Langgam, Jeep at Pamasahe

14 0 0
                                    

Umaga na naman! Gigising para tuparin ang mga pangarap ng boss ni Berlie. Mag-aalmusal ng dalawang piraso ng pandesal at isang tasa ng kape, kape na ants flavor, dahil sa di maubos ubos na langgam sa lalagyan ng asukal. Wala namang nakasulat na Sugar, pero alam na alam ng mga langgam kung alin ang sugar sa mga lagayan, wala pang nakitang naligaw sa lagayan ng asin. Kasama na sa ritwal ni Berlie ang pamimingwit ng langgam sa kape niya gamit ang kutsarang kapag ibinabad mo sa kape ay mapapansin ang pagkalat ng sebo. Hindi trip ni Berlie ang creamer, pero minsan nilalagyan na niyang creamer ang kape niya para mas madaling makita ang bangkay ng mga langgam. Tatlong klase ng langgam ang sumasalakay sa lagayan ng asukal, una ay ang langgam na may amoy na kapag pinisa mo at inamoy, amoy tinapay na panis. Pangalawa, yung langgam na anak ng mga mainstream na langgam na solid kung makakagat, sobrang kati at minsan namamaga pa. Kulay red ang mga langgam na ito at mabagal kung kumilos. Pangatlo, yung mga langgam na nagiging pera daw sabi ng mga matatanda, yung black na kasing bilis ni roadrunner. Laging nagmamadali, hindi nangangagat at nakakakonsensiyang patayin, maasim ang lasa at hindi cool na lunukin. Tapos na tayo sa langgam. Dumako naman tayo sa pagligo ni Berlie na every other day lang kung mangyari. Paboritong shampoo ni berlie ang tira ng naunang naligo, madalas ang kanyang kuya at madalas din silang mag away dahil laging inuubos ni Berlie ang tirang shampoo na dapat ay para bukas pa. Si Berlie ang maintenance sa kanyang pinapasukang trabaho. Electrician, janitor, taga-bili ng ulam ng admin, runner, taga-deposit ng pera sa bangko at clown ng grupo. Siyam silang magkakaibigan, isa sa admin na si Jerick, anim sa production na sina Arwin, Jerry, Mike, Boy, Nestor at Sherwin at isa sa Engineering Department na si Rey. Silang siyam ang laging magkakasama tuwing naggu-goodtime, badtime at break time. Parang magkakapatid ang turingan, pero bawal ang utangan. Bakit? Nakakasira ng pagkakaibigan, iyan ang rules na ginawa ni Jerick dahil siya ang may pinakamalaking sahod sa kanila.

Papasok na si Berlie sa trabaho, sakay ng jeep. Hindi aalis ang jeep hangga't di napupuno. Nakaupo sa siya sa dulo, may sumakay na estudyante, at ilang minuto lang ay may sumakay na isa pang estudyante. Magkakilala sila kaya naman nang magbabayad na nagkaroon sila ng contest na kung sino ang manlilibre sa kanilang dalawa. "Hindi tol! Ako na!" sasagot ang isa ng, "Hindi! Ako na!" sasagot ulit ang isa "Hindi tol! Ako na lang" ang babait ng mga estudyanteng ito na kung makapanlibre akala mo sila ang kumakayod sa pamilya nila. Nainis si Berlie at kinuhang pareho ang bayad, "Ang gulo niyo! Akin na!" at iniabot niya itong pareho sa driver, "Tatlo po kami, keep the change!". Natulala ang dalawang estudyante kay Berlie na tingin naman ng tingin sa kanila na may ngiting may halong insulto. "Para!" bababa na ang ating bida. Bago bumaba, "Bukas mag jak-en-poy na lang kayo kung sino ang mamamasahe." sabi niya sa dalawang estudyante. Sadyang tayong mga pinoy ay likas na matulungin na minsan ay halos makipag-away pa tayo sa jeep kapag nakasakay natin ang mga kakilala at nakikipagcontest kung sino ang makapanlilibre ng pamasahe, samantalang minsan kulang lang ng dalawang piso ang sukli sa tindahan ay nagrereklamo tayo, mahal lang ng piso ang paninda ay lumilipat na tayo sa mas mura at todo habol sa mga discount discount, pero pagdating sa jeep, sobrang galante natin.

Pagdating ni Berlie sa factory. Walang tao. Kung iisipin, late na nga siya pero wala pa ring tao. Nakalocked ang gate. Wala rin ang guard. "Kung walang pasok, bakit pati ang guard ay wala?" tanong ni Berlie sa sarili.

Kamu telah mencapai bab terakhir yang dipublikasikan.

⏰ Terakhir diperbarui: Sep 14, 2016 ⏰

Tambahkan cerita ini ke Perpustakaan untuk mendapatkan notifikasi saat ada bab baru!

TukmolTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang