Kabanata 6

65 4 0
                                    


Sinikap niyang magbasa ng pocketbook sa silid ngunit hindi matining doon ang kanyang isip.Ginugulo siya ng paraan ng pagkakatingin ni Darwin kanina.

Galit o nagtataka?

Pareho siguro, naisip niya. Galit na hindi niya pinigil si Hector sa paghahatid kay Andrea sa Baco. Nagtataka marahil dahil walang ano man sa kanya kung magkasolo ang dalawa gayong ito marahil ay naghihimagsik na iba ang kasama ni Andrea.
P'wes, dapat ay siya ang gumawa ng paraan para hindi natuloy ang dalawa, sabi niya sa sarili.Sa hindi siya nagseselos,e!

Dumako siya sa gawing bintana. Sabi niya sa sarili'y hindi para makita kung naroon pa si Darwin. Pero nalungkot naman siya nang matanaw na si Ariel lamang ang nasa kuwadra at naglilinis. Ipinasya niyang bumaba.

Pagdaka'y nagliwanag ang mukha ni Ariel nang makita siya.

"Para ka talagang walang diperensya,"natutuwang sabi nito.

"Wala na talaga," nakangiting tugon niya."Gusto mo nga, mangabayo uli tayo, e."

Sunud-sunod ang pag-iling ni Ariel.

"Ayoko na," ang tila nahihintakutang sabi.

"Magpapaalam naman tayo kung sakali,"natatawang wika niya.

"Puwede kung gayo'n," masaya nang tugon ni Ariel. "Kaya lang, e, hindi ngayon. Marami pa akong gagawin."

Napatingin sila sa may gate nang marinig ang pagbusina ng isang sasakyan. Kotse may tatlong lalaking lulan.

Tinakbo ni Ariel ang gate at binuksan.Pumarada sa harap ng bahay ang sasakyan.Naghihintay na sa marmol na hagdan si Darwin,nakangiting sinalubong ang mga panauhin.

"Baka sa susunod na taon, hindi na sa coconut dealer dito ipagbili ni Manong Darwin ang ani," ani Ariel nang balikan siya.

"Interesado na ang CRP na kontratahin siya,e."

"CRP?" Kunot ang noong tanong niya.

"Isa sa pinakamalaking coconut mill sa Maynila. "Yun bang gumagawa ng mga sabon."

"A.." sabi niyang naalala ang naturang kumpanya.

Tinulungan niyang magpakain ng kabayo si Ariel at pagkuwa'y nagbalik na uli sa bahay.
Nasalubong niya si Aling Susing at Tina na may dalang meryenda para sa mga panauhin.

"Nasaan ba sila?" Tanong niya.
"Sa library," sagot ni Tina.

Nakita na niya ang library. Nasa ibaba, sa gawi ng hagdan.Maliit ngunit sa tingin niya ay napakakumbinyenteng pagbasahan o kahit pagpalipasan lamang ng oras.

"May meryenda sa kusina," ani Aling Susing.

"Oho," aniya. "Ako na'ng bahala."

May kalahating oras na siyang nagbabasa ng libro nang may kumatok sa silid niya.

"Sino 'yan?" Tanong niyang hindi tumitinag sa pagkakaupo sa kama.

Nakasandal siya sa headboard.

"Ako," ani Darwin buhat sa kabila ng pinto. Halos palukso siyang bumaba ng kama at binuksan ang pinto.

"Baka gusto mong makapanood ng nagha-halabas," sabi agad ni Darwin bago niya naitanong ang gusto nito.

"Ano ba 'yung naghahalabas?" Takang tanong niya.

"Pagpitas ng mga niyog," ani Darwin na natuwa sa kainosentehan niya.

Mag-aalas tres pa lamang at hindi naman niya gustong tapusin ang binabasa. Tiningnan niya ang suot na pulang blusa at itim na pedal pusher.

"Okey na 'yan," ani Darwin.

Bago umalis, sumaglit sila sa silid ni Donya Virginia para magpaalam. Bahagyang kumunot ang noo ng matandang babae ngunit dagli ring ngumiti.

Ayaw kong limutin ka | by: Helen MerizTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon