Chapter 34

84.9K 2.4K 447
                                    

Nasugbu, Batangas

HINAPON NA AKO ng dating dito sa Batangas. Sobrang trapik!

Hinihiling ko na nga lang na sana wala pa si Rex sa resort. Mas gusto kong makausap si Karina. Kapag si Rex kasi, hindi pa ako nag-uumpisang magsalita, sinasapak na ako.

Mukha namang umaayon sa 'kin ang pagkakataon. Pagkapasok ko kasi dito sa Jupiter, si Karina ang unang naabutan ko. Nagwa-walis siya malapit sa pool.

Hindi ako nagsalita pero napansin niya ako agad. Ang bilis ngang umasim ng itsura niya.

Binitiwan niya ang kapit niyang walis tingting tapos namaywang. "Aba, hindi ka talaga napapagod, ano?"

Nilapitan ko siya. "Alam niyong wala sa bokabularyo ko 'yon." Nilipat ko ang tingin ko sa bahay nila. "Wala si Rex?"

"Pasalamat ka at wala. Dahil 'pag nakita ka na naman no'n na nandito, masasapak ka na naman, sinasabi ko sa 'yo."

Napabuntong-hininga ako. "Sanay naman na ako." Binalik ko ang tingin ko sa kanya. "Alam kong alam mo kung bakit ako nandito. Desedido pa rin akong malaman kung saan nakatira si Desa."

Hindi niya naman ako sinagot. Pinulot niya muna 'yong walis tapos nagpatuloy sa ginagawa niya. "Sinasayang mo na lang ang oras mo sa kakabalik-balik dito, Baron. Kalimutan mo na ang anak ko, kasi kinalimutan ka na niya."

"Ano?"

Huminto siya saglit sa pagwawalis para tumingin sa 'kin. "May bago na siyang nobyo sa Cebu."

Tangina. Napangisi ako. "Langya naman, maayos akong nakikipag-usap sa 'yo, hindi ako nakikipag-biruan. Wag niyo naman akong gina-gago. Lahat na lang talaga ginagawa niyo para lang tantanan ko na si Desa."

"Mukha rin ba akong nakikipag-biruan sa 'yo, ha, Baron?"

Napakunot ako ng noo sabay umiwas ng tingin. Nag-umpisa nang manginig 'tong kamao ko.

Binitiwan naman ulit ni Karina 'yong kapit niyang walis. "Sandali lang, maghintay ka riyan. Ipapakikita ko sa 'yo nang matahamik ka na."

Pumasok siya sa bahay.

Naiwan akong mag-isa dito na nagdidilim na ang paningin.

Pagkalabas ni Karina, may dala na siyang cellphone. Binuksan niya 'yon at inabot sa 'kin.

Litrato ni Desa 'tong nandito. May kasama siyang lalaki na nakayakap sa leeg niya mula sa likuran. Ang saya nilang dalawa at ako naman, selos na selos na.

"'Yan si Evo," turo ni Karina sa 'kin. "Ang bagong boyfriend ni Desa. Siya rin ang physical therapist na kinuha ng lola niya para gumaling at makalakad na siya ulit. 'Yang lalaking 'yan ang nag-alaga sa anak ko. Nagkamabutihan sila hanggang sa maging magkasintahan. Nito lang din sinabi sa 'min ni Desa no'ng huling beses na tumawag kami ro'n sa Cebu."

Nanginginig ang kamay ko habang hawak-hawak 'tong cellphone. Parang lahat ng tapang na binaon ko papunta rito, nawala na parang bula. Nanghina ako.

Binalik ko na sa kanya 'tong telepono tapos pumeke ako ng ngisi. Wala na akong masabi, na-blangko ako. Tinalikuran ko na lang siya para umalis na.

"Baron," tawag niya naman.

Huminto ako pero hindi ako lumingon.

"Wag ka na uling babalik dito," sabi niya. "Si Desa, malabo na siyang tumira dito sa Batangas. Doon na siya sa Cebu. Mas gusto niya na ro'n."

Hindi na ako nakinig. Tumuloy na ako ng alis.

Bigla akong nawalan ng gana sa lahat. Para na nga lang akong lumulutang ngayon habang naglalakad pabalik sa kotse. Wala akong maisip, wala akong lakas. Hindi ko na rin alam kung kakayanin ko pa bang magmaneho pauwi.

TLAD: Behind the Tattoos [Companion Book]Where stories live. Discover now