Kabanata 1 - Balatkayo

13K 301 218
                                    

Dito kami sa talampas malimit magpahinga ni Imaran matapos ang ilang oras na paglalakad mula sa bahay. Nakatayo ako sa tuktok nito at tahimik na pinagmamasdan ang aktibidad na nagaganap sa 'di kalayuan.

Malayang nililipad ng hangin ang nakalugay kong buhok. Dinadala rin niyon ang masayang usapan ng mga taong naroon at ang masarap na amoy ng kanilang niluluto. Lahat sila ay abala sa paghahanda dahil sa pagbalik ni Diego, ang bagong tagapagmana ni Don Miguel na siyang pinakamayaman sa aming lugar.

Iba talaga ang nagagawa ng salapi, may kapangyarihan itong baguhin ang pananaw ng isang tao. Sa isang iglap, nakalimutan na nila ang mga kalokohang ginawa ni Diego noong ito ay bata pa.

Sinulyapan ko si Imaran. Nakaupo ito sa tabi ko at seryoso ring nagmamasid sa tanawing nasa harapan niya.

"Gaya-gaya," nangingiting sabi ko.

Tumingala siya at inirapan ako bago muling ibinaling ang mata sa magandang kalikasang nakalantad sa paningin niya.

"Nasasabik ka na rin bang makita s'ya?" tanong ko.

Mahinang umungol ito na tila nagrereklamo sa ginawa kong panggagambala sa daloy ng isip niya.

"Nagseselos ka siguro, ano?" may himig pang-aasar na sabi ko. "Gusto ko lang makita kung ano'ng nabago sa kaniya ngayon. Pero h'wag kang mag-alala dahil ikaw pa rin ang kaibigan ko. Walang tatalo sa 'yo."

Masayang kumahol si Imaran. Mukhang ikinatuwa nito ang sinabi ko. Siya ang alaga kong aso na nanatiling tapat mula pa sa aking pagkabata. Sugatan siya nang matagpuan ko sa gubat noon. Iniuwi ko siya sa bahay para tulungang gumaling. Pinagalitan ako nina Nanay at Lola at sinabihang pakawalan siya dahil mangangagat ito. Hindi ako nakinig at sa halip ay inalagaan ko ito. Tinanggap na rin nila si Imaran kalaunan dahil nakitaan siya ng kakaibang talino.

"Hanggang kailan kaya tayo mananatiling tagamasid lang?"

Wala siyang sagot maliban sa tunog ng buntot nang tumama ito sa lupa dahil sa pagkawag nito.

"Kahalubilo pero hindi kasama. Mabuti pa nga si Diego, tanggap na nila," may halong inggit na sambit ko. Huminga ako nang malalim at tumingala sa bughaw na langit. "Kahit nga ang panahon ay umaayon sa kaniya."

Tumahol uli si Imaran. Lumuhod ako at niyakap siya. "Nandito ka naman, 'di ba? Lagi kang nasa tabi ko kaya hindi ko sila kailangan."

Umalulong ito nang malakas. Hinawakan ko siya sa mukha at matamang tinitigan.

"May kaartehan ka rin, alam mo ba?"

Tumaas ang gilid ng labi at lumitaw ang mga ngipin niya.

Tumatawang tumayo ako. Itinirintas ko ang buhok bago inayos ang talukbong sa ulo. Malapit na ako sa bayan at ayaw kong may makakita sa totoo kong anyo.

Binuhat ko ang mga dala-dalahin na mga halamang gamot para sa simpleng karamdaman. Naging hudyat iyon para tumayo si Imaran. Inilagay ko sa likod niya ang iba at ang mas mabigat ay pinasan ko sa aking likod. Tinalikuran ko ang tanawin sa talampas at ipinagpatuloy ko ang paglalakad.

NASA kapatagan na ako at mabagal na binabagtas ang makitid na daan. Bahagya akong nakayuko habang umaalalay sa aking paglalakad ang hawak na mahabang tungkod. Bahagi ito ng pagpapanggap ko, ang magbalatkayong si Lola.

Nakasanayan na ng taumbayan ang ganoong kilos ni Lola. Bukod doon, palagi rin siyang nakasuot ng maluwag na kulay itim na damit na ang haba ay hanggang talampakan at ang manggas ay lagpas palapulsuhan. Pinapatungan niya ito ng kulay itim na kapa na may saklob sa ulo. Ginagaya ko ang kilos at pananamit niya kaya naman madali ko silang napaniwalang si Lola ako.

Nanigas ang katawan ko nang marinig ang tunog ng kalesa at ilang yabag ng mga kabayo mula sa aking likuran. Nasa pinakamakitid na daan kami at medyo may kataasan ang kalsadang ito.

"Huu! Tanda! Tumabi ka nga!" bulyaw ng isang lalaki.

Maaari akong pumunta sa gilid ngunit nagmatigas ako. Nagkunyari akong walang narinig.

"Ano ba 'yan? 'Di ba p'wedeng gumilid 'yan!" reklamo ng isang babae.

