Chapter 6:

4.4K 143 2
                                    

SINABAYAN NI OPIUM NG PAG-UPO si Don Edell gayundin din ang pagkuha nito ng tabako at pagsindi.

"Kanina ko pa napapansin na parang bigla kitang naging anino," puna ng matandang don. "May problema ka ba?"

Kagagaling lang ng dalawa sa biyahe mula Maynila kung saan ay halos dalawang buwan sila doong namalagi at naging abala sa kampanya ng kandidadura ng kaibigang matalik ni Don Edell na si Roberto Melendez na tumakbong senador ng bansa. Natapos na ang halalan, nanguna ito sa botohan.

"Kailangan ko ng pera," deretsahang sagot ng binata.

"Magkano?"

"Sampung milyon."

"At saang isla mo na naman balak magliwaliw at maglustay ng salapi?"

"Gusto ko nang lumagay sa tahimik," sunud-sunod ang naging paghithit at pagbuga nito.

"Bakit gagastos ka pa ang sampung milyon kung puwede ko namang utusan na lang ang mga tauhan ko na ilibing ka ng buhay? Libre ko na lahat, wala kang aalalahanin kahit singkong duling! Gusto mo ba ng gintong kabaong? Ora mismo pasusukatan kita!"

Sinulyapan lang ni Opium ang matandang don. Mahigit dalawang dekada na rin sila nitong magkasama kaya nakasanayan na nila ang ugali ng isa't isa na tila walang puwang ang pagkakasundo sa tuwing nag-uusap sila.

Labing-anim pa lamang siya noon nang mapunta sa pangangalaga ni Don Edell. Ulila siya at palaboy sa probinsiya ng Dagupan. Sinubukan niyang maglakad at hanapin ang suwerte sa ibang lugar hanggang mag-krus ang landas nila ng paboritong kabayo nito na si Apollo. Nakalabas ito ng kuwadra mula sa katatapos lang na horse race sa isang bahagi ng Pangasinan.

Ayon sa panawagan na kanyang narinig sa radyo ay tatlong araw ng nawawala ang kabayo at gusto na daw magbigti ang may-ari nito sa pangambang baka nakatay na ito ng mga lasing o sanggano.

Ang desisyon niyang ibalik si Apollo kay Don Edell ay naging daan sa pagbubukas ng isang bagong mundo na puno ng kulay at SUNGAY.

Hindi alam ng matandang don ang totoo niyang edad dahil malaking bulas ang pangangatawan niya. Kinuha siya nitong alalay, tauhan at kanang-kamay. Mabilis silang nagkagaanan ng loob, ngunit maraming bagay na hindi sila pinagkakasunduan. Tulad ng pagiging mainitin ng ulo nito kapag natatalo sa karera ng kabayo kaya madalas siyang mapasok sa gulo sa pagtatanggol dito. Ilang ulit na rin niyang sinagip ito sa kamatayan at kapahamakan nang gawin nitong pampalipas-oras ang pagiging matador o torero sa alagang toro. Malaking kahibangan ang naging libangan nito dahil bukod sa bilugan nitong katawan ay mabilis pang tumakbo ang pagong dito.

Nang tumuntong siya ng labing-siyam, dumating ang pinakamalaki at pinakamabigat na serbisyong hiningi sa kanya ni Don Edell na ayon dito ay habangbuhay nitong babayaran. Ito ay noong ipinakulong siya sa Muntinlupa Bilibid Prison upang bantayan at protektahan ang nagngangalang Franco Liemberto, isang inosenteng bilanggo na may mahalagang papel sa buhay ng paborito nitong inaanak na si Angela, anak ng ikinampanya nilang si Senator Roberto Melendez.

Mahigit sampung taon siyang nakulong, ngunit hindi niya ito pinagsisisihan dahil dito niya nakilala ang babaing mula ng masilayan niya ay hindi na nawala sa kanyang puso at isipan.

"Gusto ko nang bumuo ng sariling pamilya..."

Napatigil sa paninigarilyo si Don Edell at napatitig sa binatang kaharap. Alam niyang mahilig ito sa babae, pero hindi niya nakikita dito ang posibilidad na maging seryoso ito sa isang relasyon, "Pinatulan ka ni Allyda?! Hindi nga? Dadalhin mo ba siya sa mental kaya kailangan mo ng sampung milyon? Baliw lang kasi ang magkakagusto sa sangganong tulad mo," sabay tawa at hithit ng sigarilyo.

Hindi naman pinansin ni Opium ang naging komento ng don, "Hahanapin ko siya."

"Nawawala o nilayuan ka niya?"

PAANO BA ANG IBIGIN KA? (BOOK 2: RANCHO DE APOLLO) BY: LORNA TULISANAWhere stories live. Discover now