Kabanata 3 - Trahedya

6.5K 259 195
                                    

Pagal ang katawan na pumasok ako sa bahay. Nagdulot ng malaking ginhawa ang mas malamig na temperatura sa loob. Isinabit ko sa likod ng pinto ang bandana at salakot na suot-suot. Katatapos ko lang magtanim at magdilig ng gulay at halaman.

Binitbit ko ang pitsel at sinalinan ko ng tubig ang yari sa kahoy na iniinuman ni Imaran. Humihingal pa siya habang sabik na inilublob ang dila sa tubig. Nangingiting iniwan ko siya.

Kumuha rin ako ng isang basong tubig bago dumungaw sa bintana. Nasa tabi lang ng bahay ang taniman ng gulay. Mas malawak pa ito noong nabubuhay pa sina Nanay at Lola. Tatlo kasi kaming nagtutulong-tulong sa pagtatanim.

May mga alaga rin kaming manok, kaya halos lahat ng pang-araw-araw na pangangailangan ay mayroon kami. Bumababa lang kami noon sa bayan para bumili ng bigas at iba pang bagay na wala rito. Sinasabayan na rin namin ng pagbebenta ng gulay at halamang gamot habang naroon kami.

"Sa kubol muna ako, Imaran," paalam ko. Tumahol siya. Nilapitan ko siya at tinapik sa ulo. "Maiwan muna kita."

Iyon ang tanging lugar na bawal si Imaran. Doon lahat nakaimbak ang lahat ng gamit ko sa paggawa ng gamot, mga tuyong ugat, dahon ng halaman at mga gara-garapong halamang nakababad sa langis o alak.

Ilang oras akong namalagi sa kubol. Napangiti ako nang kinalampag ni Imaran ang pinto. Inunat ko ang nangangawit na likod at saka lumabas.

"Gusto mong maligo sa ilog, Imaran?"

Narinig ko ang masiglang sagot niya. Umikot-ikot pa siya sa kinatatayuan niya.

Tumawa ako. "Oo na! H'wag kang magmadali!"

Pumunta ako sa bahay at dumiretso sa silid. Ipinatong ko iyong itim na kapa sa suot ko. Sumunod si Imaran, tipong naiinip ito sa bagal ng kilos ko. Ipinadyak-padyak niya ang harapang paa.

"Teka lang po!" Binitbit ko ang mga daldalhing gamit. "O, siya! Tayo na!"

Mabilis na tumakbo si Imaran palabas ng bahay. Malakas na humalakhak ako habang sinusundan siya. Malayo na agad ang narating niya, ngunit ilang saglit lang ang lumipas, binalikan niya ako. Humihingal na dinamba niya ako bago siya muling tumakbo sa direksyon ng ilog. Ganoon palagi ang ginagawa niya hanggang sa mapagod siya at nagkasya na lang sa pagsunod sa tabi ko.

Malayo-layo rin ang ilog sa bahay. Nang makarating kami roon, hinubad ko ang botang suot. Ito na yata ang pinakamahalagang gamit ko. Gawa ito sa balat ng baka at sinadya talaga para sa akin. Sabi kasi ni Lola, proteksyon ko ito sa mga gumagapang na hayop dito sa gubat. Namatay kasi si Nanay sa tuklaw ng ahas. Hindi niya namalayan na nakagat siya at kumalat na sa buong katawan niya iyong kamandag bago namin nalaman, kaya huli na para bigyan siya ng lunas.

Sinunod kong hinubad ang pantalon at kamisetang mahaba ang manggas. Para din daw sa proteksyon ko ang ganitong suot. Sa kabila ng dahilang iyon, palaging nakasaya si Lola, hindi raw siya makahinga kung pantalon ang gamit niya.

Isinuot ko iyong dala kong puting kamison na hanggang hita ang haba. Nilabhan ko muna ang hinubad na damit bago ako lumusong sa tubig. Ito iyong paboritong parte ng ilog na palagi naming pinupuntahan ni Imaran. Malalim iyon at malawak. Dito ko rin nakita si Diego noon.

Sinabayan ako ni Imaran sa paglalangoy. Hindi siya naliligo hangga't hindi pa ako lumulusong sa tubig. Ilang sandali rin kaming nagtampisaw sa tubig nang bigla siyang huminto sa paglalangoy. Tumayo ang mga tainga niya na para bang may naulinigan siyang kakaibang ingay. Bigla siyang umalis sa tubig at patakbong pumunta sa loob ng gubat.

Kinakabahang nilangoy ko ang pampang. Ilang sandali lang nawala si Imaran sa paningin ko nang marinig ko ang isang malakas na putok ng baril. Kasunod noon ay ang iyak niya na tila nasaktan.

SilakboKde žijí příběhy. Začni objevovat