"Pasensya na ho, Doña Claudia. Bingi kasi 'tong matanda!"

Narinig ko ang kabayong papalapit sa akin. Umungol si Imaran dahil sa panganib na paparating. Itinaas ko ang isang kamay para senyasan ito na huwag susugod.

"Sabi nang tumabi ka!" ulit na sigaw ng lalaki. "Hindi ka ba susunod?"

Nanatili akong nakatungo kahit na narinig ko ang tunog ng pagwasiwas ng latigo. Inihanda ko ang sarili sa pagdapo niyon sa akin.

"Mang Nardo, h'wag!" maawtoridad na saway ng isa pang lalaki.

Animo'y dumagundong ang lupa sa bilis ng takbo ng sinasakyan niyang kabayo. Muling umangil si Imaran at agad ko namang pinahupa ang nag-aambang galit nito. Iniharang ng lalaki ang sarili sa pagitan namin ni Mang Nardo.

Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko ay mahahagip na ako ng latigo. Kilala ko si Mang Nardo, isa siya sa mga tauhan sa hacienda ni Don Miguel. At kahit hindi ko sulyapan ang mamang nagligtas sa akin, malakas ang hinala ko na si Diego iyon.

"Maaabala ho tayong masyado, Señor, kung hihintayin pa natin siyang makarating hanggang sa dulo," saad ni Mang Nardo.

"Diego," pagtatama ng kausap. "'Di ba sinabi kong ayaw kong tawagin akong Señor?"

"Pasensya na, Señ...Diego, 'di lang ho ako sanay."

"May hinahabol ba tayo at kailangan nating magmadali?"

"Wala naman ho. Kaya lang, baka mainip ang Mama mo."

"Siya ang may gustong mamasyal. P'wes, magsawa siyang tumingin sa bukid ngayon."

Wala na akong narinig na usapan bukod sa ingay na gawa ng kalesa at kabayo. Ewan ko ba kung bakit ngayon pa umiral ang tigas ng ulo ko. Lihim na sinita ko ang sarili, pero pinanindigan ko pa rin ang desisyon ko. Hindi ako tatabi!

Alumpihit ako habang naglalakad kasabay si Diego hanggang sa makarating kami sa mas malapad na daan. Ilang minuto lang iyon pero pakiramdam ko ay oras na ang lumipas. Nilagpasan kami ng kalesa at nasa unahan nito si Mang Nardo. Humiwalay na sa akin si Diego at sumunod sa kasama niya.

Hindi ko na kayang pigilan ang sarili kaya tumayo ako nang tuwid at tiningnan ang papalayong likod niya. Arogante ang unang pumasok sa isipan ko. Tuwid na tuwid ang pagkakaupo niya sa ibabaw ng kabayo. Malapad ang likod at mukhang mas tumangkad siya.

Ano na kaya ang itsura niya?

Tila nabasa niya ang naglalaro sa isip ko. Bumagal ang takbo ng kabayo at bahagyang pumihit paharap sa akin. Tumambad sa akin ang malapad na dibdib at maskuladong braso niya. Nahigit ko ang aking hininga nang dumako ang mata ko sa mukha niya. Mapanuri ang paraan ng pagkakatitig niya.

Huli na para yumuko ako. Dinasal ko na lang na hindi niya maaaninag nang mabuti ang mukha ko. Sabagay, halos matabunan naman ito ng talukbong. Isa pa, nasisilungan ako ng punong-kahoy kaya medyo madilim sa bahaging kinatatayuan ko.

Nakaharap siya sa tama ng sinag ng araw, kaya malinaw na rumehistro sa akin ang hitsura niya. Ibang-iba siya sa kuya niya. Guwapong matatawag iyon, makinis ang maputing kutis at mamula-mula ang laging nakangiting labi. Samantalang siya, nakuha niya ang kayumangging kulay ng ama at likas na yata rito ang seryosong ekspresyon. Maling tawaging guwapo siya pero walang dudang malakas ang panghatak niya sa mga kababaihan. Lalaking-lalaki kasi ang dating niya.

Iyong tipong malakas... matapang... maaasahan.

Tumalikod siya sa akin at muling pinatakbo ang kabayo. Ano kaya ang nagtulak sa kaniya para lingunin ako?

Pumikit at huminga ako nang malalim. Pinanatag ko ang kumakabog na dibdib. Ayaw ko mang aminin ngunit gumapang ang kakaibang init sa katawan ko. Isinisi ko iyon sa mataas na sikat ng araw at mahalumigmig na simoy ng hangin.

Lagi ko siyang pinanonood noon sa likod ng halamanan. Ito lang ang pangalawang pagkakataon na nagkita kami na wala nang humaharang sa pagitan namin, maliban sa mapagbalatkayong kasuotan ko.

May panghihinayang akong naramdaman sapagkat alam kong malabo na magtatagpo pa ang aming landas.

SilakboWhere stories live. Discover now