Chapter 14

830 37 1
                                    

Huminto ang sinasakyang taxi ni Hazel sa isang hindi kalakihang gusali. Simple lang ito at makaluma ang disensyo. Nakasulat sa itaas nito ang mga katagang Melius Antique Shop.

"Nandito na po tayo maam." lingon ng driver sa kanya.

Inabot niya ang bayad dito. "Maraming salamat po, Manong." aniya at bumaba na sa taxi.

Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kanyang shoulder bag at inilibot ang tingin sa paligid. Sa tabi ng shop ay matayog na nakatayo ang isang malaking puno ng Acacia. May iilang bahay siyang nakikita pero ang lalayo ng mga ito. Kadalasang makikita lang ay mga puno. Ang tanging nagpapaingay sa paligid ay ang mga dumaraang sasakyan. Nasa gilid lang kasi ito ng kalsada.

Humugot siya ng malalim na hininga at pumasok sa gusali.

Unang bumungad sa kanya ang napakaraming mga antigong bagay. May ilan kung saan may nararamdaman siyang kakaiba. Ang iba naman ay napakalakas ng hatak ng masamang enerhiya. May ilan din na mukhang ordinaryo lang.

Pero hindi siya dapat pakasiguro.

"Magandang umaga, Ineng! Anong maipaglilingkod ko?" Isang matandang lalaki na pinupunasan ang mga antique items na nakadisplay sa isang shelf ang nakangiting bumati sa kanya.

Napatingin siya dito.

Kung titingnan ay mukhang nasa late 60s na ito pero malakas pa rin. Mukhang kaedad pa nga nito ang ilang mga items na nandito. Napakasimple ng suot nitong damit at itim na pants na kumukupas na ang kulay.

Napapaisip tuloy siya kung wala man lang ba itong kasama dito. Paano kaya nito nahaharap ang lahat ng mga kababalaghang nangyayari sa shop na ito?

Lalapitan na sana niya ito pero agad siyang napaatras nang maramdaman ang masamang aura mula isa sa mga items na madaraanan niya. Nagtayuan agad ang mga balahibo niya sa katawan. Nagdalawang-isip tuloy siya kung tutuloy ba o hindi.

Parang natunugan naman ng matanda na hindi siya komportable kaya ito nalang ang lumapit sa kanya.

"Bibili ka ba, Ineng?" tanong nito. Hindi pa rin naaalis ang ngiti nito. Para bang buong araw nitong pina-practice iyon para sa mga darating na customers.

"Magtatanong lang po sana ako." sabi niya.

"Tungkol saan ba 'yon?"

Hinalungkat niya ang laman ng kanyang shoulder bag at iniabot sa matanda ang pakay. Agad naman nitong tinanggap 'yon at binusisi.

"Ang sabi ng kaklase ko, dito raw niya nabili yan. Magtatanong lang po sana ako kung saan niyo nakuha ang figurine na yan?"

Ilang sandali rin itong nag-isip.

"Kung tama ang pagkakaalala ko, may isang lalaki ang nagbenta nito sa akin noon. Ang sabi niya, matagal na raw itong pagmamay-ari ng lola niya at kailangang-kailangan daw niya ng pera ng mga panahong iyon. Naawa naman ako sa kanya at nakita ko namang totoong antigo ito kaya binili ko na rin." sagot nito.

"Alam niyo po ba ang pangalan ng lalaki?" tanong niya.

Ilang sandali ulit itong nag-isip.

"Hmm... Allen? Ay hindi. Alwin yata 'yon? Al... Alvin!" bahagya pa itong tumigil at inisip ng mabuti kung tama ba ang pangalang sinabi. "Oo, Alvin Lapeciros nga ang pangalan nun kung hindi ako nagkakamali."

Parang nakahinga siya ng maluwag sa nakuhang impormasyon.

"Alam niyo po ba kung saan nakatira si Alvin Lapeciros?" tanong niya.

"Naku pasensya ka na, Ineng. Hindi ko na alam ang tungkol diyan." sagot nito at muling ibinalik sa kanya ang figurine na agad naman niyang tinanggap.

'Di na bale, alam na naman niya ang pangalan ng may-ari.

"Bakit mo pala natanong, Ineng?" dagdag tanong pa ng matanda.

"Nagbabakasakali po kasi ako na matulungan niya. Kailangan po kasi namin siya ng kaibigan ko. Siya lang po ang posibleng nakakaalam ng sagot sa tanong namin." sagot niya.

"Ah ganun ba? Hindi ka ba bibili?"

"Sorry po. Hindi po ako bibili. Magtatanong lang po talaga ako. Sige po, aalis na po ako. Maraming salamat po sa impormasyon." aniya at nagmamadali na nga siyang umalis doon.

Agad niyang pinara ang dumaang jeepney at sumakay doon.

Uuwi na muna siya ng dorm niya. Siya nalang ang bahalang maghanap sa tinitirhan ni Alvin Lapeciros.

--^^

Saktong pag-alis ng jeepney na sakay ni Hazel ay siya namang pagdating ng isang asul na kotse. Nagmamadaling lumabas dito ang isang babae at isang lalaki.

Pumasok ang mga ito sa antique shop.

"Manong, may dumaan po ba ritong babae? Naka-pink po siya, mahaba ang buhok at may dalang itim na shoulder bag?" tanong ng babae sa matanda.

"Oo. Kakaalis niya lang. Naku, nagkasalisi yata kayo." sagot ng matanda rito.

Hinarap ng babae ang kasamang lalaki.

"Saan ba siya nakatira?" tanong nito.

"Sa pagkakaalam ko, may nirerentahan siyang apartment malapit sa school." sagot naman ng lalaki.

"Kailangan natin siyang puntahan. Kailangan nating magmadali!"

Itutuloy...

====================

Her Special Gift

Regalo Para Kay ThessaWhere stories live. Discover now