Kabanata 4 - Nakaraan

6.5K 237 203
                                    

Dumaan kami sa bahay para kunin iyong panghukay ng lupa. Iniwan ko na rin iyong dala kong gamit. Sumenyas ako sa kaniya na nasa labas ng bahay ang kailangan kong kunin at itinuro ko na rin kung saang banda ililibing si Imaran, sa likod at ilang metro lang ang layo sa bahay.

"Ikaw 'yong nakausap ko sa bayan," bigay konklusyon niya nang makita ang libingan nina Nanay at Lola. "Ikaw rin 'yong bata sa ilog."

"Ako nga," mahinang pag-amin ko.

"I'm sorry for your loss," sabi niya sa banyagang salita. Napansin niya ang pagkunot ng noo ko. "Nakikiramay ako."

Inilapag niya si Imaran at kinuha sa akin iyong pala. Tututol pa sana ako, dapat ako ang mag-asikaso niyon, pero napuna ko sa kilos niya na desidido siyang gawin iyon. Nagsimula siyang maghukay sa tabi ng puntod ni Lola.

Umupo ako sa batuhan at niyakap ang nanlalamig na katawan. Tumulo uli ang luha sa mata ko nang ilibing na ni Diego si Imaran at tinabunan ng lupa. Nang matapos, saglit na pinagmasdan niya ang lupang medyo nakaumbok bago siya humarap at mabagal na lumakad palapit sa akin.

"Salamat," mahinang sabi ko. "Alam mo ba na tumulong siya para iligtas ka namin sa ilog noon?"

"That makes sense. Parang may kasama ka nga no'ng tumakbo ka. Hindi lang malinaw sa isip ko kung ano o sino 'yon. Aw, shit!" Malakas na bumuga siya ng hangin. "Sorry, nahuli ako ng dating."

Umiling ako. "Hindi mo naman alam kung ano'ng mangyayari. At nagpapasalamat ako dahil dumating ka."

Tumango lamang siya.

"Bakit nga pala napadpad ka sa ilog?"

"Para hanapin 'yong bahay ng Lola... bahay mo. At do'n sa ilog kung saan tayo nagkita balak kong simulan ang paghahanap."

Mali ang kutob ko noong nakita ko siya kahapon. Ano pa kaya ang mga pagbabagong dala ng lalaking ito sa buhay ko?

Pumunta ako sa paanan ng tatlong puntod at tahimik na nanalangin bago kami bumalik sa bahay. Kumakalat na ang dilim nang makarating kami roon.

Nag-aalalang tumingin ako sa kaniya. "Medyo madilim na, kaya mo pa bang maglakad pauwi sa inyo?"

Tumingin siya sa paligid at saka ibinaling ang mata sa akin. "Baka mawala ako. P'wede bang... dito na muna ako matulog?"

Umawang ang labi ko at saglit na natigilan ako. Ano? Dito siya matutulog?

"It's a ridiculous suggestion. Forget it," sabi niya sa banyaga uling salita at iniwan ako pagkasabi niyon.

Sinundan ko ng tingin ang papalayong likod niya. Napatayo ako nang tuwid nang mapagtanto kong ibang daan ang binabagtas niya. Hinabol ko siya. "Diego! Diego!"

Humarap siya sa akin. "Bakit? May problema ba?"

"Ba't sa ilog ka pupunta?"

"D'yan lang ang alam kong daan. Susundan ko 'yong agos pababa. May marka akong tinatandaan kapag malapit na sa bayan."

"Pero mas malayo r'yan!"

"Mas mabuti na 'yon kaysa mawala ako. Kaya lang, baka malagpasan ko 'yong palatandaan kapag madilim na."

Bumuntong-hininga ako. "Dito ka na matulog," alok ko. Matapos niya akong iligtas, alangang pabayaan ko siya.

Humakbang siya papunta sa akin. "Sigurado ka?"

"Ayaw kong mapahamak ka. Maraming hayop ang pumupunta sa ilog at baka 'di mo mapansin na may lumalapit na pala sa 'yo." Sinabayan niya ako sa paglalakad pabalik sa bahay. "Pero pa'no ang mga magulang mo? Baka hinahanap ka na nila?"

SilakboWhere stories live. Discover now