Ikaw Parin

290 13 0
                                    


Lumagok ako sa beer na hawak habang naka-upo sa isang bench malapit sa pool. Ninamnam ko ang nag-samang pait at sarap ng alak sa aking dila at lalamunan. Habang ang mga mata'y nakatitig sa kawalan, tumatagos lamang ang paningin sa mga nag-sasayawang tao sa harapan at nagtutulakan pahulog sa swimming pool.

Bakit nga ba ako napunta ulit dito?

"Cres sama kana dali! Ngayon lang naman ito. Ngayon lang uli ako nag-yaya! At ngayon ka lang sasama, kaya tara na!"

Napairap ako habang inaalala ang pamimilit ni Jane sa'kin, para lamang pumunta sa isang pool party. Hindi ko gusto ang mga party, inuman lang siguro, oo. Pero dahil grabe na siya kung maningil ay pinagbigyan ko na.

Napalinga-linga ako nang mapansing hindi na bumalik si Jane sa lamesa namin matapos niyang mag-paalam na mag-c-cr lang daw siya. Hindi ko tuloy alam kung mag-sisisi na ba akong sumama rito.

Tatayo na sana ako ng may biglang umupo sa aking tabi. Balak ko sanang kumuha ng beer sa counter ngunit hindi ko magawa dahil sa nakaharang na tao sa daraanan ko.

"Excuse me. Pwede paraan?" mahinahon kong saad.

Nakatalikod ang lalaki sa'kin. Pamilyar ang kanyang likod, nakakapagtaka.

Kakalabitin ko na sana siya para paraanin ako pero agad akong napahinto nang bumaling siya sa'kin.

Bumilis bigla ang pagtibok ng puso ko. Hindi na alam ang gagawin. Itutuloy pa ba ang pag-alis o mananatili dahil sa presensya niya ulit... matapos ang limang taon. Oo, limang taon nandito ulit siya. Gwapo parin. Nakangiti habang tinititigan ako sa mata.

Napakadaya. Heto ako halos himatayin na sa kaba habang siya'y kalmado lang. Na para bang hindi niya ako biglang iniwan.

Taliwas sa ginawa niya noon sa'kin, pinili kong manatili at bumalik sa pag-kakaupo upang harapin siya.

"Jake," bigkas ko sa pangalan niya.

"Cres, long time no see," ngumiti siya sa'kin. Sinuklian ko ito ng tipid na ngiti. Ewan ko lang kung ngiti paba ang ginagawa ko o ngiwi na.

"Kamusta ka na?" saad niya pagkatapos ng ilang sandaling katahimikan.

"Okay lang. Balita ko ikinasal ka na," muntik na akong mautal sa huling pangungusap.

"Oo, buntis na nga ulit si Mary."

Bumaling ako sakan'ya nang marinig ang saya sa kan'yang boses. Wala manlang akong naramdaman na pag-sisisi sa bawat salitang binibitawan niya. Na parang plinano niya lahat ng iyon.

"Talaga? Ilang buwan na?"

"Mag-tatatlo."

Pilit kong nilunok ang bikig sa lalamunan. Ayokong umiyak. Tangina, sobrang tagal na no'n, Cre. Limang taon ka nang pinag-palit at iniwan. Kelan mo ba 'yan matatanggap?

"Ikaw, may boyfriend ka na ba?"

Tumawa ako sa tanong niya. Para narin mapigilan ang sarili sa pag-iyak. Sobrang sakit.

"Wala pa. Ewan ko," Bumuntong hininga ako para sa karugtong. "Career muna."

"May tanong ako, Jake," Pilit kong pinatatag ang sariling boses. Kailangan kong tanungin 'to. Para naman makaahon na ako. Ang hirap na araw-araw akong gumigising sa loob ng isang taon para pagdudahan ang sarili at isipin kung anong ginawa kong mali... bakit niya ako iniwan?

"Bakit mo ginawa 'yon?" Sa pagpikit ko, naramdaman ko ang isang luhang pumatak sa kaliwa kong mata. Hindi ko pala kaya. Hindi ko kayang hindi umiyak.

"Ang alin?" Nanatili siyang nakatingin sa harapan.

Tumawa ako ng patuya. Bumaling siya sa'kin. Nagtataka sa pag-tawa ko.

"Ang iwan ako ng walang eksplanasyon," tuloy-tuloy kong saad. Nagpapasalamat sa sarili na hindi nautal.

"Hindi ko alam," malungkot siyang ngumiti at tumingin sa mga mata ko. Iniangat niya ang kanang kamay para abutin ang pisngi ko. Sinundan 'yon ng aking mga mata. Pinunasan niya gamit ang kan'yang hintuturo ang nag-iisang luha sa aking pisngi. Dinama ko ang init ng kan'yang palad sa mukha ko. Limang taon akong wasak pero sa init na galing sakan'ya, unti-unti akong nabubuo.

"Hindi ko alam kung anong nangyari," bumuntong hininga siya. "Paggising ko isang umaga, kailangan ko nang mamili. Ang magiging anak ko ba o ikaw."

Nagsilbing gatilyo ang mga huli niyang kataga para bumuhos na parang talon ang mga luha kong kinimkim para lang sa araw na ito. Sakit. Pait. Pagkamuhi. Panghihinayang. Lumabas silang lahat sa aking mga mata. Limang taon akong hindi naging masaya. Pero ngayon, naiintindihan ko na ang lahat- hindi talaga kami para sa isa't isa.

"Nabuntis ko si Mary, Cres. Hindi ko alam kung pa'no ko sasabihin sayo," tumingala siya para pigilin ang pag-iyak nang makita akong gano'n. Naaninag ko sa kan'yang mga mata ang awa... at pagmamahal.

"Nalaman ko rin naman kalaunan. Palagi nilang ipinapaalala sa'kin na iniwan mo ako kasi nakabuntis ka ng iba. Sobrang sakit. Hiningi ko 'yon sayo, Jake. Gusto ko rin ng anak. Pero sa iba mo ibinigay. Bakit naman gano'n?" Patuloy ang pagragasa ng luha hindi na inalintana ang mga taong tumitingin sa amin. Hinintay ko 'to ng limang taon. Hinding hindi ko ito sasayangin.

"Bakit sa'kin ang ramot mo? Bakit sobrang dali 'pag siya? Diba ilang araw nalang ikakasal na tayo? Ba't biglang gano'n? Biglang wala ka na?"

Siya 'yung nakikita ko sa habang buhay. Noon hanngang ngayon. Walang nagbago. Nakagawa man siya ng kasalanan sa akin patuloy ko parin siyang mamahalin.

"I'm sorry..." Tanging nasabi niya.

Ngumiti ako liham parin ng luha ang aking mga mata. "Pinapatawad na kita."

No'ng araw na nalaman kong iniwan niya ako para maging ama sa anak niya... pinatawad ko na siya. Naisip ko, hindi ako nag-kamali ng lalaking minahal. Nag-mahal ako ng lalaking magiging isang mabuting ama sa kan'yang mga anak. Ang lungkot lang na hindi ako ang ina ng mga iyon.

"Mahal na mahal kita, Cre. Salamat," tumango siya sa'kin at tumayo na.

Walang paalam siyang tumalikod at umalis, katulad ng dati... Mahal na mahal din kita.

Mga Kwento ng SakitWhere stories live. Discover now