Chapter Glimpse

9K 149 10
                                    

Six

Hindi ka ba napapagod?

Saan?

Sa pagpapanggap?

Hindi ako nagpapanggap.

Ano'ng tawag sa ginagawa mo?

Nag-iingat.

Sa kanya?

Na hindi masira ang pinaghirapan naming mabuo.

Ano nga ba ang nabuo n'yo pagkatapos nang nangyari?

Ang isa't-isa...

JUNE 17, ang araw na buong maghapon akong nawawala sa bahay ni late Lolo Jose at sa office ko, na dalawang beses lang akong nagre-report sa isang linggo. Ang araw na nakapatay ang cellphone ko. Ang araw na iniiwan ko lahat ng trabaho sa mesa ko. Ang araw na tinatalikuran ko ang mundo.

Ang araw na nasa dalawang lugar lang ako makikita—sa sementeryo sa umaga at sa tabing-dagat sa hapon hanggang lumubog ang araw.

Ikaapat na taon na pala ang araw na iyon. Ikaapat na taon na mula nang ninakaw ng isang gabing iyon ang lahat ng magandang bagay sa buhay ko. Isang gabing walang iniwan kundi mga pangit na bakas. Naghilom ang lahat ng pisikal na sugat subalit ang sugat sa puso at isip ko ay nanatili ang hapdi, na kapag nasasaling ay mas nararamdaman ko ang kirot na nagpapaalala ng lahat nang nawala sa akin na kailanman ay hindi ko na maibabalik pa.

Apat na taon na patuloy ang pagpipilit kong ganap na makalimot. Nagagawa ko namang sumulong ngunit tuwing sasapit ang araw na iyon ay nagbabalik sa akin ang lahat.

Lahat lahat...

 .................................................................................................................................................

NAGSISIKIP ang dibdib ko. Pumikit ako at sumagap ng hangin. Itinaas ko ang mga binti ko sa bench at mahigpit na niyakap. Kanina ay hindi ko maramdaman ang lamig kahit mag-isa ako. Ngayon, na buhay na naman ang sakit sa dibdib ko ay doble na ang lamig na nararamdaman ko.

Tinanaw ko ang dagat. Mas naghatid ng lungkot ang papadilim na kapaligiran...

Sa mga taong lumipas ay naroon ako lagi sa bench na iyon hanggang sa tuluyang mamaalam ang araw. Hindi ko gustong umalis doon. Gusto kong makitang lumubog ang araw, katunayan na nagtapos rin ang isang napakasakit na araw. Sana nga lang, katulad ng paglubog ng araw ay maghilom rin ng ganap ang mga sugat.

Ngunit hindi. Hindi na siguro kahit kailan.

Hindi na siguro dahil kahit ano'ng gawin ko, hindi ko magagawang pakawalan ang mga alaala gaano man kasakit iyon. Paano ko nga ba naman bibitiwan ang mga alaala ng taong mahal na mahal ko?

Hindi ko kaya. Gaano man kasakit ay patuloy kong iingatan ang mga alaalang iyon dahil iyon na lang ang mayroon ako.

Minsan pang umihip ang hangin. Hinigpitan ko ang yakap sa mga binti ko. Mas nilalamig ako habang tumatagal. Hindi ko pa gustong umalis. Hindi ko pa gustong umuwi. Doon muna ako, sa lugar na buhay ang mga alaala at hindi ko kailangang pigilan ang sarili kong umiyak. Sa lugar na hindi ko kailangang magpanggap na maayos ang lahat, na matatag ako, na nalampasan ko na ang sakit.

Nagsunod-sunod ang patak ng luha ko. Mayamaya pa ay may tunog na ang paghikbi ko. Wala akong pakialam sa mga tao sa paligid na sinadya yatang iwasan ang bench na iyon para hayaan akong mag-isa. Sa tatlong taong lumipas ay lagi akong mag-isang nakaupo sa bench na iyon sa ganoong oras at araw.

Hindi nang sandaling iyon—may naramdaman akong maingat na naupo sa tabi ko. Napatigil ako sa paghikbi nang yakapin ako nang pamilyar na bango. Naramdaman ko na naman ang reaksiyon ng puso ko. Hindi ko kailangang mag-angat ng mukha para makilala ko ang taong tahimik na naupo sa blangkong espasyo sa tabi ko.

Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEWDonde viven las historias. Descúbrelo ahora