Second Stop

1.4K 47 6
                                    

Ikalawang Kabiguan

Lugar:     Sa classroom

Oras:      Labasan, mga alas-singko ng hapon

Kanino:  Sa kanya…

 

          Tinalikuran ni Lance si Alyanna at saka inayos ang gamit niya. Kunwa-kunwari nag-aayos ng gamit. Pero wala namang magulo doon.

          “Lance, uy. Ano? Sasabay ka bang umuwi?”

          Tinalikuran niya ulit si Alyanna. Tinanggal niya ang mga libro sa bag saka padabog na pinagpag ang loob ng bag niyang bagong laba. Isa-isa niyang binuklat ang mga notebook niya at tiningnan kung may mga nakasingit na basura o patapon na papel doon. Wala siyang nakita. Kaya pinilas niya isang pahina ng mga notes niya. Kunwari hindi mahalaga. Ginusumot niya iyon at tinapon sa kahon ng ipunan nila ng mga itinapong white paper. Kukunin na lang niya iyon bukas ng umaga.

          “Lance, uy.”

          Pumunta na si Alyanna sa harap niya. At dahil gusto niyang makita nito ang busangot niyang itsura, hindi na niya ito tinalikuran. Nakatungo lang siya at pinagpag na naman ang bag niya.

          “Galit ka ba?”

          Isa pang ikinaiinis niya kay Alyanna, wala itong common sense. Nakita nang nagdadabog siya, itatanong pa kung galit siya. Gusto niya itong bulyawan, hindi! Hindi ako galit! Ang say-saya ko nga! Party-party!

          “Anong nangyari?”

          Napatingin siya dito. Bakas sa mukha ni Alyanna ang pag-aalala. Naisip na naman niya ang Facebook. Picture ni Alyanna, katabi ang kaklase niyang si Ren. Magkayakap ang dalawa. Masaya. Naka-wacky pa nga si Ren eh.

          “Uy, Lance. Bakit? May ginawa ba kong masama?”

          Yung comment pa ng mga ka-batch nila sa comment box sa baba ng picture. Mahigit isang daan yun at halos ginawa nang chat box ang comment box. Kahit marami, kahit nasasaktan at naiinis siya sa mga nabasa niya, pinagpatuloy pa rin niya ang pagbabasa nang nagdaang gabi. Kaya nga ba at puyat siya. Isama pa diyan ang mga comment na ilang ulit niyang binasa dahil hindi niya ma-take. Hindi niya ma-absorb.

 

          “Lance, ano bang ginawa ko?”

          Unang nag-comment ay ang walang utang na loob na katabi niyang si Marissa. Sabi pa nito, ang cute daw at bagay raw ang dalawa. Matapos nitong araw-araw na humingi ng papel sa kanya, hindi niya matanggap na nag-comment ito ng ganoon. Magko-comment din sana siya pero biglang lumabas ang isa pang comment. Galing naman kay James, ang kabarkada niyang balimbing pala. Sabi ni James, ligawan na daw dapat ni Ren si Alyanna. Hindi ba nito pansin na ‘tight’ sila ni Alyanna tapos paliligawan lang nito kay Ren? Sumunod ang comment ng adviser nila. Sabi pa niya, may suma-something na raw pala sa klase niya. Ipagpatuloy lang daw nila ang ‘magandang gawaing’ yun. Marami pa ang nag-comment. Hanggang sa dumating na ang comment ni Ren. Ito ang sabi niya:

          “Hehehe, so beautiful talaga Alyanna. Next time ulit!!  ♥

 

          Hanggang sa nag-comment na rin si Alyanna:

          ”Thx po sa lyks. Ren, sige see you next time!! Excited much! :* ♥”

          Hindi siya magaling sa internet language, pero alam naman niyang ang ibig sabihin ng “:*” ay kiss at “♥” ay love. At doon pumapasok ang hinanakit niya. Anyare sa HHWWPSSP nila? Anyare sa payakap-yakap nila? Iyong araw-araw silang magka-text? Yung sabihan nila ng ‘I love you’ at ‘I miss you’? Iyong palagi silang magkatabi tuwing field trip, hihilig ito sa balikat niya at nakaakbay siya sa mga balikat ni Alyanna? Iyong sabay silang uuwi at may hug pa sa tapat ng bahay ni Alyanna? Anyare?

          “Lance, bakit ba?” mataas ang tonong tanong ni Alyanna. Doon na na-alarma si Lance.

          “Nakakainis lang yung mga tao na nag-pi-picture nang magkayakap tapos i-po-post pa sa Facebook.”

          Kinuha na niya ang bag niya at lumabas na ng classroom.

          “Lance! Teka lang!”

          Tumigil naman siya nang tawagin siya ni Alyanna. Natigil din sa wakas ang pagkpapakipot niya.

          “Ako ba yung itnutukoy mo?”

          Oo. Ikaw nga Alyanna ang tinutukoy ko.

          “Bakit ka ba nagagalit? Dahil lang dun sa picture?”

          Anong ‘lang’? Eh magkayakap kayo ni Ren sa picture. Naka-public pa. Tapos ‘lang’?

          “Ano namang masama sa ginawa ko?”

          Sana inisip mo man lang na masasaktan ako Alyanna.

          “May gusto ako kay Ren. May gusto siya sa ‘kin. Anong masama dun?”

          Doon na siya tuluyang napasagot kay Alyanna. “Hindi mo man lang inisip kung anong mararamdaman ko. Sana bago mo nai-post yun, inisip mo kung anong mangyayari sa atin.”

          Halata na ang inis sa mukha ni Alyanna. “Sa atin? Bakit? Ano ba tayo?”

          Ilang segundong nagtinginan lang silang dalawa. Si Alyanna na mababakas ang inis sa mukha. At si Lance na itinatago ang tunay niyang nararamdaman. Hanggang sa nauna nang umalis sa kanya si Alyanna.

          Nagising tuloy siya sa malalim na imahinasyon niya.

          Hindi nga pala sila.

STOPOVER (Filipino One Shots)Where stories live. Discover now