang pinto at para namang maamong mananap na sumunod si Kuntan. Maugong ang bulung-bulungan sa labas ng bahay.

"Paumanhin mga kasama.." Lulugo-lugong wika ni Kuntan nang makaharap ang mga kapwa Alamid. Lumapit si Alab at tinapik sa balikat ang kapatid.

"Huwag mo na kaming alalahanin, igsuon. Hingin mo kay Gurama-un ang maayos na panganganak ni Heulii."

"Magandang mungkahi iyan, Alab. Makabubuti'ng tayong lahat ang magsagawa ng dasal para sa mag-ina ng lakan," ani Banog. Sumang-ayon ang lahat at agad nilang hinanda ang sarili sa gagawing ritwal.

"Heulii?" Pabulong lamang ang tinig ni Lin-aw. Madilim ang silid ngunit naririnig nila ang paghinga ng Tagabantay.

"Nais ka naming tulungan, Tagabantay," dagdag ng Babaylan. Nanaig ang katahimikan.

Ilang saglit pa'y bigla na lang suminding mag-isa ang mga ilawan sa silid. Napakislot sa pagkagulat si Lin-aw at paimpit na napasigaw nang masilayan ang anyo ng Tagabantay.

Buhaghag ang kulay mais na buhok ni Heulii, naghabaan ang kaniyang mga kuko at nanlilisik ang mga matang matamang nakatingin sa mga bagong-dating. Bakas sa mukha ng Alilawa ang paghihirap.

"Heulii," muling tawag ni Amila. Napakurap ang mga kulay pilak nitong mata bago sila tuluyang nakilala.

"Pinahihirapan ako ng mga anito..." may tampong wika ng batang ina.

"Lahat ng mga nanganganak ay dumadaan sa hirap, Heulii. Huwag natin itong isisi sa mga anito." Lubag-loob ni Lin-aw. Dahan-dahan silang lumapit sa Tagabantay. Mahigpit ang hawak ni Heulii sa magkabilang kamay ng kanyang mga panauhin.

"Natatakot ako, Babaylan," may nginig ang boses ng Tagabantay, ngunit bigla'y napasinghap siya at napahawak sa dulo ng papag kasabay ng paimpit nitong hiyaw sa sakit. Bumutil sa kanyang noo ang pawis nang mahimasmasan. Nagkulay pilak ang mga mata ni Heulii, naghabaan ang mga kuko. Sa kahadlok ay napaurong si Lin-aw hanggang sa mabundol ang dingding ng silid. "Pinaglalaruan ako ng mga anito!" May galit na ngayon ang boses ng Alilawa.

BabaylanWhere stories live. Discover now