Nang-iwan

102 6 5
                                    

Ngumiti ako pagkalanghap ng sariwang hangin ng probinsiyang sinilangan ko. Huminga ako ng malalim at nagsimulang maglakad sa kongkretong daan na noo'y lupa pa lamang.

Sampung taon na ang lumipas. Napakabilis talaga ng panahon.

Bakit nga ba ako umalis dito at namalagi sa ibang bansa ng sampung taon para magturo?

Sa ilalim ng aking isip ay may sumaging imahe ng kahapong pilit kong ibinabaon. Ang mga tawa at iyak ng kahapon ay gustong ipaalala sa'kin ang lahat.

Pinilig ko ang aking ulo para maiwaglit 'yon sa'king isipan. Masaya ako ngayon, Mae. 'Wag mong badtripin ang sarili mo, please.

Nagpatuloy ako sa paglalakad para pumara ng tricycle. Sa pagtaas ng aking kanang kamay ay napabaling ako sa'king harapan. Unti-unting bumaba sa ere ang kamay na ipinapara. Parang biglang tumigil ang mundo ko at silang tatlo lang ang gumagalaw. Nanikip ang dibdib ko habang pinagmamasdan silang nagtatawanang tumatawid sa kalsada patungo sa'kin. Naisip ko bigla na kung sana hindi ako umalis... kung sana pinili kong manatili... kung sana hindi ko siya iniwan... kung sana pinili ko ang pag-ibig kesa ang pangangailangang personal ko, ako sana iyon... at ang sarili naming anak.

Nakarating na sila sa harapan ko. Pinilit kong tumayo ng tuwid at pinalis agad ang luhang hindi namalayang naglandas dahil sa sakit na nadama.

Inihakbang ko ang kaliwang paa para umalis na doon. Maglalakad nalang ako. Tanginang tricycle, 'yan. Kaya ko ang sarili ko! 'Diko kailangan 'yan!

Ngunit pangalawang hakbang pa lamang papalayo ay pinigil ako ng sobrang pamilyar na boses.

"Rin?" Bumaling ako sakan'ya gamit ang blangkong mga mata. "Buo na ang desisyon ko, Jam. Hindi mo na 'yon mababago," Umiiyak na siya. Maging matatag ka, please. 'Wag kang maawa. Tandaan mo lahat ng kasalanan niya. Marami na siyang ibinigay na sakit ng ulo sa'yo. 'Wag mo siyang pakinggan.

"Paano naman ako, Rin? Hindi ko kaya. Hindi ko kayang mag-isa." Bumaling ako sa iba nang makitang nagsimula na siyang humikbi.

"Talaga? Tignan mo nga sarili mo. Nandito pa ako pero nag-iinom kana naman," huminga ako ng malalim pagkatapos ay huminga ng malalim, hindi parin tumitingin sakan'ya.

"Pero... nagpaalam naman ako sa'yo diba? Sabi mo oo. Akala ko ba okay tayo, mahal? Diba napag-usapan na natin 'to? Sabi mo, oo, pwede tayo mag-ldr. 'Wag mo naman ako paasahin, oh. Mahal na mahal kita," humakbang siya papalapit sa'kin, humakbang naman ako papalayo.

"Hindi porket um-oo ako, pwede na! Palagi ka ng ganyan, eh! Nakakasawa narin, Jam! Malay ko ba kung mambabae ka pag-alis ko diba! Kilala ko mga kaibigan mo—" napatili ako sa gulat nang suntukin niya ang pader sa gilid ko. Umiiyak siyang bumaling sa'kin. Pulang pula ang mga mata niya dala ng kalasingan at pag-iyak.

"Tangina naman, Rin! Anim na taon na tayo! Sa anim na taon na 'yon hindi kita niloko! Akala ko ba kilala mo'ko? Mahal naman... 'wag na ganito."

"Maghiwalay nalang tayo," tumitig ako sa mata niya. "Ano?" sagot niyang nanghihina. "Ang sabi ko maghiwalay na tayo!"

Nagulat siya sa pag-sigaw ko. Mabilisan siyang lumapit sa'kin at lumuhod. Nadurog ulit ang puso kong makita siyang ganito. Pero kailangan. Kailangan kong maging matatag.

Humihikbi siyang nagsalita at nagmamakaawa na 'wag ko siyang iwan. "Mahal..." ni hindi niya maituloy ang gusto niyang sabihin sa'kin. " 'wag mo naman akong iwan," hindi ako gumalaw at nanatiling walang imik. "Kaya natin 'to. May messenger naman diba. Pwede tayo mag-video call don. 'Wag mo'ko iwan." Unti-unti akong nauupos. Unti-unti akong naawa. Kasi alam ko sa sarili ko mahal na mahal ko siya. Pero hindi siya magtitino kung nandito ako. Hindi siya gagawa ng ikakaunlad niya bilang tao kung mananatili akong sumasalo sakan'ya sa lahat ng bagay. Kaya ko pinili 'to... para sakan'ya rin naman.

"Sorry, Jam... pero ayoko na," kinalas ko ang mga bisig niyang nakayakap sa mga binti ko. Nanghihina niya akong binitawan unti-unti. Umiiyak parin.

Iniwan ko siya sa kalyeng iyon sa dis oras ng gabi. Mag-isa. Mag-isa rin naman ako.

Naramdaman ko ang paunti-unting pagpatak ng ulan. Sumabay ang mga luha ko. Mabibigat na hakbang ang ginawa para makalayo agad doon. Sobrang sakit hayaan ang taong mahal mo. Sobrang sakit na ikaw 'yung mas mature at makakaintindi kaya kailangan mong bumitaw. Sobrang sakit mang-iwan kesa ang maiwanan.

"Rin! Ikaw nga 'yan!" Galak ang naaninag ko sa mga mukha nilang tatlo. Si Jam, Shane at ang inaanak ko. Ngumiti ako at lumapit. Alam ko. Ang tanga ko.

"Hello, pamilya Nallana! Long time no see!" Tumatawa kong saad at lumapit sa batang babae. "Ninang Mae! Ang ganda, ganda mo po!" Humalik siya sa'kin. "Syempre mana ka sa ninang mo, Belle!"

Sobrang nakakatawa na nakakalungkot. Iniwan ko si, Jam, oo. Para tulungan siyang mag-grow at para na rin sa sarili ko. Pero sa puso ko, hiniling ko parin na kahit ilang taon pa ang lumipas, sana kami parin. Umiiyak parin ako sa gabi. Kasi... bakit hindi ako? Ang gaga ko diba. Sana nga ako nalang ulit eh.

Mahal ko parin siya. Hindi na 'yon mawawala. Kasi siya ang una ko sa lahat. Sakan'ya ko naranasan ang pagmamahal na hinding hindi ko ipagpapalit sa iba. Pero, hindi kami pareho. Dahil sa pang-iiwan ko sakan'ya... doon niya nahanap 'yung pagmamahal na para talaga sakan'ya. At sino ba naman ako para hadlangan siya r'on?

Mga Kwento ng SakitWhere stories live. Discover now