CHAPTER 3

829 33 5
                                    



CHAPTER 3

HINDI pa rin makapaniwala si Katherine sa mga naranasan niya sa unang araw niya sa Dalton Academy. Tila ba naging isang peligrosong pagtatanghal ang buhay niya dahil sa mga nangyari mula nang makilala niya ang dalawang binatilyog may kaparehas din ng kanyang kakayahan.

"Bakit ba nangyayari sa akin 'to?" tanong ni Katherine habang nakaharap sa salamin suot ang uniporme niya sa eskuwelahan. Nakatitig lang siya sa mukha niya habang nakatayo sa harap ng mahabang salamin na kita ang kabuuan niya. May halong pagtataka at takot sa mukha ng dalaga. Wala siyang ideya kung paano nangyari lahat nang iyon sa isang iglap.

"Kath, bumaba ka na diyan. Nandito na ang school bus!" sigaw ng ina niya sa kanya na nasa ibaba lamang. Inihanda ni Katherine ang kanyang sarili. Huminga siya nang malalim at kinuha ang kanyang bag na nasa kama lang niya. Nagmamadali siyang bumaba sa sumakay sa school bus. Pagkapasok pa lang niya sa bus ay narinig na niya ang malakas na bulyawan at sigawan ng kapwa niya kamag-aral. Lahat ng upuan ay okupado ng mga mag-aaral maliban sa isang bakanteng upuan malapit sa pinakadulong bahagi kaya doon napili ni Katherine na umupo.

Napansin niya na may lalaking nakasuot ng hoodie-jacket ang nakaupo sa tabi lang niya. May nakapalsak na headset sa magkabilang tainga nito at nakasuot ng shades kaya hindi niya gaanong makita ang mukha nito. Tila tulog ito kaya hindi na siya nag-abala pang magpaalam pa kung puwede bang umupo sa tabi nito. Bahagyang nagsitahimik ang mga kasama niyang mag-aaral sa loob ng bus at nagtinginan sa kanya. Ang iba ay tila nag-aalala samantalang iba ay para bang may pagbabantang nais sabihin. Hindi na lamang niya ito pinansin at kinuha na lamang niya ang librong nasa bag niya at nagbasa.

Ilang sandali lang ay dumating na sila sa eskuwelahan at isa-isang nagbabaan ang mga mag-aaral maliban sa lalaking kanina pang katabi ni Katherine. Akmang bababa na sana siya nang mapansin niyang hindi pa nagigising ang lalaki kaya hindi na siya nag-atubiling gisingin ito upang paalalahanan.

"Kuya, gising na. Nandito na tayo sa school," bulong niya habang tinatapik ang balikat nito. Paulit-ulit niya itong ginawa hanggang sa binalaan siya ng drayber.

"Miss, 'wag mo nang gawin yan. Delikado ka diyan," babala ng manong drayber ngunit huli na ang lahat. Gising na ang binatang kanina pang natutulog sa biyahe. Nagulat na lamang si Katherine nang hawakan nito nang mahigpit ang kanyang braso at sa pagkakataong yun kitang-kita niya ang matapang na mukha ng binatilyong kanina lamang ay natutulog. May maamo itong mukha at matangos na ilong. Kapansin-pansin din ang hugis ng kanyang mukha na nagpaganda dahil sa panga nito na lalaking-lalaki ang dating.

"Ang lakas ng loob mong gisingin ako. Who the hell are you?!" galit nitong tanong. "Hindi mo ba ako nakikilala?" dugtong nito habang tumatayo at hawak pa rin ang kanyang braso. Napadaing siya.

"Sir, pagpasensyahan nyo na. Bago lang siya dito," pag-awat ni manong drayber sa binatilyo. Naging matalas ang tingin niyo sa drayber ngunit hindi na ito umimik. Sa halip ay padabog nitong binitawan ang braso ni Katherine at mabilis na bumaba ng bus.

"Kuya, sino ba yun?" tanong ni Katherine sa drayber habang iniinda pa rin ang masakit na braso na tila muntik na siyang mabalian dahil sa mahigpit na pagkakahawak nito sa kanya.

"Siya si Von Louise Alegre Dalton," tugon nito sa kanya habang lumalapit at sumeryoso siya ng tingin tsaka muling nagsalita."Siya ang anak ng may-ari ng pinapasukan mo paaralan, miss. At ang tawag sa kanya dito ay. . . VLAD. Initials 'yon ng pangalan niya, tunog bampira, hindi ba?" Hindi alam ni Katherine ang magiging reaksyon niya sa sinabi ni manong drayber; kung matatawa ba siya kasi napaka-weird ng pagpapakilala nito sa binatilyo o matatakot siya dahil tila totoo ang sinasabi nito.

"Ah, sige, kuya. Salamat. May klase pa kasi ako baka mahuli ako," wika ni Katherine na diri-diretsong naglakad sa pintuan ng bus ngunit bago pa siya makababa sa sasakyan ay narinig niya ang isang babala mula sa drayber. "Mag-ingat ka, hindi siya marunong maawa," Ngunit hindi na lamang niya iyon pinansin at sa halip ay naglakad na lamang siya sa pasilyo ng paaralan.

Tahimik ang buong paligid. Walang bahid ng anumang pagkabayolente kaya ganoon na lamang ang pagiging kalmado ni Katherine habang naglalakad papasok. Ngunit habang tinatahak ang loob ng corridor, napansin niya ang isang babaeng nakaupo habang sa harap nito ay may tatlong babae. Tila ba sinisindak ng mga iyonbang babaeng nakaupo. Sasampalin na sana ng babaeng nasa gitna ang kawawang estudyante ngunit bago pa man niya iyon magawa ay mabilis na sinalo ni Katherine ang palad nito gamit ang kanyang kanang kamay kaya hindi nito naituloy ang pagdapo ng palad nito sa babaeng nakasalampak sa sahig.

"Subukan mong ituloy, babakat sa pagmumukha mo ang sapatos ko," pagbabanta ni Katherine. Nagulat ang dalaga sa ginawa niyang aksyon at maging ang mga kasama nito ay hindi rin makapaniwala sa ginawa ni Katherine.

"Sino ka naman sa tingin mo para pigilan ako? Do you even know me.?" mataray nitong tugon ngunit mabilis na lumapit ang kasama nitong babae sa kanya at may ibinulong. "Ooh. . . so, ikaw pala yung b*tch na tumabi sa soon to be fiancee ko."

"Excuse me?" tanong ni Katherine na may pagtataka.

"Don't you dare na agawin sa akin si Vlad, kundi ako ang makakalaban mo!"

"Huh?!" Natawa si Katherine sa narinig. "Who cares about your douche bag boyfriend?" mataray na sagot ni Katherine.

"Ang kapal ng mukha mong-"

Akmang sasampalin siya nito ngunit kaagad niya itong nasanggahan. Bago pa dumapo sa mukha niya ang palad nito ay nauna na siyang magpakawala ng malakas na sampal dito.

"Sige, ituloy mo. Hindi lang 'yan ang matitikman mo sa susunod na gawin mo ulit 'to," matapang na pagbabanta ni Katherine.

Nakita niya ang takot sa babaeng nasa harapan niya kaya hindi na nito magawang makaimik pa at nagmamadali na lamang itong umalis kasama ang mga kaibigan niya. Ngunit hindi pa man sila nakakalayo ay tila isang pangitain ang nakita niya. Napahawak siya sa ulo at napapikit at nakita niya ang babaeng kanina lamang ay nais siyang sampalin na nililigo sa sarili nitong dugo at paulit-ulit sinasakal ang sarili. Hirap na hirap ito sa paghinga at para bang may kung sinong sumakasakal sa kanya. Mabilis niyang binuksan ang mga mata niya upang mawaksi ang pangitaing nakita niya.

"Miss, okay ka lang ba?" tanong ng babaeng pinagtanggol niya. Nakita niya ang pag-aalala nito. Maliit lamang ang babae at may kagandahan. Nakasalamin ito at nakapusod ang buhok. Halata na may mahinang personalidad ito.

"Okay lang," tugon ni Katherine.

"Ako nga pala si Micaella. Salamat nga pala sa ginawa mo," pagpapakilala nito sa kanya at inabot ang kamay.

"Katherine," nakangiting tugon niya at nakipagkamay sa dalagang nagngangalang Micaella na siya namang pagtunog ng bell hudyat na magsisimula na ang klase.

"Ah. . . sige, Katherine. Una na ako. Nice to meet you." Mabilis na tumakbo si Micaella at tinungo ang kanyang silid-aralan. Ngunit naiwang nakatayo si Katherine sa puwesto niya at tila nagtataka sa mga pangitaing nakita niya.

Paano nangyaring nagkaroon siya ng pangitain sa maaring pagkamatay ng isang taong kakikilala pa lamang niya? Hindi kaya. . . isa ito sa abilidad niya?

ACADEMY OF DEATHUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum