Gapos

264 8 0
                                    

Tumitig ako sa kawalan. Gabi nanaman wala parin siya. Napabaling ako sa mga maleta ko sa sala. Ngumiti ako ng mapait. Mabuti naman at pagkatapos ng ilang buwang pag-iisip nakabuo na ako ng desisyon.

Isang tunog ng motorsiklo ang nagpatigil sa aking pagmumuni-muni. Agad akong napatayo para dumungaw sa pintuan. Naabutan ko siyang nag-aalis ng helmet. Bumalik ako sa sala at naupo sa sofa, hindi na mapakali habang hinihintay siya.

"Jerwin, pwede ba tayong mag-usap?" gamit ang munting boses ay nasabi ko ito ng diretso habang nakayuko. Dire-diretso lang siyang naglakad papuntang kusina, ni hindi ako pinansin.

Tumayo ako at sumunod sakan'ya. "Jerwin—" agad niya ako pinutol. Bumaling siya sa'kin gamit ang iritadong ekspresyon. Na para bang hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin, na ayaw niya nga akong makausap dahil hindi na nga niya ako pinansin. "Pwede ba, Gen? Pagod ako," tinalikuran niya ako para magtungo sa ref.

"Pagod narin ako," napatigil siya sa pagbubukas ng ref. Sa wakas, bumaling na siya sa'kin. "Anong sabi mo?" sabi niya sa tonong pasarkastiko. Huminga ako ng malalim bago siya sinagot. " Ang sabi ko pagod na ako, Jerwin."

"Saan? Dito sa bahay? Wala ka namang trabaho dito kundi ang magluto at magwalis ah. Pa'no ka mapapagod?" tinuloy niya ang ginagawa. Kumuha na siya ng plato at kutsara para narin kumain.

Ayan. Pagod na'ko sa lahat ng 'yan. Sa pangmamaliit niya sa kakayahan ko porke siya ang nagtatrabaho sa'min at ako'y nasa bahay lang. Pagod na ako sa pambabalewala niya sa mga opinyon kong walang kwenta para sakan'ya. Pagod na ako sa paghihintay araw-araw na para akong tuod na walang silbi. Pagod na akong maging sunod-sunuran sa mga gusto niya. Pagod na akong kalimutan ang mga pangarap kong iniwan dahil pinili ko siya. Pagod na pagod na ako.

"Hindi mo kasi ako naiintindihan," pilit kong pinatatag ang boses. Ayoko mang aminin pero, takot ako sakan'ya. Iba kasi siya kapag napipigtas na ang pasensya.

Pinanood ko siya habang nagsasandok ng kanin sa kaldero. "Alam mo, puro ka reklamo. Wala ka namang ambag dito diba? Ako ang nagtatrabaho kaya tumahimik ka," tumawa siya ng patuya. "Tignan mo, ni hindi mo manlang ako mahintay na kumain. Makasarili ka talaga."

Nilunok ko ang bikig sa lalamunan. Isang pang-iinsulto pa galing sakan'ya, iiyak na ako. Ayoko na. Sobrang nakakahiyang maging mahina. Sobrang nakakapanliit sa dignidad ko bilang babae.

"Gusto ko nang makipaghiwalay..." doon lang siya tuluyang tumigil sa ginagawa. "Ayoko na, Jerwin. Aalis na ako ngayon. Babalik na ako sa'min," mula sa pagkakayuko ay unti-unti kong inangat ang ulo para matignan ang reaksiyon niya.

"Seryoso ka sa sinasabi mo?" ngumisi siyang nang-iinsulto.

Nanatili akong tahimik at walang kibo. "Kasi kung oo, alam mo na wala ka nang babalikan."

Sa paghinga ko ng malalim kasabay no'n ang paglandas ng mga luha ko. Isa-isa. Mabalis. Walang tigil.

"Alam mo, sobrang saya natin no'ng una. Akala ko nga iba ka sa lahat, eh. Akala ko nga tayo hanggang huli. Pero akala ko lang pala lahat 'yon," pumikit ako ng mariin at dinama ang patuloy na pag-agos ng aking mga luha. "Mahal na mahal kita, Jerwin. Pero hindi ata ako ang para sayo at hindi rin ikaw ang para sa'kin."

Nanatili lang siyang nakatingin sa'kin gamit ang blangkong ekspresyon.

Ang daya. Napakadaya. Heto ako halos madurog sa mga pinag-sasabi at nararamdaman habang siya walang maaninag na sakit sa mukha o pakealam man lang.

" 'Wag kang mag-alala. Hinding hindi na ako babalik. "

Naglakad ako papuntang sala at kinuha ang mga gamit at maleta. Pagkaapak na pagkaapak ko sa labas ng bahay, para bang nakawala ako sa kadenang ilang taong gumapos sa'king kalayaang maging ako. Naniwala ako sa pagmamahal na nakakasakal, baka oras na para sa pagmamahal na para sa'king sarili. Ito ang desisyon na hinding hindi ko pagsisisihan.

Mga Kwento ng SakitWhere stories live. Discover now