Chapter three

11.7K 244 16
                                    


NAPABALIKWAS ng bangon si Chazel nang magising. Sa panaginip niya ay narinig niya ang malakas na alulong ng aso. Nakahinga siya ng maluwag nang mapagtanto na nasa sariling silid na siya. Muli sana siyang mahihiga nang lumitaw sa diwa niya ang imahe ni Race. Ito ang naghatid sa kaniya sa bahay nila!

Umahon siya sa kama. Suot pa rin niya ang dating damit nang nagdaang gabi. Hindi na napalitan iyon ni Nanay Lauring dahil ayaw siya nitong maistorbo sa pagtulog. Nagtungo siya sa banyo at nag-shower. Nang makatapos ay nagbihis siya ng kaniyang three-piece suit. Ayon sa wall clock sa dingding ay alas-nueve na. Tinanghali siya ng gising. Pero kahit late na siya sa opisina ay pumapasok pa rin siya. Siya naman ang boss doon.

Sa hagdan pa lang ay naamoy na niya ang mabangong niluluto ni Nanay Lauring. Hindi pa siya nag-uumagahan. She used to eat heavy breakfast in the morning. Hindi naman siya tabain kahit malakas siyang kumain.

Ang paborito niyang kainin sa umaga ay sinangag, prinitong boneless bangus na ibinabad sa suka na ang katerno ay ginayat na kamatis, at sunny-side-up eggs. Ang pinakapinale ay ang purong gatas ng baka. Hindi niya alam kung saan iyon hinahagilap ni Nanay Lauring. May taga-rasyon daw dito ng nasabing gatas.

Naalala niya ang kotse niya. Dumaan muna siya sa front porch at tinanaw ang garahe. Hindi niya inaasahang makikita roon ang kaniyang Toyota Vios.

"Bebang!" tawag niya sa isa nilang kasambahay. Dumating ang tinawag, may hawak na basahan sa kamay. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa beinte anyos lang ito.

"Ma'm, bakit po?"

"Sino ang nagdala ng kotse ko?" Isang tao lang ang alam niyang gagawa niyon.

"Si Sir Race po. 'Yong model sa TV." tila kinikilig na sabi nito. "Ma'm, mas guwapo pala siya sa personal at ang bait-bait pa. Akala ko suplado siya gaya ng naririnig ko. Magkakilala pala kay—" Tumigil ito sa pagsasalita nang pandilatan niya ito. "Eh, Ma'm, sorry po."

"Paano rin ako nakarating sa silid ko kagabi?" Wala siyang natatandaang umakyat siya ng hagdan at natulog sa malambot niyang kama.

"Si Sir Race din po, Ma'm. Pinangko niya kayo dahil tulug na tulog kayo. Siya rin po ang naghatid ng kotse ninyo ngayong umaga lang. Nag-usap lang sila sandali ni Nanay Lauring, tapos, umalis na siya." paliwanag nito sa kaniya.

May ginawa kayang kalokohan si Race sa kaniya habang natutulog siya? But one corner of her mind told her that Race was not a trouble. He was but a harmless guy with a big heart.

Ah, ewan!

Kasunod niyang pumasok si Bebang sa kabahayan. Nagpatuloy ito sa paglilinis sa sala. Siya naman ay dire-diretso sa komedor. Pagbungad niya roon ay nakahain na ang mga pagkain sa mahabang mesa. Nakatalikod si Nanay Lauring sa kung anong ginagawa nito.

"'Morning, Nay." bati niya sabay hila ng upuan.

""Morning din, iha." Nakangiting idinulot nito ang gatas ng baka sa kaniya. "Alam kung magigising ka na kaya ipinaghanda na kita ng almusal." Dumulog ito sa hapag at sinabayan siya.

Ganoon sila ni Nanay Lauring, magkasamang kumakain. Ina na kung ituring niya ito dahil ito ang nag-alaga sa kaniya magmula noong sanggol pa siya. Ito ang nag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan niya. Ito rin ang nagpapayo at gumagabay sa kaniya. Kaya naman mahal na mahal niya ito. Karay-karay din niya ito kapag gusto niyang magbakasyon saan mang lugar.

Kaibigang matalik ito ng kaniyang Lola Juliana na kasa-kasama nila sa bahay na iyon. Balo na ang itinuturing niyang nanay-nanayan. May isang anak na babae ito na pinag-aral ng lola niya sa kolehiyo na ngayon ay nasa Baguio at may-asawa na. Dalawa na ang apo nito.

When I See You Smile (published under Phr completed)   Where stories live. Discover now