Chapter 28 - Pamilyang akin sanang bubuhayin

3.5K 67 1
                                    

Maly

Buo ang loob kong tahasang pinasok ang kuta ng taong maya-maya lamang ay isasama ko sa meet and greet ko kay satanas.

Lahat ng magtangkang pumigil sa akin ay walang pagdadalawang isip kong pinapapupukan. Lahat ay sapol sa ulo.

Sa huli, sila na mismo ang nagbigay daan upang mapasok ko ang silid kung nasaan ang aking pakay. Nasa toktok ito ng sikat na condominium na pagmamay-ari niya mismo. Sa pinaka taas na palapag kung saan dadaan ka muna sa palapag na blangko at tanging mga tauhan niya ang makikitang nakabantay.

Manhid na ako sa takot, kaba at pangamba. Tanging galit, panibugho, poot at pagkamuhi na lamang ang mayroon ako.

"Oh, ginulat mo naman ako Maly. Di ka man lang nagpasabi na pupunta ka. Akala ko ba huling pagkikita na natin noong nakaraang linggo?"

Bungad ni Congressman Ramiro sa pagpasok ko.

"BAKIT.MO.PINAPATAY.ANG.MAG-INA.KO?"

Matigas at may diin sa bawat salita ang tanong na ginawa ko.

"Masamang magbintang bata----"

Nasapol ng bala galing sa hawak kong baril ang sigarilyong sisindihan niya sana. Nakatagilid siya habang kausap ako kaya tanging dulo lamang ng sigarilyo ang pinuntirya ko. Tanda na hindi ko kailangan ng kahit na anong mapapalabok at mabubulaklak niyang pananalita.

"Ignorante lang ako congressman pero hindi ako tanga!"

Sumeryoso ito at humarap ng maayos sa akin.

Simula pa lang, pinagdudahan ko na ang intensyon nila sa pagbibigay ng huling misyong iyon. Alam kong may nakatagong plano sa likod noon pero hindi ko kailanman inasahan na ang pagpatay sa mag-ina ko ang planong iyon.

Sigurado akong siya ang may gawa ng kahayupang iyon kaya matapos makuha ng mga pulis ang statement ko tungkol sa pagkasunog ng aming bahay na humantong sa kamatayan ng asawa't anak ko ay blanko ang mukha ngunit may nagngangalit na mga mata kong siyang tinungo rito.

"Dahil sagabal sila sa'yo, sa akin at sa perang kikitain natin. Magaling at malakas ka Maly, nanghihinayang ako na magagawa mong talikuran ang mundong makakapag bigay sa iyo ng kayamanan at karangyaan dahil lang sa iilang tao. Dapat nga ay magpasalamat ka dahil inalis ko sa landas mo ang tinik na posibleng bumara sa lalamunan mo dahil sila ang magiging kahinaan mo sa oras na nasa matayog na toktok ka na. Hindi mo ba pinangarap na tumira sa isang kastilyo at mamuhay bilang hari na yuyukuan at luluhuran ng buong mundo?"

Humigpit ang pagkakapit ko sa hawak kong baril. Nagngangalit na ang mga panga ko at gigil na gigil na akong paputukan siya ngunit kapag ginawa ko iyon, magiging madali ang pagkamatay niya. Hindi siya maaaring mamatay sa ganoon kasimpleng paraan. Sisiguruhin ko na pahihirapan ko siya hanggang sa dumating sa puntong siya na mismo ang magmakaawa para tapusin ko ang buhay niya.

Bahagya akong ngumisi bago nagsalita.

"Ang dami mong sinabi. Bakit hindi mo na lang ako deretsohin na para kang mapipilayan kapag tuluyan akong nawala sa pangkat mo kaya niligpit mo ang dahilan kong bakit ako tumiwalag sayo! Gan'on kasimple congressman! Pero alam mo, sa ginawa mo hindi ka lang mapipilayan dahil sisiguraduhin kong mapupulbos lahat ng buto mo sa katawan. Ang mag-ina ko ang buhay ko at ngayong wala na sila, binigyan mo ako ng dahilan para isama ka sa ginawa kong libingan. Wala ka ng pakinabang sa'kin congressman. Hindi ko na kakailangain iyang pera mo dahil pinatay mo na ang pamilyang akin sanang bubuhayin!"

Pagkatapos kong magsalita ay mabilis kong inalabas ang isa ko pang baril at kasing bilis ng hanging pinaputukan lahat ng kaniyang mga tauhang nasa loob noon at nagbabantay.

PSYCHO HEART: ZEUS CREEDWhere stories live. Discover now