Kabanata VII: Habang May Oras Pa

1.3K 12 5
                                    

Kahit may ilaw, matatawag paring haunted house ang inupahan nina Angela sa sobrang dilim nito pag sumapit ang gabi. Kahit matagal nang wala sa uso ang onion bulbs na dilaw ay yun ang mga bumbilyang makikitang nakalagay sa mga kisame. Kaninang umaga pa man na buhay pa ang araw ay kapuna-puna na ang kawalan nito ng maraming bintana na nagsisilbing pasukan ng sinag. Dagdag pa rito ang namumuong kaba nina Chi sa pagkawala ng tatlo sa kanila. Nasa lobby ang tatlo habang iniisip kung saan maaaring nagsuksok ang mga kaibigan.

Nasilip na nilang lahat ang mga lugar kung saan maaaring nagtungo sina Camille, Marian, at Mae. Wala sa kahit anong silid na pwede nilang pasukin sila matatagpuan. Alalang-alala na si Matts at hindi mapigilan ang sarili sa pabalik-balik na paglalakad.

“Sumagot na ba?”

“Wala parin eh,” nakalagay parin sa may bandang tainga ni Chi ang telepono nang tinanung siya ni Angela, naghihintay na may sumagot sa kabilang linya.

“Pre hula ko naglakad yung mga yun sa beach.”

Hello? Matts isipin mo naman, sinong taong nasa matinong pag-iisip ang maglalakad dun sa ganitong oras?” 

Natahimik si Matts nang mapagtantong tama ang sinabi ni Angela. Ngayon lang nangyari sa magkakabarkada ang ganito. Simula pa noon, halos hindi na matulog ang bawat isa sa pag-uusap habang masayang nag-iinuman. Kabaligtaran ang nagyayari sa kanila ngayon. Hindi lang sila natigil sa pag-inom, nawawala pa ang ilan sa kanila. Pero may nanatiling parehas. Hindi sila makatulog.

“C.R. lang ako,” paalam ni Matts.

“O sige. Baka pati ikaw hindi ka na rin magpakita ha? Susuntukin talaga kita,” banta ni Angela.

Papalayo si Matts nang nagdesisyong magsalita si Chi tungkol sa kanina pa niya nais banggitin.

“Angela, wag ka sanang magagalit, pero kinakabahan ako sa lugar na ‘to. Hindi ako sure kung napansin mo rin, pero alam mo kasi, kanina habang nasa bayan tayo, grabe yung tingin ng mga taong nadadaanan natin. Kahit nalampasan na natin sila, hindi nila inaalis ang mga mata nila sa sasakyan natin,” kuwento ni Chi.

“Napansin ko rin yan at yan din yung kanina ko pang iniisip. Pareho tayong nasa harapan ng kotse kanina Chi. Nakita ko rin yung mga nakita mo.” sagot ni Angela.

“Alam mo talaga, hindi naman sa ikaw ang sinisisi ko. Wala kang kasalanan. Sa totoo lang, maganda ang beach. Nga lang sa palagay ko, dapat na tayong umalis sa lalong madaling panahon,” mungkahi ni Chi, “Wag na tayong magtagal dito.”

“Sang-ayon ako diyan sa sinasabi mo Chi. Kung alam ko lang, sa ibang lugar nalang dapat ko dinala ang grupo. Pasensya na.”

Kagaya nina Marian, hindi nagtagal ay nagmukhang wala na ring planong bumalik si Matts.  Mangangalahating oras na ang itinagal ni Matts sa banyo pero mukhang pati siya ay nawawala narin. Palalim nang palalim ang gabi.

“Ano ba ‘tong si Matts, mag si-C.R. lang raw ang tagal-tagal.” Yamot na sabi ni Angela.

“Kinakabahan na ko, katukin na natin siya banyo.”

“Tara,” napilitang sagot ni Angela sapagkat aminado siya sa sariling ayaw niyang naglalakad sa loob ng gusaling sinisilungan nila.

Nang papatayo na silang dalawa ay may narinig silang tumatakbo sa labas. Sa pag-iisip na baka sina Marian na iyon, hindi muna sila umalis.

“Sila na siguro to.” Hula ni Chi habang nakaantabay. Hula na may kahalong hiling, hiling na sana’y sila na nga.

Papalapit nang papalapit ang mga yapak at pabilis nang pabilis, wari’y may humahabol sa tumatakbo. Nang mistulang parang wala nang limang metro ang layo ng mga yapak ay bigla itong tumigil na siya namang ikinataka nina Angela. Magkahawak ng kamay, hinintay nina Chi na may magsalita.

Tuloy Kayo (Unang Libro)Where stories live. Discover now