CHAPTER ONE

25 3 0
                                    

NAGISING si Charmaine sa tunog ng alarm clock. Pupungas-pungas na inabot niya ang nag-iingay na bagay at in-off.

Lunes. Pasukan na naman.

Ibinalot pa niya lalo ang sarili sa makapal na kumot ng maramdaman ang nanunuot na lamig hatid ng hangin sa madaling-araw. Mas lumamig pa ang klima sa Tagaytay ngayong palapit na ang buwan ng Disyembre. Nilingon niya ang kabilang kama. Mahimbing pa rin natutulog ang kanyang Ate Amanda. Balot na balot din ito ng kumot.

Nakarinig siya ng mahihinang kaluskos na nagmumula sa ibaba. Maingat siyang bumangon at nag-inat upang hindi makalikha ng anumang ingay. Pumanaog siya pagkatapos maghilamos at nagtuloy-tuloy sa kusina. Nadatnan niya ang ina sa harap ng malaking kawali at may hinahalo gamit ang sandok. Amoy latik ang buong kusina. May nakalatag na mga bilao ng biko at sapin-sapin sa ibabaw ng mesa.

"Magandang umaga, 'Nay," bati niya at naupo sa harap ng mesa.

Nilingon siya ng inang si Teresa. "Magandang umaga din, Cha. Masyado pang maaga. Sana natulog ka pa," anito at ibinalik ang atensyon sa nilulutong latik.

"Okay lang po. Sanay na po akong gumising ng maaga. Para may katulong din kayo."

Dinampot niya ang gunting at nagsimulang gupitin ang mga dahon ng saging. Iyon kasi ang magsisilbing balot kapag nahati na ang mga kakaning ilalagay sa indibidwal na mga plastik.

May maliit na puwesto sa palengke ang ina kung saan ito nagtitinda ng mga gawang kakanin. Minsan ay tumatangggap din ito ng order para sa mga okasyon. Ang kanyang amang si Sergio naman ay pumapasada ng pampasaherong jeepney. Sapat lamang ang kinikita ng mga magulang para matustusan ang pang-araw-araw na gastusin nilang mag-anak at sa pag-aaral nilang magkapatid.

Ilang buwan na lang mula ngayon ay magtatapos na ang kanyang Ate Amanda sa kolehiyo. Samantalang siya ay nasa second year high school pa lang. Maraming taon pa ang kanyang bubunuin sa pag-aaral. Kaya hangga't maaari ay tumutulong siya sa ina upang mapagaan ang trabaho nito. Nakasanayan na niyang bumangon sa madaling-araw upang tulungan ito sa pagluluto at paghahanda ng inilalako nitong kakanin. Kahit minsan na kinukulang siya sa tulog ay hindi siya kinaringgan ng reklamo dahil gusto naman niya ang ginagawa. Hilig talaga niya ang pagluluto. Ngunit ang pinakagusto niya talaga ay ang mag-bake.

Noong grade six pa kasi siya ay nagkaroon ng culminating activity ang kanilang klase sa Home Economics and Livelihood Education. Inatasan silang magluto ng iba't-ibang uri ng dessert. Napagdesisyunan ng kanilang pangkat na gumawa ng vanilla cupcakes at chocolate chip cookies. That is when she fell in love with baking. Hindi niya sukat akalain na mag-e-enjoy siya sa pagbe-bake.

Simula noon, pinangarap na niyang maging pastry chef balang-araw. Kaya nga sa tuwing may magpapagawa ng puto't kutsinta sa kanyang ina ay nagpiprisinta siyang tumulong sa paggawa ng mga ito. Ini-imagine kasi niya na cupcakes ang mga iyon.

Alam niyang mahal ang kursong Culinary sa kolehiyo. Siguro ay magse-selfstudy na lang siya. Tutal marami namang libro tungkol sa pagbe-bake ang pwede niyang mabili, kahit mga second hand books. Pangarap din niyang magkaroon ng oven. Nagsimula na siyang mag-ipon ng perang pambili niyon.

"Kumusta ang pag-aaral mo?" narinig niyang tanong ng ina.

"Okay naman po."

"May mga tumutukso pa rin ba sayo?"

Napahinto si Charmaine sa ginagawa.

Madalas siyang maging tampulan ng tukso noong nasa elementarya pa lamang siya dahil sa kanyang timbang. Kung anu-ano ang ikinakabit ng mga kaklase niya sa kanyang pangalan—taba, baboy, elepante at balyena.

Isang araw, umuwi siya na iyak ng iyak ng tuluyan siyang mapahiya sa harap ng klase. Ayaw na niyang bumalik sa paaralan. Nagawa niyang pumasok kinabukasan pagkatapos siyang kausapin ng mga magulang. May mangilan-ngilan pa rin ang nanunukso sa kanya kahit pinagsabihan na ang mga ito ng kanilang adviser. Hindi na lamang niya pinansin ang mga ito at nagbingi-bingihan. Kahit ang totoo ay nasasaktan pa rin siya.

Snow DwightWhere stories live. Discover now